Mga Conquistador Ng Pilipinas
Ika-11 kabanata: Mutinies, starvation

5 Aklasan Ng Mga Conquistador

PAGKASAKOP na pagkasakop sa Cebu nuong Abril 1565, walang inatupag ang mga Espanyol kundi nagkamkam ng kayamanan. Dahil naitakas ng mga taga-Cebu ang kanilang mga ari-arian nuong nakaraang araw, walang nakalkal ang mga conquistador sa nayon. Nagtuloy sila sa libingan (cementerio) at hinukay ang mga bangkay, ninakaw ang mga alahas, karamihan ay ginto, na inilibing kasama ng mga patay. Nuong Mayo 16, 1565, 2 linggo lamang pagkasakop duon, inutos ni Miguel Lopez de Legazpi, ang general at pinunong conquistador, at nakatakdang maging unang governador ng Pilipinas, na kailangang ipalista ang lahat ng nakalkal na ginto upang makunan ng buwis para sa hari ng Espanya, si Felipe 2.

Hindi nagalak ang mga Espanyol sa pagbawas nang ika-5 bahagi sa kanilang ginto. Nang lumaon at sinundan ni Legazpi ng mga utos na huwag nakawan ang mga katutubo - lahat ng kinujha ay dapat may kapalit o bayad - lalong napanghal ang mga tauhan na walang minithi sa pagsama papuntang Pilipinas maliban sa magkamal ng yaman at ari-arian ng mga sasakuping tao. At nang sumidhi ang pagkulang ng pagkain at gutom ng mga Espanyol, nagsimulang umalma ang mga soldados.

Ang unang aklasan.
Tatlong linggo lamang matapos angkinin ni Legazpi ang Cebu at mga karatig pulo sa ngalan ng hari, pinagmumura siya ng mga pinuno ng hukbong Espanyol. Pinamunuan ni Pedro de Mena, ang mga pinuno na mula sa mga maharlikang familia sa Espanya at Mexico, ay tumanggi nuong Mayo 27, 1565 na maglingkod bilang alalay (guardaespaldas, bodyguards) ni Legazpi, tungkulin lapat lamang, himutok nila, sa mga alila. Hinarap at pinagalitan sila ni Mateo del Sanz, pang-2 (master-of-camp) ni Legazpi, at isinadlak sila, bilang parusa, na magsilbi bilang mga karaniwang kawal (soldados, soldiers) sa hukbo.

Naghiganti ang mga ito at sinunog ang bahay ni Legazpi. Napuksa ang apoy ngunit nasunog at nasugatan ang ilang tauhan. Ipinadakip ni Del Sanz si De Mena at isa sa mga kasapakat, si Esteban Terra. Nilitis sila at nahatulan. Binitay kinabukasan si Terra. Pinatawad ni Legazpi si De Mena at iba pang kasangkot sa aklasan.

Ang ika-2 aklasan.
Sumidhi ang gutom ng mga Espanyol, pati mga pusa at daga sa Cebu ay kinain. Umangal ang mga tauhan, sanay bilang mga conquistador sa America na sunggaban kahit na ano ang magustuhan, dahil sa utos ni Legazpi na bayaran nila ang pagkain o anumang nilang kunin mula sa mga taga-Cebu. Nagkasundong mag-aklas (mutiny) ang maraming tauhan, ang iba ay hindi mga Espanyol, at ilan ay mababang pinuno (petty officers) ng armada, habang karamihan ng hukbo ay nakikibaka sa Mactan sa pamumuno ni Mateo del Sanz at ni Martin de Goiti, ang pinakamataas na pinuno ng hukbo. Binalak nilang agawin ang maliit na barkong San Juan, ang frigate, at magligalig sa buong kapuluan, dambungin ang lahat ng dyong, (Chinese junks) na matagpuang nagkakalakal mula sa Borneo, Luzon at Venduro (Mindoro) upang makaipon ng pagkain, inumin, gamit at kayamanan, bago sila magtutuloy pabalik sa Nueva Espanya (Mexico), o sa Guatemala o Peru, ang malalaking sakop (colonies) ng Espanya sa America.

Kung mapilitan, balak din nilang magdaan sa Lusutan ni Magellan (Magellan Straits) at magtuloy sa Espanya o sa France. Sakali namang salungat ang panahon, sa kabilang panig sila tutuloy, sa Malacca, at buong lugod silang tatanggapin ng mga Portuguese duon dahil nais nilang umalis ang mga Espanyol mula sa Pilipinas. Pinili ng mga kasapakat si Pablos Hernandez na taga-Venice (sa Italya) at iba pang mga pinuno ng aklasang itinakda nila sa Noviembre 27, 1565. Upang hindi sila mahabol nina Legazpi, balak nilang palubugin ang nalalabing galleon, ang San Pablo, ang bagong gawang maliit na barko, ang frigate na Espiritu Santo at anumang barko na ipinagagawa ni Legazpi. Mahigit 40 tauhan ang kasapi sa aklasan, pati ang kapatas (maestro, crew captain) ng San Pablo na may hawak sa lahat ng kanyon sa barkong iyon. Sa hindi matantong dahilan, ipinagpaliban nila nang isang araw ang aklasan, sa Noviembre 28, 1565.

Ipinagkanulo ang kataksilan.
Bago sumapit ang takdang araw, nagbalik sa Cebu ang hukbo nina Del Sanz at Goiti at maniwaring nagbagong loob ang kapatas at isinuplong ang gagawing aklasan kay Del Sanz na agad nagsumbong kay Legazpi. Nagsuot ng sutana ng frayle si Pablos Hernandez at tumakas subalit walang napagtaguan kaya nagbalik ito at sumuko. Ipinabitay siya, kasama ni Pierres Plin, taga-France na piloto, at isang tauhan mula sa Greece. Ang ibang mga kasangkot ay pinatawad ni Legazpi na nag-utos na mula nuon, Espanyol lamang ang maaaring gamiting salita ng mga tauhan.

Umamin ang ibang kasangkot na kasama rin sana sila sa pagnakaw ng San Pablo at kasabay ng San Lucas, sa pagtalilis sa gitna ng dagat Pacific nuong nakaraang taon. Sa Puerta dela Navidad sa Mexico pa lamang daw, nagkasundo na sila. Sinubukan daw nila nuong gabing tumakas ang San Lucas na ibaba ang mga layag ng San Pablo dahil, kunyari, gumagaya lamang sa ginawa ng capitana, ang barko ni Legazpi subalit natutop sila ni Del Sanz at binalaan silang bibitayin kapag nahiwalay sila sa capitana kaya hindi naituloy ang pagtakas.

Ang ika-3 aklasan.
Dahil sa sagad na gutom, iba’t ibang pangkat ang pinalaot ni Legazpi upang maghakot ng pagkain at gamit mula sa mga pulo sa malapit at malayo. Gaya nuong ika-2 aklasan, sinamantala ito ng mga naiwang tauhan sa Cebu na magsabwatan. Sa pamuno ng isang soldado, tinawag na Carrion, binalak nilang agawin ang isang dyong ng mga taga-Luzon at mangulimbat sa pali-paligid hangkang makapag-ipon ng sapat na pagkain, gamit at kayamanan upang maglakbay sa Maluku (Moluccas, spice islands) upang sumanib sa mga Portuguese. Ibinulgar ang balak ng isang taga-France na, gaya ni Carrion, ay nasangkot sa unang aklasan ngunit pinatawad at hindi pinarusahan ni Legazpi. Dinakip si Carrion at isa pang tauhan at, hindi na pinatawad muli, binitay silang dalawa.

Ang ika-4 aklasan.
Pagdating ni Andres de Urdaneta sa Nueva Espanya (Mexico) matapos tuklasin ang landas pabalik mula Pilipinas nuong Octobre 1565, nagpalaot agad ng isang barko, ang San Geronimo, pabalik sa Cebu upang ibalita ito at magdala ng pagkain at tulong kay Legazpi. Subalit ura-urada ang ginawang paghanda at pagpili sa mga tauhan ng barko, at dahil sa patayan at 2 aklasan, bulok, sira-sira at isang taon bago nakarating ang San Geronimo nuong Octobre 15, 1566.

Ang napiling capitan, ang pangalan ay Pericon, ay walang muwang. Ang piloto na piniling maglandas sa barko ay isang taksil.

Si Lope Martin din ang piloto ng barkong San Lucas na tumakas mula sa pangkat dagat ni Legazpi habang papunta sa Pilipinas nuong Noviembre 1564. Matapos mahirang sa San Geronimo, nagbuo siya agad ng aklasan upang nakawin ang barko at mangulimbat (piracy) sa dagat Pacific. Walang alam at walang ginawa ang capitan, si Pericon, kahit na madalas siyang bastusin at hindi sinunod ng mga tauhan. Kahit na sinabi sa kanya ni Martin, ‘Kung akala mo ay madadala mo ako sa Pilipinas, nagkakamali ka. Bibitayin ako ni Legazpi oras na makita niya ako.’

Pinatay ng mga nag-aklas si Pericon at ang kasama niyang anak na lalaki. Naagaw nila ang barko subalit nag-away si Martin at ang isa pang pinuno ng aklasan, ang kapatas (maestro, ship master) ng barko, na balak sanang dakpin si Martin subalit inunahan siya nito at ang kapatas ang nabitay. Inikot niya ang barko pabalik sa Lusutan ni Magellan (Magellan Straits) upang dambungin sa dagat Atlantic ang mga galleon na papuntang Espanya, puno ng ginto at alahas na kinamkam mula sa mga Inca ng Peru at mga Aztec ng Mexico, sa America. Ipinangako ni Martin na lahat sila ay yayaman, subalit lihim na balak niyang itapon sa isang ligaw na pulo ang mga tauhan ng barko na ayaw sumapi sa kanya.

Kunyari ay magpapalipas lamang ng tag-ginaw (invernal, winter) sa isang pulong malapit sa Barbudos, kasama sa tinatawag ngayong Marshall Islands, pinalapag niya ang karamihan ng mga tauhan. Natiktikan ang tangka niya ng isang pari, si Juan de Viveros, na nakiusap na huwag silang iwanan duon upang mamatay ng gutom, at dalhin man lamang sila sa Pilipinas at duon iwanan. Nang ayaw makinig, sumugod ang mga tauhan at, contra-aklasan (counter mutiny), inagaw ang barko mula sa pangkat ni Martin. Siya at 26 kasamahang nag-aklas ang iniwan duon sa maliit na pulo at nagpatuloy ang San Geronimo papuntang Pilipinas. Bago dumating, binitay nila ang 2 tauhan na kasangkot sa pagpatay kay Pericon, ang capitan, at sa anak nito. Pagkadaong ng barko sa Cebu, nilitis at binitay ang notario ng barko dahil kasangkot din sa pagpatay kay Pericon. Pinatawad ni Legazpi ang iba pang kasangkot sa aklasan dahil marami nang Espanyol ang namatay sa sakit at sakuna, at kulang na kulang sa tauhan ang mga conquistador ng Cebu.

Bulok lahat ang dalang pagkain at gamit sa San Geronimo dahil hindi mainam ang pagkakahanda. Ang barko mismo ay sira-sira. Nais sanang tastasin at gamitin sa paggawa ng isang mas maliiit na barko, ngunit natuklasan ng mga carpentero na bulok na rin ang mga kahoy dahil hindi mahusay ang pagkakagawa at inapura ang pagtapos sa barko.

Ang ika-5 aklasan.
Nuong kaarawan ng pagkakita muli sa Santo Nino, Abril 28, 1567, bumalik sa Cebu ang isa sa 2 barko na pinapunta sa Mindanao upang maghakot ng kanela (cinnamon). Hangos ang bagong gawang maliit na barko (frigate) at kasunod agad-agad ang pang-2 barko, ang San Juan, dahil sa dala nilang balita.

Namatay si Mateo del Sanz, ang pang-2 (master-of-camp) ni Legazpi. At nag-aklasan uli ang mga kawal (soldados, soldiers) at mga tauhan.

Dala-dala ng unang barko ang 2 sa mga pinuno ng aklasan, ipinabalik sa Cebu upang malitis at hatulan. Ang pangunahing pinuno, si Martin Hernandez, na taga-Portugal, ay nag-aklas nang ipagbawal ni Del Sanz ang mga kawal at tauhan na magkalakal ng kanela para sa sarili nila. Nuon, nag-iipon si Legazpi at nagpapadala ng tone-toneladang kanela kay Felipe 2, hari sa Espanya, upang pambayad sa paglakbay sa Pilipinas at pagtustos sa pagsakop nila sa Cebu at mga karatig pulo. Nag-aklas ang mga kasapakat ni Hernandez sa pagsarili ng hari ng mayamang kalakal subalit naudlot ang mga balak nila nang bitayin ni Del Sanz si Hernandez.

Nagkataon namang nilagnat at namatay si Del Sanz at 15 pang Espanyol na kasama sa Mindanao. Pumalit sa kanya si Martin de Goiti, veteranong conquistador at kapatas (maestro) ng mga kanyon (artillery chief). Si Goiti ang nagpatuloy ng pag-usig sa mga nag-aklas at ipinabitay niya ang 2 kawal at isang marinero na, maliban kay Hernandez, ay pinakapuno ng aklasan. Siya rin ang nagpasiya, dahil sa dami ng mga Espanyol na namatay at maysakit, na pabalikin ang 2 barko sa Cebu, bihag ang 2 pang pinuno ng aklasan upang iharap kay Legazpi.

Portuguese

Armada forces the conquerors of Cebu to evacuate to Panay

Sumalakay Ang Mga Portuguese

ISANG oras bago magtanghali nuong Oct 21, 1568, lumusob ang mga galleon ng mga Portuguese at pinagkakanyon ang fuerza (fort) ng mga Espanyol sa Cebu. Hindi tumigil ang pagpapasabog sa mga Espanyol at mga taga-Cebu hanggang pagbaba ng araw. Kinabukasan, Octobre 22, 1568, pinasugod ni General Gonzalo Pereira, ang pinuno ng hukbong dagat ng Portuguese, ang 2 galleon at isang mas maliit na barko, tinawag na patache, sa kabilang pasukan sa Cebu upang harangin ang anumang sasakyan na magtangkang magdala ng pagkain o kagamitan para sa mga Espanyol. Pagkatapos ng 2 araw, kinanyon uli at nilusob ng mga Portuguese ang mga barangay sa paligid ng Cebu, pinatay ang mga tagaruon, pati ang mga babae at mga bata, ninakawan at sinunog ang mga bahay sa Gavi, Cotcot, Diluan, Denao at Mandavi (Mandaue).

Pagkaraan ng 10 araw, nuong Octobre 30, 1568, inamin ni Pereira na pinaputukan niya ng mga kanyon buong maghapon ang Cebu at mga karatig na baranggay. ‘Maraming itim na tao, mga indio, ang napatay,’ sabi niya. ‘May ilang Espanyol ding namatay.’ Ipinilit niya na gumaganti lamang siya dahil kinanyon ang mga barko niya ng mga Espanyol mula sa kanilang fuerza (fort). Tatlong buwan hinarangan ng mga Portuguese ang daungan ng Cebu at kakaunting pagkain lamang ang naipasok sa mga Espanyol hanggang bagong taon, Enero 1, 1569.

Hanapin si Legazpi!
Kararating pa lamang sa Pilipinas ng pangkat ni Legazpi nuong 1565 nang ipag-utos ng hari ng Portugal na ‘hanapin sina Miguel Lopez de Legazpi na umalis sa Nueva Espanya, sakay sa 4 barko.’ Dahil sa sari-saring digmaan ng mga Portuguese laban sa mga taga-Arabia at taga-India upang sakupin ang mga lupa duon-duon, isang taon bago natupad ng pang-2 ng hari (viceroy) ang utos. Nuong Octobre 1566, matapos dumating ang sira-sirang San Geronimo (naulat sa Ang ika-4 aklasan, sa kaliwang hanay nitong pagina), inutusan ni Legazpi ang kanyang pang-2 (master-of-camp), si Mateo del Sanz, na maghakot ng buwis na pagkain, bigas at kanela (cinnamon) mula sa mga tao sa Panay at Mindanao. Biglang bumalik sa Cebu si Del Sanz, nuong Noviembre 16, 1566, walang dalang pagkain, naiwan pa sa Dapitan ang kanyang barko, ang San Juan. Hangos siya dahil sa balitang dumating na ang sandatahang dagat (armada) mga Portuguese na, sabi ni Legazpi sa kanyang liham kay Felipe 2, ang hari ng Espanya, ‘hindi matutuwa na may mga Espanyol dito sa Pilipinas.’

Natanaw nina Del Sanz ang isang barko malapit sa Mindanao at 4 barko pa 150 kilometro sa banda ng Cebu. Kinabukasan, Noviembre 17, 1566, dumating ang 2 barko ng Portuguese sa Cebu, may sakay na 80 sundalong Portuguese at mga marinero (seamen) mula sa Malabar, isa sa mga sakop na lupa ng Portuguese sa India. Umurong agad ang 2 barko at, pagkatapos masdan ang campo ng mga Espanyol at ang nayon ng mga katutubo, umalis at naglaho. Lalong minadali ng mga Espanyol ang pagtayo ng kanilang tanggulan (fuerza, fort). Takbuhan ang mga taga-Cebu sa gubat at bundok, ang iba namangka papunta sa ibang pulo. Maraming taga-Cebu, hinakot ang kanilang mga familia sa campo at ipinangako sa mga kaibigan nilang Espanyol, ‘Sama-sama tayong mamamatay!’

Natagpuan, ang unang babala.
Pagkaraan ng 2 araw, lumitaw uli ang 2 barko. Isinugo ni Legazpi si Martin de Goiti na, may dalang mga pagkain at inumin, nagtungo at nakipag-usap sa mga Portuguese, pinamunuan ng isang Capitan Melo. Sinabi nilang binagyo sila at napahiwalay sa armada na ipinadala ng viceroy sa India upang hanapin sina Legazpi sa Maluku, ang akala nilang sadya ng mga Espanyol. Inanyayahan ni Goiti ang mga Portuguese na magpahinga muna sa Cebu ngunit, matapos magpasalamat sa pagkain at inumin, umalis na ang 2 barko ng Portuguese upang habulin at sumanib uli sa kanilang armada sa Maluku. Lulusubin daw nila ang isang pulo duon, ang Amboina, ganti sa ginawang pangahas ng mga tagaruon laban sa mga catholico.

Mahigit kalahating taon ang lumipas bago lumitaw uli ang mga Portuguese sa Cebu. Handa na ang barkong San Juan nuong Julio 10, 1567 na maglakbay sa Mexico upang magdala ng mga liham at humingi ng tulong nang sumulpot ang 2 maliit na barko (galleys) ng Portuguese mula sa Maluku, pinamunuan naman ni Capitan Antonio Ronbo da Costa, (Antonio Rrumbo de Acosta ang sulat ng Espanyol) upang sunduin at dalhin ang mga Espanyol mula sa Cebu. Tapos, ayon sa mga liham na dala nila mula sa kanilang general, si Gonzalo Pereira, itutuloy ang mga Espanyol sa India upang makasakay sa mga barko pabalik sa Portugal at Espanya. Tumanggi si Legazpi kahit na nuon, ang San Juan na lamang ang barko nilang kayang tumawid pa ng dagat. Binalaan siya ni Da Costa bago umalis ang 2 galley na kapag hindi sila pumayag maalis sa Pilipinas, babalik silang may dalang malakas na armada upang puksain lahat ng Espanyol sa Cebu. Isinulat ni Legazpi nuong Julio 23, 1567 na wala silang sapat na tauhan o sandata, o kahit bala ng kanyon, upang lumaban sa mga Portuguese dahil kulang at mabagal ang dating ng tulong mula sa Nueva Espanya, ngunit hindi siya tuminag mula sa campo Espanyol sa Cebu.

Armadang Portuguese: Alis dyan!
Tatlong araw pagkaalis ni Da Costa, pumunta na sa Nueva Espanya ang San Juan, nuong Julio 26, 1567, dala ang mga ulat ng nangyari, hiling ng tulong, mga kanela (cinnamon) at iba pang spices, mga puno ng sampaloc (tamarind trees) at luya (ginger roots) upang maitanim sa Mexico. Sa sumunod na isang taon, nagkaroon ng panibagong capitana (flagship) si Legazpi, ang barkong San Pablo, na ginamit panghakot balikan sa Cebu at sa Acapulco, Mexico. Kaalis pa lamang nito, sakay ang 132 tauhan at mga pasajero, nang dumating nuong Septiembre 18, 1568 ang isang maliit na barko ng Portuguese, sakay si Capitan Da Costa, ang nagdala ng liham mahigit isang taon sa nakalipas. Sinabi niyang kasama siya ng isang malaking armada, pinamunuan mismo ni General Pereira, na parating mula sa Maluku upang palayasin ang mga Espanyol mula sa Pilipinas. Napahiwalay lamang daw siya sa pangkat, at nagtuloy sa Cebu upang magpahinga dahil alam na niya kung nasaan ito, subalit maaaring sadyang pinauna si Da Costa na umalis din matapos makipag-merienda kina Legazpi, upang sumanib muli sa armada. Bumalik si Da Costa sa Cebu pagkaraan ng 10 araw upang iabot ang mga liham mula kay General Pereira na, ayon sa kanya, at malapit na. Sinagot ni Legazpi ang mga liham nuon ding araw na iyon, Septiembre 28, 1568, at dinala ni Da Costa pag-alis.

Dalawang araw lamang, nuong Septiembre 30, 1568, dumating ang armada ni Pereira, - 4 malalaking galleon, 5 maliliit na barkong galley at mas maliliit na fusta (patache) Kasunod ang maraming mga parao ng mga mandirigma mula sa Maluku. Mapayapang nagtagpo sila ni Legazpi, dumalaw si Pereira sa campo nuong una, at si Legazpi naman ang nagtungo sa barko ni Pereira, ang San Francisco, nuong pang-2 pakikipag-usap. Nuon sinabi ng Portuguese na bibigyan niya ng patawag (summons) ang mga Espanyol.

Dumating ang unang patawag nuong Octobre 14, 1568, at matapos sagutin ni Legazpi, ay sinundan ng 2 pa, nuong Octobre 19 at Octobre 21, na dadalhin nina Pereira ang mga Espanyol sa India upang makabalik sa Espanya mula duon, na kailangang umalis ang mga Espanyol dahil sakop ang Pilipinas sa bahagi ng mondo ng Portugal, ayon sa pinagkasunduan sa Tordesillas nuong 1494 (Treaty of Tordesillas) at binago at pinagtibay ng kasunduan sa Zaragosa nuong 1529 (Treaty of Zaragosa). Pagkatapos kapwa sagutin uli palansi nang palansi, nainip si Pereira sa mga katwiran ni Legazpi at pinalusob niya ang mga barko at pinagkakanyon at winasak ang tanggulan ng mga Espanyol. Tatlong ulit pang nagsulatan sina Pereira at Legazpi pagkatapos, nuong ika-27, ika-30 at ika-31 ng Octobre 1568, nagsisihan kung sino ang may sala sa bakbakan. Sa 3 buwan ng pagharang ng Portuguese sa Cebu, paulit-ulit ang salakay nila at ng mga mandirigmang taga-Maluku sa mga walang laban na mga baranggay at mga pulo sa paligid, subalit hindi sila lumusong kahit minsan sa Cebu sa takot na marami sa kanila ang mapapatay ng mga Espanyol. Ang mga Espanyol na nabihag o sumuko sa kanila ay hindi nila sinaktan, subalit maraming katutubo ang nakita mula sa campo ng mga Espanyol na pinatay o binihag ng mga Portuguese at mga taga-Maluku upang gawing alipin.

Nagsawa, lumayas ang mga Portuguese.
Dahil sa mga gulo sa mga sakop-sakop nila, hindi nakapagtagal ang mga Portuguese at nang matanto ni Pereira na hindi susuko ni Legazpi kahit na nakulong nang 3 buwan sa Cebu, umalis na ang armada nuong Enero 1, 1569 at bumalik na sa Maluku. Kahit na sobra-sobra ang lakas ng armada, mahigit 1,000 sundalo at mandirigma, at daig ang hukbo ni Legazpi, umamin ng pagkabigo si Pereira dahil marami silang kalaban sa mga kapuluan ng Maluku (Molucca) at sa lungsod ng Melaka (Malacca), at hindi niya maaaring payagan na mabawasan nang malaki ang kanyang sandatahan sa pakikipagbaka sa mga Espanyol. Kahit na magwagi siya sa Cebu, tiyak na matatalo naman siya sa marami at madalas na labanan sa ibang mga kapuluan. Sampung ulit sinalakay ng mga Muslim mula sa Sumatra at sa Java ang kuta ng Portuguese (Porta da Santiago) sa Malacca, at nuong 1574 - 5 taon lamang pagkatapos ng pagkanyon sa Cebu - muntik nang nagwagi ang mga Muslim. Katunayan, nuong Octobre 19, 1568, isang araw bago kinanyon ang Cebu, nagpadala ng utos si Pereira sa hari ng Ternate, isa sa mga pulo ng Maluku, na siyasatin ang pag-usig sa mga catholico sa mga karatig pulo ng Morobachan (Batjan), Anboyno (Amboina) at Celebs (Celebes ngunit Sulawesi ang tawag ngayon). Ipinausig din niya ang pataksil na salakay ng mga tagapulo ng Taguima (Basilan) sa mga Portuguese na nagkakalakal sa Maluku, binihag ang kanilang barko at pinatay ang mga tauhan. Binihag ang mga Portuguese na buhay pa at ipinagbili sa mga taga-Jolo na kaibigan ng mga Portuguese. Gumanti lamang ang mga taga-Basilan dahil madalas magdaan duon at pagmalupitan sila o dayain ng mga Portuguese na papunta o pabalik mula sa Maluku.

Hindi alam ni Pereira nuong umalis siya sa Cebu na ito ang pinakahuling lusob ng mga Portuguese sa Pilipinas. Hindi na rin nagampanan ni Pereira ang mga tungkulin, namatay siya sa Maluku pagkabalik mula sa Cebu. Pumalit sa kanya si Diego de Sanbucho bilang governador ng Maluku, ngunit dinatnan niyang watak na ang kanilang fuerza (fort) sa Terrenate (Ternate), winasak ng mga tagaruon nuong 1574 sapagkat pinatay ng isang Portuguese ang hari ng pulo, binihag ang isang anak nito, si Francisco, at and 3 kamag-anak, sina Enrique, Pablo Desa at Jordan de Fletes. Dinala muna nila sa India, tapos sa Malacca.

Himagsikan sa Maluku.
Nag-ulol sa galit ang mga taga-Ternate, nilusob at pinaligiran ang fuerza hanggang mamatay sa gutom ang mga Portuguese duon. Ang mga nakatakas ay tuluyan nang nag-alsa balutan at, dala ang mga familia at mga ari-arian, pati ang mga vaca (cattle), lumikas sa pulo ng Anbon (Ambon) o sa lungsod ng Malacca, sa Malaysia. Hindi nagtagal, ang mga nagpunta sa Malacca ay tumuloy na rin sa pulo ng Ambon. Nagbagong-loob ang mga taga-Terrenate, hiniling na ibalik ang anak ng hari, si Francisco, at makikipag-payapa sila at ibabalik ang fuerza sa Portuguese. Subalit tapos na ang paghahari ng Portugal sa Maluku. Bagaman at nanatili at nagkalakal ang mga Portuguese sa mga bahagi ng kapuluan sa sumunod na 100 taon, unti-unting naglaho ang kanilang kapangyarihan sa Maluku mula nuong himagsikan sa Ternate.

Nagtagal din ang mayamang kalakal ng mga Portuguese sa Goa, India, sa Macao, China, at sa Hirado at Nagasaki, kapwa sa Japan. Subalit hindi na lumawak pa ang abot ng Portugal at, mula nuong himagsikan sa Terrenate, isa-isang naglaho ang mga sakop nila sa Asia at timog-silangan (southeast). Nuong 1578, napatay si Sebastian, ang hari ng Portugal, habang nakikipagdigmaan sa mga Moro sa Morocco, sa Africa. Walang siyang iniwang tagapagmana, at inangkin ni Felipe 2 ang trono (throne) bilang anak ni Princesa Isabel ng Portugal, naging asawa ng kanyang ama, si Carlos 5, emperador ng kaharian ng Roma (Holy Roman empire). Nuong 1581, iniluklok si Felipe 2 sa Lisbon, lungsod ng kaharian ng Portugal. Mula nuon, ang hari ng Espanya ay hari din ng Portugal, hanggang nuong 1640 nang nakapagsarili (independent) muli ang mga Portuguese. Ngunit nuon, nalagpasan na ng ibang kaharian sa Europa ang kanilang lakas at kapangyarihan.

Nuong 1593, nagtatag ng fuerza (fort) sa Ternate ang mga Espanyol mula sa Pilipinas. Sa sumunod na 50 taon, ang Manila ang namamahala, at hindi na ang mga Portuguese kundi ang mga Espanyol, katulong ang mga Kapampangan ng Luzon, ang naghari sa Maluku.

‘Hindi maaaring pagkatiwalaan’

BAGAMAN at 3 buwan matatag na humarap si Legazpi sa mga Portuguese mula nuong Octobre 1568 hanggang Enero 1569, nayanig ang lahat ng mga Espanyol, alam nilang kahit anong oras nuon, kaya silang puksain ng mga kalaban at wala silang maaasahang tulong mula kahit saan. Nagpasiya si Legazpi at ang mga pinuno na umalis sa Cebu. Mawawari ang gimbal na dinanas ni Legazpi sa kanyang sulat kay Marquez Gaston de Peralta, ang pang-3 virrey (viceroy) sa Nueva Espanya nuong Julio 7, 1569. ‘Winasak ng mga kanyon ang campo namin,’ sabi niya. Umangal siya na may mga Portuguese na dumating sakay sa San Pablo mula sa Nueva Espanya, at hiniling niya kay Peralta na huwag payagan ang mga Portuguese na pumunta sa Pilipinas. ‘Hindi maaaring pagkatiwalaan ang mga Portuguese,’ sulat niya kay Peralta, ‘at maligaya ako kung wala sila dito.’

Nuong 1570, sunod sa utos ng hari, si Felipe 2, na alisin ang mga hindi-Espanyol sa kanyang pangkat, pinabalik ni Legazpi sa Mexico ang mahigit 10 Portuguese na tauhan niya. Mayroon pang ibang Portuguese na naiwan, sulat niya sa hari nuong Julio 25, 1570, na pababalikin niya sa susunod na barko. Makakaiwas daw sa gulo, kung hindi pagsasama-samahin ang maraming Portuguese sa isang barko. Umangal din si Legazpi sa kanyang liham na nawalan ng tiwala ang mga katutubo sa mga Espanyol dahil wala silang nagawa sa paglapastangan ng mga Portuguese. ‘Magiging mas mahirap kaysa nuong una,’ sabi niya, ang hulihin muli ang kalooban ng mga tao.

Lumipat ang mga Espanyol sa Panay.
Gaya ng dinanas nina Loaisa, Saavedra at Villalobos, naging imposible ang buhay nina Legazpi nang mawala ang mga katutubo na nagsisilbi at nagpapakain sa kanila. Ang naging suliranin ng mga Espanyol ay kung saan sila makakalipat. Sira na ang papel nila sa Cebu, Bohol at mga karatig pulo. Sa mga pulo ng Camiguin at Negros kaunti ang bigas, kaunti ang tao, walang nagsisilbi sa kanila. At sa Negros, gaya sa Butuan at iba pang bahagi ng Mindanao, pinapatay sila at dinidigma ng mga tao. Walang sapat na pagkain sa Ybabao (Samar) at Acuyo (Leyte, maraming taon pa bago natuklasan ng mga Espanyol na 2 magkahiwalay pulo ang tinatahanan ng mga Waray-Waray.).

Lagi nang nagpapagawa si Legazpi ng maliliit na barko upang magamit panghakot ng buwis na pagkain at gamit sa mga pulo at nuong Marso 5, 1567 pinalaot sa Cebu ang isang bagong frigate, ang Espiritu Santo upang maghanap sa mga pulo ng Gigante, sa silangang hilaga (northeast) ng Panay, at maghakot ng pagkit (wax) na pinambabalot ng barko upang hindi pasukin ng tubig. Bihira at mahirap hanapin ang pagkit, dagta ng isang uri ng punong-kahoy, na ginagawang kandila (candela, candles) ng mga katutubo at ng mga Intsik. Walang nakitang pagkit ang Espiritu Santo kaya naghakot na lamang ito ng maraming bigas mula sa Panay. Ito ang naalaala ni Legazpi at ipinasiya niyang sa malaking pulo ng Panay ilipat ang campo ng mga Espanyol.

Hindi nagpalit ang taon pagkaalis ng mga Portuguese, nuong 1569, itinatag nina Legazpi sa tabi ng ilog Banica ang kanilang campo na tinawag nilang Capiz, mula sa malaking kabibi (tulya) na naglipana duon, at pangalan ngayon ng lalawigan sa pulo ng Panay. Mas maunti ang tao kaysa sa Cebu, subalit hindi sila nasangkot sa lapastangan ng mga Portuguese, hindi pa sila galit sa mga Espanyol at, nakuha sa pa-asta-asta nina Legazpi, payag pa silang magsilbi at magpakain sa mga bagong salta. Higit sa lahat, maraming palayan (ricefields) at bigas duon. (Sa sumunod na 50 taon, ang Panay ang pinagkunan ng bigas ng mga Espanyol, hanggang nasakop nila ang mga palayan ng gitnaang Luzon, ang naging palabigasan ng Pilipinas.)

Ang pinakahuling conquistador.
Kaaalis pa lamang ng San Pablo, ang bagong capitana (flagship) papunta sa Mexico nuong 1568 nang dumating ang armada ni Pereira, at habang kulong nito ang mga Espanyol sa Cebu, natanggap nila ang balitang nawarak at lumubog ang San Pablo sa isang bagyo habang nakadaong sa kapuluan ng Ladrones (Guam). Nakaligtas ang 132 sakay ng barko at, matapos gumawa ng malaking balsa (raft), nakabalik lahat sa Pilipinas. Malaking hirap at kapansanan ang dinanas ng pinuno ng paglakbay, si Felipe de Salcedo, na apo ni Legazpi at napilitan siyang magpahinga na. Isinalin ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng isang compania ng mga sundalo sa kanyang kapatid, si Juan de Salcedo na, sa mga susunod na taon, ay tatanghaling kahuli-hulihang mananakop (the last conquistador) ng Pilipinas.

Balik sa nakaraang kabanata       Ulitin mula sa itaas       Tahanan ng mga kasaysayan       Listahan ng mga pitak       Susunod na kabanata