MGA  ALAMAT  NG  UNANG  PILIPINO

Kababalaghan  At  Hiwaga:
Mga  Hiyas  Ng  Ating  Kasaysayan

Legends and Myths of  the Philippines: Gems from Prehistory

Ang mga ito ay mga cuento lamang na ipinasa mula sa nakaraang panahon, kaya kailangang idiin ng mga
guro sa isip ng mga bata na ang mga ito ay gawa-gawa lamang at hindi dapat paniwalaan. Kung hindi, baka akalain ng mga murang isip ng mga batang katutubo na tutuong nangyari ang mga alamat na ito. Kung magka-gayon, maguguluhan sila at magiging mahirap iwasto ang kanilang paniniwala. Kaya ipaliwanag sa kanila kung ano ang gawa-gawang sanaysay, at ipakita sa kanila na kakatwa ang maniwala sa ganitong uri ng hiwaga at kababalaghan...   --  John Maurice Miller,   Philippine Folklore Stories, 1904

  ANG  KASAYSAYAN ng Unang Panahon sa Pilipinas ay natatakpan ng limot, at malamang hindi naisulat ng mga Unang Pilipino ang kanilang diwa at mga karanasan, kaya ilang daang taon inakala na lubusan nang naglaho at hindi na masasagip ang nakaraan ng bayan. Alingasngas lamang at hindi tutuo na sinunog at binurâ ng mga Español lahat ng kasulatan at anumang bahid ng lumang kagawian (traditions) upang mapalawak ang catholico, tulad ng ginawa nila sa Mexico at iba pang bahagi ng America. Ang tutuo ay walang kasulatan anuman ng kagawiang Pilipino bago dumating ang mga Español. At tutuo rin na hindi naburâ ang mga lumang kagawian. Matagal pagkaraan ng panahon ng Español, “buhay” at inawit pa ang maraming alamat.

Ilang ulat lamang tungkol sa sinaunang tao ang naka-abot sa kasalukuyan, sa cronicas ng mga unang frayleng dumating sa Pilipinas halos 400 taon sa lumipas. Ang hirap, itinago ang cronicas sa mga convento sa España at nanatiling lihim sa buong daigdig, hanggang inilathala ni Jose Rizal nuong bandang 1889 ang unang cronica na nabunyag sa mga Pilipino, ang ‘Sucesos de las Islas Felipinas,’ sinulat ni Antonio de Morga nuong 1607.

Pagkasakop ng America sa Pilipinas nuong 1898 saka lamang sinaliksik at inilathala ang iba pang cronicas na, sa tingin ng marami, ay tanging nalalabing larawan ng mga Unang Pilipino. Mahalaga ang mga paglalarawan, ilan ay isinalin sa Tagalog at nakahayag sa website na ito, subalit taglay nila ang 3 katangian: Una, guhit sila sa hindi nakakaunawang mata ng mga dayuhan; pang-2, ang layunin ng mga frayle ay ibahin at binyagan ang mga tao, hindi itaguyod ang kanilang mga lumang gawi; at pang-3, ang libu-libong taon ng kasaysayan ng Pilipino bago dumating ang taga-Europe ay nanatiling madilim kung hindi man bale wala.

Unti-unti at dahan-dahan, sa sikap ng mga Amerkano nuong una, at ng mga Pilipino at ng mga Australian sa kasalukuyan, pinapawi ang dilim at binibigyan halaga ang malayong nakaraan ng Pilipinas. Subaybay madalas sa mga pahayagan at magazines ang mga katibayang nahuhukay ng mga archaeologists at mga nag-agham (scientists) tungkol sa buhay ng mga Unang Tao sa Pilipinas. At, paksa nitong aklat, ang mga alamat at awit ay bumubuhay muli sa damdamin at pag-iisip ng mga limot nang Pilipino. Sa mga kataga mismo ng mga ninuno, naririnig ng mga Pilipino ngayon ang sigasig ng malabo nang alaala na nagdala sa ating lahat sa kasalukuyan.

Kaya matino man ang layunin ng babala ni John Maurice Miller na huwag paniwalaan ng mga bata ang mga alamat, tumpak naman ang sikap niya, at ng iba pang guro at manaliksik (researchers), na ituro sa mga Pilipino ang mga salaysay mula sa mga ninuno, inawit o tinula sa kani-kanilang wika tuwing may pagdiriwang o anumang pagtitipon ng mga tao nuong nakaraan.

Karaniwang tungkol ang mga ito sa mga bayani ( folk heros), ang mga

kagitingan (exploits) na kanilang ginawa, at ang mga hiwaga (misterios, magic) o mga halimaw (monsters) na kanilang hinarap, kinalaban at tinalo.

Mula sa mga salaysay na ito ng kababalaghan maaaring matanaw ang buhay at pag-iisip ng mga lumipas nang Pilipino. At baka rin, mula sa mga hiyas (alajas, gems) na ito ng ating kasaysayan (history), maunawaan kahit kaunti ang pagkatao at kalagayan ng kasalukuyang Pilipino.

Si ‘Lam-Ang’ ng mga Iloko

Ang pinaka-tanyag na alamat ng mga Unang Iloko ay ang ‘Ti Biag Ni Lam-Ang,’ ang kapiraso ay nakalathala sa isa sa mga sumusunod na pilas. Paniwala ngayon na ang alamat ay mga pinagsama-samang awit ng iba’t ibang manalaysay mula sa iba’t ibang panahon nuong bago pa dumating ang mga Español. Magka-kaiba ang version nitong alamat. Sa isa, mga tsonggo o matsing (monos, monkeys) ang kalaban ni Lam-Ang. Ito ang pinagbatayan ng sapantahang nanggaling pa ang salaysay sa India o Burma, kung saan may mga alamat din ng digmaan laban sa mga matsing.

Sa ibang version, ang mga kalaban ay mga Aeta sa gubat, maniwaring mula pa nuong malayong nakaraan nang dinidigma at itinataboy ng mga Iloko ang mga Aeta na unang tumao sa kanlurang hilagang (northeastern) Luzon. Sa 2 version mahuhulaan na napaka-tanda na ng ‘Lam-Ang’ bagaman at ang pina-kilalang version ay ang inilathala nuong 1640, panahon na ng Español, ni Pedro Bukaneg, itinatanghal ngayong ‘ama ng tulang Iloko,’ sa patnubay ng isang frayleng Augustinian, si Francisco Lopez. Sa version na ito, ang kalaban ni Lam-Ang ay ang mga Igorot na humahadlang nuon, at matagumpany nuong buong panahon ng Español, sa pagpasok ng mga frayle sa Cordillera.

Ang ‘Hud-Hud’ ng mga Ifugao

Sa bundukin ng Cordillera sa hilagang Luzon inawit tuwing anihan (harvest) at iba pang pagtitipon ng mga tao nuong araw ang mahahabang alamat na tinatawag nilang ‘Hud-Hud.’ Sinisikap ngayong simulang awitin uli ng mga kabataan ang ‘Hud-Hud,’ karaniwang tungkol sa buhay ng mga bayani ng

mga Ifugao. Ang pinaka-sikat at itinatangi ay ‘Hud-Hud hi Aliguyon’ na nakalathala sa isa sa mga sumusunod na pilas. [ Tunghayan ang listahan ng mga alamat sa susunod na pilas o pagina.]   Isa pang uri ng alamat ay ang ‘Alim’ na ukol sa mga diwata (dioses y diosas, gods and goddesses) ng mga Ifugao.

Isa ay si Punholdayan na nakatira sa “Kabunian” (cielo, heaven, langit).

Ang ‘Yvalon’ sa Bicol

Sinisikap ngayon sa Bicol na “buhayin” muli (resurrect) ang ‘Ibalon,’ ang alamat ng mahiwagang pinagmulan ng unang lalaki at unang babae sa Aslon at Ibalon, binubuo ng kasalukuyang mga lalawigan ng 2 Camarines, Albay, Sorsogon, Catanduanes at Masbate. Kasaysayan din ito ng 3 bayani na

unang nagtatag ng mga pamahayan (settlements) ng mga tao duon, nagturo, nagtanggol at nagpa-unlad sa mga nayon nuong bago nag-panahon ng Español. Mayruon din sa alamat ng salaysay tungkol sa malaking bahâ na lumunod sa buong daigdig, tulad sa diluvio universal ni Noah sa Biblia. Kuru-kuro na ang ‘Ibalon’ ay sapin-sapin ng mga salaysay na inawit nuong iba’t ibang panahon sa Bicol at iba pang lupain.

Ang ‘Haraya’ at ‘Hinilawod’ ng mga Visaya

Ang ‘Hinilawod’ ay isang maagang dakilang tula (epic poem) na inawit ng mga unang tao sa Iloilo, Aklan at Antique, sa pulo ng Panay. Laman nito ang pakikibaka ng bayani, si Humadapnon, na anak ng mga diwata. May taglay siyang kapangyarihan sa hiwaga, at katulong niya at ipinagtatanggol siya ng mga diwata.

Ang pinaka-tanyag niyang pakikipag-sapalaran (empresa, adventure) ay ang paghanap niya kay Nagmalitong Yawa, magandang dalaga na una niyang nakita sa panaginip (sueño, dream). Sakay sa kanyang ginintuang bangka, sinuong niya lahat ng panganib ng dagat.

Nabihag pa siya ng isang manunukso (encantada, enchantress) bago siya nakaligtas at natagpuan si Nagmalitong Yawa na, sa wakas, ay kanyang napangasawa.

Isa pang alamat sa Panay ang ‘Hinilawod,’ mga salaysay ng mga bayani na puno ng mga pangaral (morales, lessons) at maihahambing sa mga fable ni Aesop ng sinaunang (viejo, ancient) Greece.

Sa katabing pulo ng Negros naman nagmula ang alamat ng ‘Hari sa Bukit,’ kasaysayan ni Kanlaon. Ang ibig sabihin ng “laon” ay “sinauna” o “matagal nang nakaraan,” samantalang ang “Kang” o “Kan” ay panggalang (titulo, honorific) na katumbas ng “Ka” sa Tagalog.

Ang ‘Darangan’ sa Mindanao

Ang mga Unang Tao sa Mindanao ay kumatha ng marami at mayamang panitikan (literature), bagaman at hindi naisulat kundi nitong mga nakaraang taon lamang. Tinawag lahat-lahat na “Darangan,” ito ay mga alamat ng mga dakila ( great) at mga magiting (nobles), ang kanilang ligawan (romancias), mga pag-ibig (amores, loves) at pakikipag-sapalaran. Napaka-ganda at isa sa mga pinaka-matandang alamat sa Pilipinas, mahaba ang “Darangan” at inaabot ng 3 gabi ang pagsalaysay sa 25 kabanata (capitulos, chapters) nito.

Isa sa mga “Darangan” ay tungkol kay Bantugan, isang mandirigma (guerrero, warrior) at kapatid ng datu ng nayon ng Bumbaran. May gamit siyang mahiwagang kalasag (tapa, shield) at mahiwagang kampilan (espada, sword) na ginamit niya minsan laban sa mga kaaway. Nahulog siya sa tubig at sinakmal ng isang buaya (crocodile). Ibinalik siya sa mga kaaway subalit ipinagtatanggol si Bantugan ng mga tonong (angeles, divinities, mga diwata) kaya nagbalik ang kanyang lakas at nakatakas. Sakay sa kanyang bangka na napapasugod niya sa dagat kahit walang sagwan (remos, oars), sinagupa niya uli at ginapi ang mga kaaway.

Minsan pa, nilusob ng mga kalaban ang kanyang nayon ng Bumbaran. Akala nila, napatay nila si Bantugan, subalit sa kahuli-hulihang saglit (a ultima



  hora, in the nick of time), nasagip ang kanyang kaluluwa (espiritu, soul ), nabuhayan siya at iniligtas niya ang nayon.

Si ‘Tuwa-ang,’ Bayani ng mga Bagobo

May mga alamat ang mga Bagobo sa Mindanao tungkol sa kanilang bayani, ang dakilang Tuwa-ang, tinawag ding Tatuwang. Tulad ni Lam-Ang ng mga Iloko, si Tuwaang ay matapang, malakas at may kapangyarihang hiwaga. Sa isang alamat, sumakay siya sa kidlat (rayo, lightning) papunta sa lupain ng Pinanggayungan. Tapos, natagpuan niya ang isang dalaga ng Buhong na hinahabol ng isang binatang dambuhala ( gigante, giant) ng Pangumanon.

Nagbakbakan si Tuwa-ang at ang dambuhala, na matapang at malakas din. Pantay ang labanan hanggang gumamit ang dambuhala ng hiwaga (magia, magic). Hinagisan niya at binalot ng apoy si Tuwa-ang. Muntik nang napatay

ang bayani subalit gumamit din siya ng hiwaga. Inutos niya sa hangin na hipan ang apoy hanggang tumama at bumalot sa dambuhala, na nasunog.

Ang mga Alamat ng mga Maranaw

Ang mga Maranaw ay may mga alamat ng kanilang mga bayani tulad ni Sulayaman at ni Indarapatra, ang hari ng Mantapuli. May mahiwagang sibat (lancia, spear) si Indarapatra na bumabalik sa kanya pagkatapos niyang ihagis sa kalaban. Isa sa mga pinatay niya ay ang isang dambuhalang halimaw (giant monster) na lumiligalig sa Mantapuli. Isinalin sa English itong salaysay ni Frank Lewis Milton at nalathala sa The Philippine Magazine nuong 1929.

Mga ‘Lumang Awit’ sa Batangas

Nuong nakaraan, kabilang sa lalawigan ng Batangas ang Laguna, Batangas, Quezon, Marinduque, Mindoro at mga bahagi ng Rizal hanggang Morong. Duon, binanggit ni Dr. Jose Panganiban sa aklat niya tungkol sa panitikang Pilipino (Philippine Literature), inaawit dati ng “matatanda” ang mga himig ng mga mandirigma (war chants). Sinasabayan pa raw ng sayaw saliw sa tugtog ng mga “kulintang,” isang uri ng kudyapi (laúd, lute) na isang bilog na piraso ng puno ng kawayan at ang mga hibla (cuerdas, strings) mismo ng kawayan ang hiniwalay paitaas, pinipitik at pinatu-tugtog.

“Limot na kung sinu-sino ang mga makata na umawit at tumula ng maraming alamat sa kani-kanilang wika,” hayag minsan ni Eulogio B. Rodriguez, ang dating director ng Philippine National Library. “Sinikap man nila o hindi na sumikat nang sarili, ang kanilang sigasig ang naghatid ng mga alamat, hindi naisulat kundi isinaulo at sa bukang bibig lamang, mula sa libu-libong taon sa nakaraan.” Ang yaman ng kanilang pamana ang naging batayan ng pag-ipon at paglathala sa mga alamat, paisa-isa at mabagal, ng mga masigasig ding mga manunulat nitong nakaraang 100 taon. Sila, sabi ni Rodriguez, ang nagtatayo ng matatawag nating panitikan ng bayan (national literature).

Tulad ng mga ‘lumang awit’ sa Batangas, ang mga alamat na nakalathala sa mga susunod na pilas ay ‘napulot’ o narinig lamang. Ibinunyag nina Berton L. Maxfield at W. H. Millington na ang nilalaman ng aklat nila, “Visayan Folk-Tales,” ay bigay ng mga Visayang mag-aaral (estudiantes, students),

itinuro sa kanila ng mga magulang, o narinig sa mga manalaysay (cuentistas, storytellers) sa pamilihang bayan (mercado, market) habang namimili ng pagkaing hapunan (comida, dinner). Itong mga salaysay ang tanging aliwan ng mga tao (mass entertainment) nuong panahon ng Amerkano, nuong wala pang radio o television.

Hinayag naman ni Mabel Cook Cole sa kanyang “Philippine Folk Tales” na 4 taon siyang kasa-kasama ng asawa, manaliksik (researcher) ng Field Museum of Natural History, pagdalaw sa iba’t ibang “ligaw” na pangkat (“wild tribes”) sa Pilipinas. Duon-duon niya napulot ang mga alamat, sa bahay ng mga taga-bundok na sinilungan o sa malaking siga (hoguera, camp fire) sa gitna ng baranggay, pati na sa panaghoy (chant) ng mga babaylan (sacerdotes, shamans) habang sumasampalataya sa mga anyitos (espiritus, forebears).

Kabilang sa mga alamat na iniipon, isinusulat at sinisikap na awitin uli ngayon:

  1. Kalinga Banna Bidian’ ng mga Ibaloi sa Cordillera
  2. Sud-Sud’ ng mga Tagbanua sa Palawan
  3. Dagoy’, mula sa Palawan din
  4. Ulagingen’ at ‘Selch’ ng mga Manobo sa Mindanao
  5. Sulod labaw Denggen’ at ‘Agyu’ ng mga Bukidnon sa Mindanao
  6. Parang Sabil’ ng mga Muslims sa Sulu
  7. Panglima Munggona’ at ‘Jikiri’ ng mga Tausug sa Sulu

Ulitin mula sa itaas                       Lista ng mga Alamat                       Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas                       Sunod na Pilas