Monumento LIGA FILIPINA

Pag-usig Sa Mga Makabayan

Ulat ni Epifanio delos Santos

NUONG Deciembre 30, 1903, itinayo ang isang monumento bilang parangal kay Rizal, ang kanyang mga kasama at iba pang tumulong sa pagtatag ng Liga Filipina. Ang mga mamamayan ng Tondo ang nagtayo ng parangal, sa isang pirasong lupa na inalay ni Timoteo Paez, isa sa mga kasapi sa Liga.
Nakaukit sa monumento ang mga kataga:

‘Alalahanin. Sa harap nito, sa bahay na 176 Calle Ilaya, itinatag ni Doctor Rizal nuong gabi ng Julio 3, 1892 ang lihim na pambansang lipunan ng Liga Filipina, sa tulong at sang-ayon ng mga ginuong nakatala rito.

‘DR. Jose Rizal, ang nagtatag, binaril.

Ang mga director - Ambrosio Salvador, pangulo ng Liga, ikinulong. Agustin dela Rosa, fiscal, ikinulong. Bonifacio Arevalo, ingat-yaman, ikinulong. Deodato Arellano, kalihim at unang pangulo ng Katipunan, ikinulong.

Ang mga kasapi -
Andres Bonifacio, supremo ng Katipunan at pang-una sa sigaw laban sa manlulupig nuong Agosto 24, 1896.
Mamerto Natividad, sumunod kay Bonifacio sa pagsigaw ng himagsikan sa Nueva Ecija nuong Agosto 28, 1896, binaril.
Domingo Franco, supremo ng Liga Filipina, binaril.
Moises Salvador, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Balagtas, binaril.
Numeriano Adriano, punong tanod ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Balagtas, binaril.
Jose A. Dizon, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Taliba, binaril.
Apolinario Mabini, abogado, ikinulong.
Ambrosio Rianzares Bautista, unang bayani nuong 1868, ikinulong.
Timoteo Lanuza, nagpasimula ng pahayag nuong 1888 na palayasin ang mga frayle, ikinulong.
Marcelino de Santos, tagatawad at alalay ng La Solidaridad, ang pahayagan ng Pilipino sa Madrid, ikinulong.

Paulino Zamora, marangal na maestro ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong, ipinatapon.
Juan Zulueta, kasapi ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong, napatay.
Doroteo Ongjunco, kasapi ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Lusong at may-ari ng bahay.
Arcadio del Rosario, tagahayag ng kagalang-galang na lodge ng mga mason ng Balagtas, ikinulong.
Timoteo Paez, ikinulong.’
Pagkatapos dakpin ng mga Español si Rizal nuong Julio 6, 1892 at ipinatapon sa Dapitan, sa Mindanao, palihim na ipinagpatuloy ang ‘Liga’ ng mga kasapi. Si Domingo Franco ang nahalal na presidente, si Deodato Arellano ang naging kalihim at ingat-yaman, si Isidro Francisco ang fiscal (abogado), at sina Juan Zulueta at Timoteo Paez ay nasapi sa consejo supremo ng ‘Liga.’ Pagtagal-tagal, si Apolinario Mabini ang naging kalihim. Humiwalay si Andres Bonifacio at binuo ang Katipunan, nabisto nuong 1896. Ang Liga ang inusig ng Español.

Ang pinagkunan

The Philippine Islands 1493-1898, by Emma Helen Blair and James A. Robertson, Manila 1903-1907,
commemorative CD re-issue, Bank of the Philippine Islands, 1998
La Liga Filipina, The Philippine Revolution, Centennial Site by MSC Communications Technologies, Inc., www.msc.edu.ph/centennial/liga.html
The Story of Jose Rizal, by Austin Craig, Austrian-Philippine Homepage, www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/rizal/craig34.htm

Hindi Karaniwang Mga Pilipino               Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys               Mga Kasaysayan Ng Pilipinas