Mural ni Botong

‘BOTONG’ CARLOS V. FRANCISCO

Ang Tagapag-larawan Ng Dakilang Pilipino

Ang buong larawan ay puno ng iba’t ibang kasaysayan ng mahigit 500 taon ng pagsikap ng bayang Pilipino, mga kasaysayan na inilarawang nagpapatuloy at animo’y hindi maghahanggan. At lahat ng kasaysayan, pagsikap at damdamin ng nakaraang 500 taon ay binuong lahat at binigyang buhay sa iisang larawan.
--Patungkol sa 500 Years of Philippine History, ang naglahong mural ni Carlos V. Francisco, ang ilang piraso ay nakaralarawan dito
Botong

NUONG 1920s, nagsimulang umangal ang ilang batang pintor sa malawak na pag-iral ng tinawag na “Amorsolo school” sa pagpinta, at naghanap ng kaibang hilig (style) upang mailarawan ang kanilang mga pag-iisip at damdamin. Nuong 1928, bumalik ang isa sa kanila, si Victorio C. Edades (1895-1985), mula sa America at nagtanghal ng sarili niyang mga larawan sa Philippine Columbian Club sa Ermita, Manila. Pagkaraan ng 6 taon, nuong 1934, niyaya niya ang 2 nag-aral sa “Amorsolo school” ng University of the Philippines School of Fine Arts na gumawa sila ng isang ‘mural.’ Silang tatlo - Edades, Galo B. Ocampo at Carlos ‘Botong’ Francisco - ang naging 3 pinuno (triumvirate) ng Makabagong Sining (Modern Art) sa Pilipinas.

Nabuo paligid sa tatlo ang mga bata at sumisikat na mga pintor, sina Diosdado Lorenzo, Vicente S. Manansala, Hernando R. Ocampo, Cesar T. Legaspi at Demetrio Diego at Arsenio Capili (1914 – 1945) na namatay nuong panahon ng Hapon. May 2 guro sa UST ang kasapi, sina Bonifacio Cristobal at Jose Pardo, isang architecto. Dalawang nag-aaral sa UST ang nakasama, si Anita Magsaysay-Ho, ang kaisa-isang babae sa pangkat, at si Ricarte Purugganan.

Sila ang tinanghal na 13 Makabago (Thirteen Moderns) na umalsa laban sa makinis at mahinahong hilig (style) na pagpinta na pamana nina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo, at ang marikit na hilig ni Amorsolo. Marami mula nuon ang sumunod sa kanilang hilig, bagaman at hindi sila tatag na aralan, at iba’t iba ang ginamit nilang paraan at sining. Naging director si Edades ng UST Fine Arts at naging bantayog ito ng Makabagong Hilig

(Modern Art) hanggang nuong 1970s, matapos niyang yayaing magturo duon sina Lorenzo, Ocampo, Francisco at Manansala. Muslim Wedding Nanatiling makaluma (conservative) ang UP School of Fine Arts sa pumuno ni Fabian dela Rosa (1869-1937), lalo na nang pumalit na Dean ang kanyang pamangkin, si Fernando Amorsolo mismo, nuong 1938-1952.
Rajah Soliman TINAWAG na ‘maestro ng Angono’ dahil ninais niyang manatili sa kanyang tinubuang kabayan sa baybayin ng Laguna de Bay, pinangunahan ni ‘Botong’ ang paggamit ng makabagong hilig sa paglarawan ng inadhika niyang kasaysayan (history) ng bayan. At sa kanyang mga pininta, agad litaw ang dahilang tinalikuran niya ang makinis at marikit na katangian ng makalumang hilig na natutunan niya sa UP.

Ang mga bayani at karaniwang tao sa mga larawan ni ‘Botong’ ay hindi nakangiti at nasisilayan ng ginintuang araw, kundi galit, pawisan at nangga-galaiti sa sikap na maitaguyod ang mga sarili. Kahit na ang pagdiriwang ng kal (‘Muslim Bethrothal’) ay hindi masaya, bagkus napapaligiran ng pangamba at nakaambang karahasan, - tunay sa mga kalagayan nuong unang panahon ng walang patid na pag-aalipin at pandarambong, nang ang pag-aasawa ay walang kaugnayan sa pag-ibig.

Bilang isa sa mga pinuno ng “Modernos,” ipinagdiwang ni ‘Botong’ ang mga karaniwang nakikita sa mga barrio at maliliit na gawain ng mga tao. Itinanghal niya ang mga damdaming itinatangi ng mga taga-Angono, ang tiwala ng mga “provinciano” sa mga lumang gawi na nagtawid sa kanila sa mahabang panahon. Gumamit siya ng masisiglang guhit, hugis at kulay upang ipahiwatig ang sigla, hinhin at tiyaga ng mga Pilipino. Alingawngaw ang tingkad ng sari-saring kulay na pinagtabi-tabi niya, tangi ang mga linyang paikot na pumu-pulupot na parang mga ulap, at walang kaparis ang pagsalansan niya ng mga tao at bagay-bagay sa pagbuo ng kanyang mga larawan.

Itong mga paraan ng “makabagong hilig” sa pagpinta ang nagbigay ng lakas sa kanyang mga larawan nang ilagay niya ang mga karaniwang Pilipino sa mga kasaysayan ng bayan. Naging kapani-paniwala ang laktaw ng mga tao mula sa tiwala at tiyaga ng kanilang araw-araw na buhay hanggang sa puot at tibay ng luob ng kanilang pakikihamok. Ang mga nagpawis sa “Mangingisda” at sumaksi sa “First Mass at Limasawa” ang siyang nagdiwang sa “Fiesta” at “Barikan.” Ang mga nakaranas sa “Invasion of Limahong,” tumulong sa “Bayanihan sa Bukid” at “Mangingisda” ang siyang sumalakay sa “Balintawak.” Ang nakipag-kasi-kasi sa “Blood Compact” at sumaksi sa “Martyrdom of Rizal” ang siyang lumagda ng sariling dugo sa “Katipunan.

Isinilang si Francisco sa Angono, Rizal, nuong Noviembre 4, 1914, kina Felipe Francisco at Maria Villaluz. Unang nag-aral si Francisco sa paaralan ng sining (School of Fine Arts) sa University of the Philippines (UP), tulad ni Fernando Amorsolo. Nang nakatapos, naghanap-buhay siya sa pagguhit (illustrator) para sa 2 pahayagan, ang Tribune at ang La Vanguardia. Nagpinta rin siya, kasama sina Edades at Fermin Sanchez para sa Manila Grand Opera House at isang sinihan, ang Clover Theatre. Nuon siya niyaya ni Edades sa paggawa ng “mural,” at nuong 1938, binuo nila Mangingisda ang samahang tinawag nilang 13 Modernos.

Pagkatapos ng panahon ng Hapon, nag-iba-iba ang hanapang buhay ni Francisco at marami siyang sinubukang sining. Sa aku ni Edades uli, nagturo siya sa paaralan ng sining (School of Fine Arts) sa University of Santo Tomas

Haring Kobra (UST). Sumulat din siya ng script ng mga dula at sine (pelicula, movies), kasapakat si Manuel Conde, isang artista sa pelikula, gaya ng “Genghis Khan,” “Putol na Kampilan,” at “3 Labuyo.

Nag-disenyo pa siya ng mga bihis (costume design) sa mga sine, gaya ng “Haring Kobra” para sa LVN Pictures, “Romeo at Julieta,” “Prinsipe Tenoso,” “Ibong Adarna,” “Siete Infantes de Lara” at sa mga sunud-sunud (series) na pelikulang “Juan Tamad.

Halos nag-iisa, binuhay ni ‘Botong’ ang sining ng “mural” sa 30 taon ng pagpinta niya. Kasama nina Edades at Ocampo, naupahan si Francisco sa mga “mural” sa mga gusali at sa mga tahanan, gaya ng kilalang architect, si Juan Nakpil, sa bahay ni Manuel Quezon, ang pangulo ng Commonwealth, at sa mga bahay nina Ernesto Rufino at Vicente Rufino. Pininta rin nila ang “Pagbangon ng Pilipinas” (Rising Philippines) sa Capitol Theatre at iba pang “mural” sa State Theatre, kapwa nasa Quiapo, at sa Golden Gate Exposition.

Pininta rin ni Francisco “Ang Buhay at Mga Himala ni Santo Domingo” (Life and Miracles of Saint Dominic) sa simbahan ng Santo Domingo nuong 1954, at ang “Stations of the Cross” sa simbahan ng Far Eastern University (FEU) nuong 1956.

Ang unang mahalagang “mural” ni Francisco ay ang “500 Taon ng Kasaysayan ng Pilipinas” (500 Years of Philippine History) na ginawa niya para sa International Fair sa Manila nuong 1953. Inukit sa kahoy ang “mural” ng mga bihasang lilok (wood carvers) ng Paete. Puminta rin siya duon sa malalaking plywood. Nilarawan niya ang pinagmulan ng Pilipino, mula sa paglabas ng mga unang tao sa putok na buho, sina Malakas at si Maganda, hanggang sa pamahalaan ni Pangulo Elpidio Quirino nuon. Hanga ang lahat, nalathala pa sa Newsweek at sa Time, 2 malaking magazine sa America. subalit pagkatapos ng International Fair, nilansag at naglaho ang mga katha. May balita pa na ilan sa nilansag na plywood ay tinagpi sa dinding ng karag-karag na elevator sa lumang National Library. Libu-libong dolyar na ang halaga sana subalit hindi pa lumilitaw hanggang

Katipunan ngayon. Ang pinakatanyag na “mural” ni Francisco ang paglarawan niya ng kasaysayan ng Manila, ngayon ay nasa tanggapan ng mayor ng Manila, ang Bulwagang Katipunan. Ipinagawa ito nuong Mayor si Antonio Villegas sa Manila, at inilarawan ang sigasig ng mga unang datu sa Manila at Tondo, ang pagpasok ng mga Español, ang mga bayani ng Himagsikan, hanggang sa panahon ng Amerkano, halos buong kasaysayan ng Pilipinas na dumadaloy na parang ilog, apoy na nagliliyab at mga ulap sa lumalaganap sa buong lawak ng “mural.”
Nakaka-bagabag-luob, nakaka-daig ang kanyang mga inilarawan. Lapu-Lapu

Unang nakilala ang galing ni Francisco nang magwagi ang kanyang “Kaingin” sa paligsahan ng Art Association of the Philippines nuong 1948. Nuon din unang natunghayan ang kaibahan ng kanyang sining sa “ginintuang” mga larawan ni Fernando Amorsolo.

Tulad ni Amorsolo, tinanggihan ni Francisco ang larawan ng ganda at giting mula sa Europa, America at iba pang bayan. Lumikha siya, gaya ni Amorsolo, ng sariling kisig at tikas ng Pilipino. Subalit kung saan panatag at

mahinahon ang Pilipino ni Amorsolo, ang mga tao ni Francisco ay masigla, magalaw, magaslaw pa kung minsan, at kapag kinakailangan, may sapat na pagka-bayani.

Tulad uli ni Amorsolo, natuto si Francisco na gumamit ng matingkad na mga kulay upang ilarawan ang taginting na sinag ng araw sa Pilipinas. Subalit kaiba sa tinawag na maka-Amorsolong hilig sa pagpinta (“Amorsolo school of painting”), hindi ginintuang kulay ng araw ang nanaig sa kanyang mga larawan. Diniliman niya ang karamihan ng dilaw, hinaluan ng pula upang maging kayumanggi, at tinapalan ng “sumisigaw” na lunti (verde, green) upang itanghal ang kulay ng mga bukid na mahal niya.

Kaiba rin kay Amorsolo, bihirang “nakatirik” ang mga larawan ni Francisco. Gumamit siya ng mga hilis at pulupot na linya at kulay upang ipahiwatig ang “galaw” at sigla ng tao at bagay-bagay sa mga larawan. Kaya masigla ang damdamin kahit na nakaupo ang inilarawan niya, gaya sa “Education,” o nakatayo at hindi gumagalaw, gaya sa “Rajah Soliman.

Bayanihan At kung malumanay at maginhawa ang Pilipino sa mga larawan ni Amorsolo, kahit na ang mga nagtatanim sa bukid, ang mga tao ni Francisco ay namimilipit at nangga-galaiti sa pagsikap, gaya sa “Mangingisda,” kahit na umaawit lamang, gaya sa “Harana,” o lumalagda lamang ng pangalan gaya sa “Katipunan.

Nuong bandang huli, nagbabago na ang himas at paningin ni Francisco, naging madilim at mapangamba. Pinaka-aninaw ito sa huling larawan niya, “Camote Eaters” nuong 1964. Mag-amang magka-camote, nag-aani nang nakasalampak sa animo ay isang libingan. Isang camote sa likuran ay mukhang bungo ng tao, ang pahiwatig ay pangamba sa kinabukasan. Lagi nang inilarawan ni Francisco ang pagdarahop ng mga tao, subalit ang pahiwatig ay laging pagsikap, gaya ng “Mangingisda,” at sigla, tiwala sa ibubunga ng sariling gawa, gaya ng “Bayanihan,” at kasayahan sa kabila ng pagkadukha, gaya ng “Harana” at “Barikan.” Marahil pahiwatig ng mga darating na gimbal at kaguluhan, ipinaramdam niya sa kauna-unahang pagkakataon sa “Magka-camote” ang pagiging kulimlim ng panahon sa dati-rating maaliwalas na kalikasan. Hindi niya natapos ang “Camote Eaters.

Namatay si Francisco sa Angono nuong Marso 31, 1969. Nuon nagsimulang sumibol ang kanyang sariling sining ng pagpinta, tinawag na “Botong Francisco school of painting,” makasaysayan (lyrical) at mapag-dakila (heroic). Marami ang gumaya sa kanyang pagpinta, at gumagaya pa, lalo na ngayon at naging lubhang mahal ang kanyang mga larawan. Nuong 1973, pang-2 siyang pinarangalang Tagalikha ng Pilipinas (National Artist of the Philippines), sunod lamang kay Fernando Amorsolo.

Ang pinagkunan
Botong’s legacy remains rich and alive, www.atinitonews.com/artsentertainment.html
Carlos ‘Botong’ Francisco 1912-1969, www.the-yard.net/philp/francisco/francisco.htm
Carlos ‘Botong’ Francisco www.ncca.gov.ph/.../ visual-arts/francisco.htm
The Master from Angono, by Leo Benesa, www.ncca.gov.ph/culture&arts/cularts/arts/visual/visual-angono.htm
The American and Contemporary Traditions in Philippine Visual Arts by Eloisa May P. Hernandez, www.ncca.gov.ph/culture&arts/cularts/arts/visual/visual-american.htm

Balik sa itaas               Hindi Karaniwang Mga Pilipino at Pinay               Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys               Mga Kasaysayan Ng Pilipinas