Bata, Sanggol Nasagip
Sa Catubig, Samar

WALANG frayle nang isang taon at kalahati sa Catubig, sa silangan bahagi ng pulo ng Ibabao (lumang tawag sa Samar), sa dalampasigan ng dagat Silangan (Pacific Ocean) hanggang pumaruon si Fray Juan de Torres, kasama ang isang katulong (brother) na Jesuit din. Tumawid sila sa mga ilog, gubat at putikan, hanggang tuhod ang ibang putikan, at sa mga mataas na gulod na walang landas, na ginapang nila paakyat at pababa.

Magiliw silang sinalubong ng mga taga-Catubig at nuong gabi ng pagdating nila, nagtipon ang 3 baranggay upang dinggin ang sermon tungkol sa pagiging catholico. Nagpasiya ang mga tao na magtayo ng malaking simbahan at ibinigay nila, sa hiling ng frayle, ang listahan ng lahat ng nakatira ruon, pati na ang napakaraming mga bata. Halos lahat ng babae ay may kalong na sanggol o paslit.

Tumawid ang 2 Jesuit sa ilog Catubig, dahil abala ang mga tao sa pag-ani ng kanilang palay, hanggang sa mga karatig na pulo. Tapos na ang ani duon at sa isang pulo, tinawag na Batac, nag-sermon ang frayle tungkol sa damit ng mga babae na halos hubad-hubad. Sumunod naman ang mga ito at nagtakip na ng mga katawan. Nabalitaan ng mga tao na darating ang mga Jesuit kaya nagtayo sila ng simbahan at bahay, pati na kumpisalan para sa mga babae.

Pagkatapos mabinyagan ang maraming tao, nagbalik ang 2 Jesuit sa Catubig at, tapos na ang ani, sinimulan nilang binyagan ang 700 tao, pati ang pinuno ng baranggay na 60 taon gulang na. Maraming kalupitan at pagnanakaw ang ikinumpisal ng pinuno bago siya nabinyagan.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Pinawalan niya ang maraming alipin at nagtayo pa ng malaking bahay para sa mga Jesuit. Hinakot din niya ang karamihan ng kanyang kamag-anak at kasama sa bahay upang maturuan at mabinyagan din. Ang iba ay ipinagpaliban.

Dumayo ang isang pinuno ng katabing pulo, kasama ang 12 kamag-anak, asawa, mga anak at manugang at mga alila, at isang napakalaking pagong (turtle) na bitbit ng 2 lalaki, - inihandog at kinain ng mga Jesuit. Bantog sa giting ang pinunong ito. Minsan, kinalaban niyang mag-isa ang isang malaking buaya, 6 tao ang haba, na nagsimulang magkalat ng lagim sa kanyang baranggay. Balarao (knife) lamang ang sandata, sumisid siya at winakwak ang sikmura at pinatay ng buaya. Ilang lalaki ang kinailangan upang mahatak sa pampang ang buaya, pinakamalaking nakita sa mga kapuluan duon. Galos-galos lamang sa noo at binti ang natamang sugat ng pinuno.

Isa ring buaya ang sangkot sa naganap sa bahay ng isang Espanyol sa tabi ng ilog sa Manila nuon. Pagkatapos ng pananghalian, naghugas ng mga pinggan (platos) ang isang batang lalaki na alila sa bahay. Sinunggab siya ng isang buaya. Tilian ang mga kasambahay at sumugod ang Espanyol subalit nilamon ng buaya ang bata at sumisid.

Nagpain ang Espanyol ng isang tuta, pagkaing

favorito ng mga buaya duon, at nahuli nila ang buaya, 3 tao ang haba. Nang buksan nila ang sikmura, natuklasan nila ang bata, buo pa subalit patay na. Mayroon ding itlog ng sari-saring hayop sa loob ng sikmura, at 15 bungo ng tao. Hinagpis nila sapagkat hindi pa nabinyagan ang bata, nagtungo ang Espanyol sa mga Jesuit upang humiling na magpadala ng frayle sa puok nila upang magbinyag.

Subalit mabalik sa Catubig - Patapos kong pahayag ang isang himala, higit na masaya kaysa sa katatapos na cuento. Dadalaw sa frayle ang isang pangkat ng mga indio nang sagpangin ng isang buaya ang kanilang bangka. Isang batang lalaki, kagat-kagat ang bisig, ang hinila ng hayop sa tubig bago nakatinag ang mga kasama.

‘Jesus, Maria, tulungan n’yo ako!’ sumigaw ang bata bago siya ilubog ng buaya. Himala! Binitawan siya ng buaya at tumakas. Walang tinamang sugat ang bata maliban sa mga kamot ng kuko ng buaya.

Iyong frayle ding iyon ang ipinatawag isang gabi ng mga magulang ng isang sanggol na lalaki na malapit nang mamatay. Sampung araw lamang ang sanggol at nuong huling 3 araw, hindi na ito sumuso sa ina. Mabinyagan man lamang bago mamatay, nagtungo sa kanila ang frayle.

Kinabukasan, ibinalita ng mga tao na mabuti na ang lagay ng bata, napagaling ng binyag.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata