EMAIL:  Mga Tanong at Kuro ng mga Bumasa
<== Nakaraan     1   2   3   4   5   6   7   8   9   10   11   12   13   14   15   Susunod ==>

10/24/06

magandang gabi,
maaari po bang mabigyan ako ng mga mungkahing problema na maaari kong gawing pag-aaral (thesis) sa Unang taon ng Mataas na Paaralan dito sa aming lugar o maaring sa anumang antas sa kolehiyo. Ito po talagang kailangan ko sapagkat isa ito sa mga mahalagang pangangailangan sa aming kurso. Mangyari rin po kung anu-ano ang mga maaaring katanungan na aking bibigyan at hahanapan ng solusyon sa aking pag-aaral ng nasabing problema. Kung maaari po na ito ay magsisilbing gabay sa mga mag-aaral at makakatulong sa nasabing problema na kinahaharap ng mga mag-aaral na gagawan ko ng pag-aaral. Ito ay aking kailangan bago magkatapusan ng Oktubre, 2006. Maraming salamat.

cookies

10/30/06                           alamat ng makopa

Dear Sir,
Gusto ko po sana magtanong kung alam ninyo kung sino sumulat ng alamat ng makopa? Dahil pinapa search kami ng guro namin sa internet... kaya lang di ko makita.

Salamat po.
Adeline

10/30/06
Magandang araw sa iyo, Adeline!

Sa http://www.tagalog-dictionary.com/source.php?a=macopa ng “Tagalog Dictionary,” may alamat ng Macopa. May larawan ang copia nito sa Global Pinoy sa http://www.tagalog-dictionary.com/source.php?a=macopa   May kasaysayan naman kung paano naging Macopa ang unang pangalan ng Soledad sa San Pablo City, sa http://www.msc.net.ph/cyberfair_entry/barangay/soledad.html Marami pang ibang alamat duon sa mga websites na ito. Ang macopa o makopa ay tinatawag sa agham na

S. javanica dahil sapantahang nagmula ito sa java, malaking pulo sa indonesia. Tumutubo rin ito sa Vietnam. Paciencia na lang at hindi ko nasagot ang tanong mo.

Sana’y makatulong ito sa iyo kahit paano. Salamat sa sulat mo, at sumulat ka nawa uli!
Ernesto

10/31/06                     Buwisit, kuwarta, ate, kuya atbp

Ernesto,
Unang-una salamat sa iyong ‘trailblazing’ website. Ang una ko’ng tanong nang nakita ko ang nilalaman ng iyong website ay ito: totoo ba lahat itong nakalathala at ano ang ‘credentials’ (hindi ko alam ang tagalog ng ‘credentials’) ng tao’ng ito. Naghanap ako ng profile mo at hindi ko makita.

Sana ay ilathala mo kung ang iyong source ay published, written o haka-haka laang. Ang paniwala ko ay puro published and researched ang iyong inilalathala at iyan ang aking ina-asahan. Sana ay bigyan di-in mo ito sa iyong website.

At heto ang aking tanong na ika nga ay ‘mind tickler’: ano’ng mga ginagamit na salitang pilipino, tagalog, bisaya ang mga may pinanggalingan sa ibang kultura. Ang suspetsa ko kasi ay ang salitang ‘buwisit’ ay halos kapareho ng ‘bull s__t’ sa Americano, o ang ‘kuwarta’ ay galing sa ‘quarter’. Palagi ko’ng sinasabi ito sa aking mga anak pero wala akong ebidensiya. Sana ay may research ka tungkol dito.

Ako ay laking Kawit, Kabite sa bayan ni Aguinaldo at kahit na lumaki ang mga nakakatanda kong pamilya na kabarkada si Aquinaldo at ibang mga Katipunero ako ay maraming tanong sa mga ‘drama’ na nangyari sa Katipunan nuong panahon nila. Ang aking Lolo ay isang panday sa Kawit at ang paniwala ko ay maraming panday sa Kawit dahil ang talagang ginagawa nila noong panahon ng himagsikan ay armas.

Mabuhay ang bayan ng Kawit!
Alex

11/01/06
Magandang araw sa iyo, Alex! Sana’y masagana ang lahat ng sa iyo! Salamat naman at naibigan mo ang website ko.

Nasa harap ng mga aklat na isinalin ko sa Tagalog ang sumulat o author, tulad ni Antonio Pigafetta na kasama ni Ferdinand Magellan, “Ang Unang Español,” at si Apolinario Mabini, na sumulat sa “Himagsikan ng mga Pilipino.” Nasa likod naman, karaniwang huling pilas o pagina, ang listahan ng mga hinalaw at inipon upang mabuo ang aklat, tulad ng “Taong Bato ng Tabon.”

Ang ibang pinagkunan, tulad ng “Mga Aklasan ng Charismatic Pinoys,” ay nakalista sa katapusan ng bawat kabanata o paksa. Karamihan ng mga aklat, tulad ng mga “cronicas” nina Chirino, Combes atbp, ay kinuha sa “Philippine Islands” nina Emma Blair at James Robertson, at sa aklat ni William Henry Scott, tulad ng kalakihan ng “Ang Kuya ay Intsik.”

Tungkol naman sa “buwisit”/“bullshit” - magkatulad ang tunog subalit malayo ang ibig sabihin. Ang “bullshit” ay kasinungalingan o kabalbalan, sinadya o hindi. Ang “buwisit,” palagay ko, ay likas sa Tagalog. Gayon man, tutuo ang sapantaha mo na maraming kataga natin ay “hiram” o galing sa ibang wika. Ang “kwarta” ay mula sa “cuarta” ng Español, idioma o salitang calle tukoy sa salapi. Punahin: pang-babaing forma ito. Bakit ito ang naging kahulugan, hindi ko alam. At ang pang-lalaking forma, at matatas na kabuluhan, - “cuarto” - ay “silid.” Katibayan o evidencia: Webster’s Spanish Dictionary. Isasama ko ang ilang katagang Tagalog na hiram mula sa Indonesia, China, India, España at America sa aklat ng iba’t ibang wikang Pilipino na iniipon at sinusulat ko pa.

Ang “kawit” ay nasa maraming puok ng kapuluan nuong unang pasok ng Español, may ilan pang nananatili hanggang ngayon. Isa ay “Cawit,” malapit sa Zamboanga City sa Mindanao. Hindi pangalan kundi pantukoy lamang, tulad ng “hulo” o “dalampasigan,” sa usling lupa na hugis ng kawit sa isda at sumasangga sa alon ng dagat kaya mainam daungan ng mga bangka (at barko ng mga Español). Naging tangi ang “Kawit” dahil daungan na ng mga “champan” (sampan ngayon) ng Intsik nang dumating sina Goiti at Juan Salcedo (nasa “Mga Conquistador ng Pilipinas”) at itinawag ng Español sa buong lalawigan - “Cavit” at “Caviti” ay bulol ng Español, isinulat nang ganuon dahil walang “W” nuon (hanggang ngayon, kinakalaban ng mga linguists sa España ang pagsama nito) sa Abecedario Español. Hirap silang bigkasin ito at gamit lamang ngayon sa mga “hiniram” na katagang Americano. Patabi: Kalakihan ng USA ay ari ng España hanggang nuong panahon ni Napoleon Bonaparte nang simulang bilhin at agawin ng USA. Nabanggit din ang “hulo” - pinagmulan ng ilog (riverhead) at naging pangalan ng Jolo (uli: ispeling at bigkas ng Español).

Iniipon ko pa lamang ang aklat tungkol sa Himagsikan ng 1896-1897 at matatagalan, kaya ang nasa website pa lamang tungkol sa mga Katipunero ay ang aklat ni Mabini at ilang kabanata sa “Pinas, Kasaysayan ng Pira-pirasong Bayan.” Maraming Caviteño, at taga-Kawit, na lumaban, nasawi at naghirap sa himagsikan. Marami rin, tulad sa ibang lalawigan sa Luzon, ang hindi sumapi o tumakbo nang nagputukan na. Paumanhin kung salungat sa iyong narinig: Tutuong gumawa ng ilang “lantaka” o maliit na kanyon ang mga Katipunero, subalit maraming panday nuon dahil kalesa ang sasakyan at, tulad sa dami ng gas stations ngayon, sila ang gumagawa at naglalagay ng bakal na sapatos sa kabayo (horseshoes) hanggang nuong nauso at pumalit ang mga coche at automobiles.

Paumanhin uli at masyadong humaba itong sulat. Sumulat ka sana uli!
Ernesto

12/03/06

magandang araw poh sa inyo... gusto ko lang po sanang magtanong. anu po ba ang pinagkaiba ng satyagraha ng india sa propaganda at rebolusyon ng pilipinas?

salamat poh

12/04/06
Kamusta! Maganda sana ang mga araw para sa iyo. Upang masagot ka, kailangang iguhit nang kaunti ang “satyagraha” upang mahimay kung ano ang tulad at ano ang kaiba sa revolucion ng P’nas.

Ang alituntunin o principio ng “satyagraha” ay binuo ni Mohandas Gandhi nuong abogado pa siya sa South Africa at kumakalampag laban sa pagsakop ng Britain duon at sa India. Una niyang tinawag na “passive resistance” subalit kuro niyang makitid ang kahulugan nito kaya niyaya niya ang mga kasapakat at isa sa kanila, si Maganlal Gandhi, ang nagtanghal ng unang pangalan, “sadagraha” mula sa “sad” o katotohanan, at “agraha” o paninindigan. Binago ni Mohandas Gandhi, upang mas malinaw, sa “satyagraha” mula sa “satya” o ang tutuo, at “agraha” na nagkahulugan sa bagong pagbuo ng “paghikayat” o “paghimok.”

Nuong 1919, inilipat ni Gandhi (binago rin niya ang pangalan sa “Mahatma”) ang kanyang pagkalampag sa India, ang bayan ng kanyang mga ninuno na sakop din nuon ng Britain. Una, pati na nuong nasa South Africa pa, hangarin lamang nila ang mga pagbubuti o reformas ng turing sa mga katutubo, subalit pagtagal, sa harap ng pagmamatigas ng British, naging damdamin nina Gandhi na dapat nang paalisin ang British mula sa India.

Pinaka-bantog sa kalampag ni Gandhi ang tinatawag ngayong “satyagraha ng asin” o “salt satyagraha” mula nuong Marso 12, 1930 nang nilakad niya, kasama ang 78 kabig (tinawag na mga “satyagrahi”), ang halos 400-kilometro mula Sabarmati hanggang sa Dandi, baranggay sa tabing dagat ng India. Libu-libong tao ang sumanib sa kanila sa 23-araw na lakad. Nuong Abril 13, 1930 gumawa ng asin mula sa tubig-dagat si Gandhi, bagay na bawal nuon sapagkat sinasarili o monopoly ng Britain ang paggawa at paglako ng asin sa India upang tustusan ang kanilang pamahalaan ng pagsakop o colonial administration. Dakot ang asin sa kamay, ipinahayag ni Gandhi, “Yayanigin ko nito ang buong kaharian ng Britain!” (“With this, I am shaking the foundations of the British Empire.”)

Maraming ulit dinakip at ikinulong si Gandhi at mga kasama niya bago tuluyang naging malaya ang India nuong Agosto, 1947.

Tanaw dito ang pagkakatulad at pagkakaiba ng kasaysayan ng kalayaan ng India at Pilipinas. Nauna ang kalampag o “propaganda movement,” sinimulan ni Gregorio Sancianco sa España nuong 1881 pa (nasa “Ang Kuya ay Intsik” sa website ding ito). Tulad nina Gandhi, hangad lamang ng mga ilustrado ang mga reforma o mapabuti ang turing sa mga katutubo. At tulad uli, nuong pagtagal, nagbago ang hangarin na paalisin nang lubusan ang mga Español. Subalit kaiba sa nangyari sa India, ang mga ilustrado ay nanatiling panalig sa kaharian ng España at sa mapayapang paghikayat ng reformas (hayag sa “Himagsikan ng mga Pilipino” ni Apolinario Mabini sa website ding ito).

Ang Katipunan ng mga mahirap at karaniwang tao ang nagpasiyang lumaban. Kaya ang “propaganda” at ang himagsikan ay hindi 2 magkasunod na bahagi ng isang kasaysayan tulad ng itinuturo sa mga paaralan, kundi 2 magkaiba at magkahiwalay na pangyayari na magkasunod nga subalit ginanap ng 2 magkaiba at magkahiwalay na pangkat. At ang pang-2 pangkat lamang, ang mga katipunero ni Andres Bonifacio, ang naghangad ng kalayaan para sa Pilipinas (nasa “Aklat ni Andres Bonifacio” sa website ding ito). Katunayan, kung nagwagi ang mga ilustrado, maaaring sakop pa ang Pilipinas hanggang ngayon bilang commonwealth ng España.

Isa pang pagkakaiba sa India, mas mabilis ang nangyari sa Pilipinas. Natapos ang “propaganda movement” nuong 1896. Nagsimula ang himagsikan nuong 1896 at natapos nuong 1897 (nasa “Kasunduan sa Biak-na-Bato” sa website ding ito) bagaman at lumalaban pa ang ilang katipunero nuong 1898 nang nagsimula ang panahon ng Amerkano na siyang nagpalayas sa mga Español.

Mayruon pang pagkakaiba at pagkakatulad ang kasaysayan ng kalayaan sa India at sa Pilipinas, subalit dapat punahin na nagwagi lamang ang “satyagraha” (tinatawag ngayon at ginaya sa ibang bayan bilang “campaign of non-violence”) dahil nasalanta ang sandatahan ng Britain nuong World War II ng 1940-1941 at napilitang palayain ang India sapagkat pagkatapos ng digmaan, karamihan ng mga sundalo nila sa India ay mga taga-India na ayaw bumaril o kalabanin ang mga kapwa taga-India. (Ihambing sa pag-ayaw ng sandatahang Pilipino nuong EDSA ng 1986 at 2001 na barilin ang mga kapwa Pilipino.) Kaya, nanalo man ang “non-violence” sa India, kahalo pa rin ang banta at panganib ng madugong labanan na, sa tantiya ng Britain, ay maaaring ikatalo nila.

Sana’y makatulong ito sa iyo. Salamat sa iyong liham at sumulat ka sana uli!

12/11/06

Kani-kanina lang, habang nagsu-surf ako sa mga sites ng mga pinoy, may mga nakikita ako na sa aking opinyon ay mga sites na walang kwenta at mga sites na lalong nag-papababa sa kultura. Mga “kababawan.” Mga talentong ginagamit sa pagpapababa ng kultura. Mga bagay na nagagatunggan hindi lang sa pag-patronize ng site kundi sa pag-apply nito sa kanilang buhay sa Pilipinas.

Kaya nais kong magpasalamat sa site na inyong nilikha. Sana mabasa ito ng marami. At salamat din sa pag-gamit ng Pilipino, ng sa gayon lumawak ang pananaw at tumaas ang kaisipan ng mga makakabasa nito sa kasaysayan at sa pag-papataas ng kultura sa pang-araw-araw na kabuhayan ng mga Pilipino...

Dapat kayo ang mag-sulat sa mga librong ginagamit sa Pilipinas. Ng sa gayon ma-intelektwalize ang lenguaheng Pilipino at ng sa gayon maikalat at lalong MAGAMIT ng mga ordinaryong mamamayan sa kanyang pang-araw-araw na diskurso. At ng sa gayon lumawak ang kanyang PANANAW sa mundo at sa kanyang ginagalawan.

Dahil si Juan ay naging “limitado” dahil hindi sa limitado ang lenguahe niya {Limited to an extent} kundi ay HINDI ito naikakalat sa mga tao. Hindi nila naririnig ito sa mga palabas na nakikita nila, sa mga nababasa nila, etc. Mga “expression” na pwedeng isalin mula sa Ingles patungong Pilipino. Sapagkat kung mayaman ang lenguahe, ay siya rin ang pagyaman ng kaisipan, at pag-taas ng kultura.

12/14/06

sir,
gus2 ko lng po sanang mgtanong kung may listahan po kayo ng mga “first time” ni jose rizal. ex.: first teacher is his mother? and yung Jose Rizalas.” ex.: Rizal as a hero etc.

marami po yun kaso di ko po mabsa yung buong book ni Rizal. sana po mapdala niyo po sakin ang mga impormsyong aking hinihiling.

Salamat po

12/16/06
Narito ang listahan ng mga mainam na lathala ukol kay Jose Rizal sa Internet at mababasa nang walang bayad kaysa bumili pa ng aklat, at maaaring paghimayan ng mga kailangang “first” at “as” sa buhay niya:

Buhay at mga Ginawa ni Dr. Jose Rizal, sinulat ni Pascual H. Poblete
at ipinalimbag ni G. Neneng Rizal, Kapatid na Panganay ni Dr. Jose Rizal,
sa Dr. Robert L. Yoder’s website, The Life and Writings of Dr. José Rizal http://rizalslifewritings.tripod.com/Biography/u-buhay_at_mga_ginawa_rizal.htm

Jose Rizal website ng Jose Rizal University,
http://www.joserizal.ph/bg01.html

Lineage, Life and Labors of Jose Rizal: Philippine Patriot by Austin Craig
mula sa website ng The Project Gutenberg
http://www.gutenberg.org/files/6867/6867-h/6867-h.htm

Makatulong sana ang mga ito sa iyo. Salamat sa iyong e-mail. Sumulat ka sana uli!

12/14/06

G. Laput,
pagbati sa iyong website. may mga pagwawasto lamang ako sa ilang naging sagot sa mga tanong ni Glenda* tungkol sa mga alyas ng mga rebolusyunaryo:

Maestrong Sebio at Di Mabunggo ay si Eusebio Roque mula sa Bulakan; hindi Eusebio Viola tulad ng sagot sa tanong.

Maidagdag marahil ang mga sumusunod: L.O. Crame = Marcelo H. del Pilar; Aguila = Gregorio del Pilar (he likewise used Matang Lawin which originally had been used by Anacleto Enriquez; Lakambini = Gregoria de Jesus; Kuitib = Fernando Canon; Kalipulako and Tikbalang = Mariano Ponce.

There are many others which Glenda may consult: check Schumacher, The Propaganda Movement for the alyas of those ilustrados based in Europe.

yours,
Jaime B. Veneracion, (UP Department of History)

By the way, someone out there could have some materials on Sapang Palay, the first urban resettlement outside Metro Manila. I am presently writing its history and I would be grateful for those willing to help with their info, and personal experiences if any, with the Sapang Palay community.  

12/16/06
* Nuong Febrero 17, 2006 sumulat si Glenda, na sinagot ko nang may mali. Salamat sa pagwasto, Jaime! At magtagumpay nawa ang iyong Sapang Palay project na, kung iyong nanaisin, ay malugod kong ilalathala sa 2 kong websites. P’nas needs more writers like you!

Balik sa nakaraan             Ulitin mula sa itaas             Mag-email ng tanong at kuru-kuro             Mga Kasaysayan ng Pilipinas             Ipagpatuloy sa sumusunod