Manansala Pila Sa Bigas

VICENTE  MANANSALA,  1910-1981

Binigyang Mukha Ang Mga Maralita

“43 taon na akong nagdo-drawing, hanggang ngayon gumagana pa. Bakit? Pinaka-importante sa pintor ang puminta, at kung hindi, ano siya? Makaka-drawing lamang ang pintor kung magpa-practice ng isa-dalawang oras araw-araw... Kapag naka-aninaw sa isip ang isang pintor, sisimulan niya ang mag-drawing upang mabuo, mailarawan ang kanyang guni. Ngayon, paano niya gagawin ’to kung ayaw sumunod ng kamay niya sa isip? Dapat turuan niyang sumunod sa isip ang kamay niya. ’Yung talagang alipin dapat. Duon lamang mag-sisimula. At umpisa lamang iyon. Bale introduction sa painting. Tapos, ewan ko na... Hindi lamang ito ang kailangan ng pintor. Marami pa siyang dapat pag-aralan at matutuhan. At kasing importante ng matuto ang mag-trabajo nang tuusan. ’Yung talagang kayod...”

TAGA-MACABEBE sa Pampanga si Vicente Manansala, isinilang nuong Enero 22, 1910, pang-2 sa 8 magkakapatid. Isang taon siyang nag-trabajo sa Manila, nagpinta ng mga paskel sa sine (movie posters) nuong 1925, bago pumasok nuong sumunod na taon sa paaralan ng sining at katha (School of Fine Arts) ng University of the Philippines (UP) hanggang 1930. Pagkatapos, haghanap-buhay siya kung saan-saan at anumang gawain ang nakita.

Prayer Before Meal

NAGPINTA siya sa mga karatula (billboards) sa highway at mga lansangan. Nag-peon pa nuong ginagawa ang Ipo Dam. Naging taga-hugas ng pinggan siya sa Silver Palm, isang barkong English, nuong 1934. Itong buhay ng maralita ang tanang nanalaytay sa mga larawan ni Manansala, hindi ang taginting ng kanyang mga tagumpay sa huling bahagi ng kanyang buhay.

Nuong 1937, napangasawa niya si Hermenigilda Diaz. Nuong panahon ng Hapon nagsimulang makilala ang galing ni Manansala. Nagsilbi siya sa mga sumakop bilang taga-drawing (illustrator) sa Cultural Office ng Hodubu, ang pamahalaan ng mga Hapon, mula nuong 1941. Nuong taon ding iyon, nanalo ang kanyang larawan ng “Nagbabayo ng Palay” (“Pounding Rice”) ng unang gantimpala (first prize) sa pambansang paligsahan sa sining (National Art Exposition) ng University of Santo Tomas (UST).

Pagtapos ng Liberation, nuong 1949, nabigyan siya ng pabuya (grant) ng United Nations (UNESCO) upang makapag-dalubhasa sa Canada nang 6 buwan. Sumunod na taon, 1950, nanalo ng unang gantimpala ang kanyang “Banaklaot” (“Fishermen”) sa unang paligsahan ng Art Association of the Philippines. Nuon ding taon na iyon, 9 buwan siyang pinapag-aral ng France sa Ecole de Beaux Arts ng University of Paris.

Naging professor siya sa UST School of Fine Arts

mula nuong 1951 hanggang 1958. Nuong 1960, binigyan siya ng pabuya ng United States upang mag-aral sa New York, at nuong 1970, mula Germany naman, upang mag-aral sa Zurich. Tumanggap siya ng Republic Heritage Award nuong 1963 at ng Araw ng Maynila Award nuong 1970. Marami pa siyang nakamtang gantimpala at parangal hanggang mamatay siya nuong 1981 sa Makati. Saka siya itinanghal na Tagapakatha ng Pilipinas (National Artist).

Kinilala sa kanyang “Banaklaot” nuong 1950

ang paghilig (style) niya sa binagong tanaw-buhay (neo-realism) na sumaklaw sa sining at likhaan ng Europa at America, dala ng salat at hirap ng buhay na laganap nuon matapos wasakin ng digmaan ang tiwasay at mahinahong daigdig ng mayamang Europa. Sa mga sining nuon, ang kabaguhan ng mahirap na buhay ay tinaglay sa tindi at pagkasukdulan ng mga katha - sa mga larawan, lalo na sa “Banaklaot,” ang nagbukol na mga bisig, hukot na mga balikat, naramdaman kung hindi nakita, ang banat ng mga litid, ang tagas ng pawis.
Market Scene

Tiyak na napulot niya ang hilig nang mag-aral siya sa Banff School of Fine Arts, ang paaralan ng sining sa Canada nuong 1949. Si Manansala na rin ang nagsabi na duon, parang pagsamba (religion) ang pag-aral sa sining, - taimtim at mahigpit. At masikap: Drawing nang drawing si Manansala mula nuon.

Lalong tumalas ang pakiramdam ni Manansala ukol sa pagpinta nang mag-aral siya sa Paris nuong sumunod na taon. Duon, sabi niya, sukdulang “nabuhay” ang kanyang pagpinta - natuto niyang damdamin ang pinipinta, at kilalanin ang damdamin sa mga larawan. Para daw lindol, nagimbal ang kanyang turing sa pagpinta. Hindi lamang pagsasa-ayos ng mga hugis at kulay, sabi niya, kundi baga tulad ng pagtanghal sa misa sa simbahan, ang pag-aalay ng damdamin. O ang pakiramdam ng pag-aalay.

Sa mga sumunod na taon, nabaling ang kanyang hilig (style) sa Cubism - ang paglarawan sa pamamagitan ng iba’t ibang hugis ng geometry at physics, kaya ang larawan ay parang pinagkabit-kabit na mga kahon, tabla at yero. Kabaligtaran ng naunang hilig ng malalim at masidhing damdamin, ang Cubism ay paglalarawan nang pang-harapan lamang. Ang damdamin ay bahagya lamang at hindi sinasadya. Sinimulan at pinamunuan ang Cubism sa Europa ni Pablo Picasso, isang Español.

Kahig sabong

Sunud-sunod ang mga himagsikan, kudeyta at digmaan ng magkabayan (civil war) sa España nuon, natalo pa mandin sa digmaan laban sa America (nuon sinakop ng mga Amerkano ang Pilipinas) at ang sapantaha ay ang pagkawatak ng mga pagkatao duon dahil sa patuloy na paglansag sa lumang lipunan at pagbagsak ng mga “old guard” at pagbuo muli ng pagkatao nang pira-piraso, parang mga muebles o mañica, sa bagong lipunang pumapalit nuon.

Si Manansala ang nagsimula at itinuring na pangunahin sa Cubism sa Pilipinas, inangkop sa pagkawatak ng Pilipinas nuong panahon ng Hapon, at sa pira-pirasong pagbuo muli ng lipunan mula nuong Liberation. Kaiba sa Cubism ni Picasso sa Europa, hindi dinala ni Manansala sa pinaka-sukdulan ang hilig. Wala siyang sinabi kung bakit subalit maniwaring pakiramdam niyang kaiba sa Pilipinas. Bilang saksi at may karanasan sa paghihirap sa magkabilang panig ng digmaan, alam niyang natastas man ang lipunan at kabuhayan, nanatiling tatag ang katauhan, at mahinahon ang pagsisikap ng Pilipino.

Aninaw ito sa pagpinta niya sa mga “common tao” - tagpi-tagpi ang himas ng mga kulay subalit naglarawan na patuloy pa rin sa mga dating gawi - paglalako sa mga lansangan, pagpila upang bumili ng bigas, huntahan habang nagsasabong nang “kahig-kahig,” nagdarasal sa hapag bago kumain,

pagkalong sa sanggol. Pinag-iba-iba ni Manansala ang pagpinta niya, matingkad at magkasalungat ang mga kulay minsan, iba’t ibang kinang (shades) ng magkakahawig na kulay sa iba. Magkakahawig ang mga hugis sa ilan, halu-halo at bala-balakit ang mga hugis sa iba.

Makinis sa ilan, kahig-kahig sa iba. Subalit nanatiling tunay sa dukhang tao ang larawan ni Manansala. Maaaring dala ng kanyang karanasan, at ng sariling dangal, anumang anyo ang ipahid niya, laging tunay ang paglarawan niya sa mga Pilipinong maralita.

Ang pinagkunan
Vicente S. Manansala, Lopez Memorial Museum, www.lopezmuseum.org.ph/ gallery_manansala.html
Vicente Manansala, National Artist of the Philippines, iloko.tripod.com/Manansala

Balik sa itaas               Hindi Karaniwang Mga Pilipino               Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys               Mga Kasaysayan Ng Pilipinas