ANG  KARANASAN  NG  PINAKAMARAMING  DAYUHAN

1662: Ang ‘Muntik Nang Himagsikan’

Bihira ang Español na hindi interesado sa pagpuksa sa mga Sangley - sa lahat ng Sangley. Sapagkat halos lahat ay may imbak na ari-arian o kalakal ng mga taga-Parian na ‘suki’ o matalik nilang kaibigan, ipinatago sa Intramuros upang hindi manakaw. Sapagkat karamihan ay may utang sa isa o higit pang Sangley. Sapagkat marami ay bumili ng kalakal sa Sangley na hindi pa nila nababayaran o nabayaran nang husto. Sapagkat kapag pinatay lahat ng Sangley, ari na nila ang mga ipinatago, at bayad na ang lahat ng utang. Sapagkat kapag nagkagulo, makakakuha pa sila ng dagdag na kurakot. Kaya, kung sino pa ang pinagka-tiwalaan ng mga Sangley, ang siyang naging pinaka-masigasig nag-udyok na ‘burahin’ ang mga taga-Parian...   --Salaysay ng frayleng Jesuit, Sucesos de Manila 1662-1663

NAGPATAWAG ng consejo (council) si governador Sabianian Manrique de Lara, pinatunog ang mga campana ng cathedral nuong Mayo 5, 1662 at sa lihim na pulong ng arsobispo, si Miguel de Poblete, ng 3 taga-ungkat (auditors) ng Audiencia Real, ng mga pinuno ( superiors) ng mga lipunan ng frayle (religious orders) at ng hukbong Español (capitanes), tinalakay ang bantang salakay ni Koxinga, huling general ng kahariang Ming sa timog China, conquistador ng Formosa (Taiwan ang tawag ngayon), at naka-ambang maging hari ng Pilipinas simula nuong taon na iyon.

Ni hindi isinaisip ng mga Español ang hamon ni Koxinga na bayaran siya ng buwis, kaya ang pinag-usapan lamang sa consejo ay kung paano lalaban sa pagsalakay ng, ayon sa ulat ng mga frayle at iba pang Español sa China, 15,000 champan at halos 100,000 sundalo ni Koxinga. Wala pang 600 ang sundalong Español sa Manila, at bandang 200 lamang sa mga ito ang may kayang magtanggol sa Intramuros o makipag-digmaan nang matagal. Tiyak man ang tagumpay ng kalaban, pinasiya sa consejo na mamatay nang lumalaban kaysa pailalim sa haring Sangley, kaya inutos nila na pabalikin ang mga sundalo na bantay (garrison) sa Calamianes, Yligan at Zamboanga, pati na sa Ternate sa Maluku (Moluccas, spice islands) dahil nasa panganib ang pangunahing fuerza, sa Manila.

Mungkahi ng karamihan sa consejo kay Lara na alisin ang ‘panganib sa malapit’ upang hindi makaabala, o lubusang kumampi sa kalaban, pagdating ng hukbong dagat ni Koxinga. Pinaka-mapilit ang mga pinunong militar nang pagkasunduan sa consejo na ‘ipatapon’ lahat sa China ang mga Sangley sa Parian. Kung mapayapa silang umalis, payagan daw na dalhin ang kanilang mga ari-arian at kalakal. Lahat ng ayaw umalis ay papatayin. Ang mga Sangley na nabinyagang catholico lamang ang papayagang maiwan sa Manila. Kakampi sila sa atin, sabi sa consejo, at kung hindi man, kaunti lamang sila at madaling madi-despacha. Qing empire

Baka masindak at magtagbuhan ang mga Sangley kaya ipinagpaliban ng consejo ang pahayag ng kanilang pasiya hanggang Mayo 25, nang tantiyang makaka-puesto na ang hukbo ng 400 cavalleros (cavalry) na binubuo ni Lara sa pamuno ni general Francisco de Figueroa. Kailangan, sabi ni Lara, upang maharang ang mga lansangan at masukol ang mga Sangley na tumakas upang hindi mapatapon sa China. (Sa mga Sangley sa Pilipinas nuon, laging libu-libo ang mga pusakal at takas na tiyak na bibitayin kapag bumalik sa China.)

Alam ng mga Sangley ang pagdating ng sugo ni Koxinga at ang dala nitong liham at banta sa sakupin ang Manila, kaya naging matunog sila sa mga nagaganap nuong panahong iyon, lalo na at mabilis na tumalilis ang mga mayamang Español, bitbit ang kanilang mga ari-arian. Sa mga pasiya ng consejo, walang nalihim sa mga Sangley. Pabaya sa pag-uusap ang maraming pinunong Español at ang kanilang mga tauhan. May mga Español pa na sadyang nagsiwalat sa mga kaibigan nilang Sangley. Marami sa mga Sangley ay naparito upang umiwas lamang sa digmaan ni Koxinga laban sa mga taga-Manchuria, ang sumakop at bagong hari sa China nuong nakaraang mga taon. Takot sila na sumunod sa kanila sa Pilipinas ang gulo at digmaan. Lalo silang nangamba nang kutyain at tuksuhin ng mga sundalong Español at ng mga mestizo, pati na ng mga indio (‘negros,’ ‘blacks,’ sa ulat ng frayleng Jesuit) na pupugutan silang lahat ng ulo sa Mayo 25, 1662. Naghimutok ang mga maggu-gulay at mga matadero (carniceros, butchers) - ang mga patapon (los despreciables, worthless classes), sa ulat ng frayleng Jesuit - na liligtas sila sa panganib kahit sa anong paraan.

Nuong gabi ng Mayo 24, vispera ng pagpatapon sa mga Sangley, humangos ang babala mula sa pinuno (castellan) sa puerto Cavite na mag-aaklas kinabukasan ang mga taga-Parian. Subalit nakita nina Lara mula sa Intramuros na ang balak ng mga Sangley ay tumakas, hindi mag-aklas. Magdamag nuong gabing iyon, isa-isang naglaho ang mga bangka ng mga mangingisda sa Manila, Tondo at pali-paligid. Lumabas si general Figueroa at tinangkang patigilin ito subalit ayaw papigil ng mga namamangka dahil alam daw nila na pupugutan sila ng ulo. Kinabukasan ng umaga, pumasyal sa Parian si Lara, kasama ang 4 pinuno (capitanes) ng hukbong Español. Walang aklasan, ni walang gulo silang nakita. Lahat ng tiendas (shops) ay bukas at tahimik na naglalako ang mga tauhan. Sa mga kainan at mga bahay, nag-aalmusal ang mga Sangley. Nang makita nila sina Lara, marami ang lumabas at nakiusap na ipagtanggol sila sa panganib. Pinahinahon sila ni Lara, nangako pa na maglalagay siya ng mga tanod sa Parian upang magtanggol laban sa sinumang indio na magtangkang manggulo.

Koxinga Ang banta na
sakupin ang Pilipinas
ay naka-ulat sa
‘Koxinga,
Ang Lagim
Ng Formosa
,’
kasama sa
kasaysayan ng
Mga Conquistador
Ng Pilipinas

Manchu: ‘Hindi Kami Intsik!’

PAGKATAPOS mabigo si Koxinga sa pagsakop sa Nanking, umurong ang kanyang talunang hukbo sa pulo ng Hia-mun (tinawag ding Amoy, Xiamen ang tawag ngayon). Sinalakay siya duon ng dambuhalang hukbong dagat ng mga Manchu upang tapusin na, subalit buong dahas na sumagupa si Koxinga sa kanyang hukbong dagat din, halos 20,000 champan, tinauhan ng mahigit 100,000 taga-Chincheo (tinawag ding Hokkien sa kasalukuyang lalawigan ng Fujian).

Sinalanta ni Koxinga ang mga kalaban, pinalubog ang karamihan ng mga champan ng kalaban, marami rin ang nabihag, at ilan lamang ang nakatakas, sira-sira at wala nang silbi. Mula nuon, kinilalang pinaka-malakas sa dagat China ang hukbong dagat ni Koxinga, sunod niyang ginamit nang wasakin ang hukbong Dutch nuong 1662 at agawin ang pulo ng Formosa (Taiwan ngayon).

Hindi man siya napuksa sa dagat, tiniyak ng hari ng China, si Chuntche (Shunzhi, 1644-1662) ng mga Manchu, na walang pakinabang at katulong si Koxinga sa buong timog China. Sinalanta ng bagong kaharian ang buong baybaying timog ng China - mahigit 3,800 kilometro ang haba, at halos 30 kilometro ang lapad mula sa dagat. Sapilitang pinaalis lahat ng tagaruon at sinunog ang libu-libong bukid, kabayanan at lungsod - ang iba ay abot 200,000 tao sa laki.

Mahigit isang linggo nagliyab ang mga apoy, natakpan ang araw ng usok na umabot hanggang sa Hia-mun, halos 100 kilometro ang layo. Sa naiwang abo, nagtatag ng mga kuta ang mga Manchu sa bawat 20 kilometro, tinauhan ng libu-libong sundalo na pumatay sa sinumang mangahas tumawid o lumapit man lamang sa nilaspag na lupain.

Kaya Ayaw Bumalik Sa China

Sa ganitong lupit napigil si Koxinga, napilitang bumaling sa Manila bilang kanyang kaharian sa halip. Ito ring lupit, at ang walang patumanggang digmaan ni Koxinga laban sa mga Manchu, kaya libu-libong Sangley ang dumayo sa Manila at tumangging bumalik, ikamatay man nila. Pati ang mga ipinatapon ng mga Español at sa Formosa bumagsak ay wala ring tinamasa o pag-asa sapagkat kasing lupit si Koxinga. Pinalitan siya bilang hari ng anak at ng apo hanggang 1683 nang madaig, sa wakas, ng Qing sa Formosa.

Halos 270 taon naghari ang mga Manchu sa China subalit tanan silang tumangging maging Intsik. Ipinagbawal nilang na pumasok ang mga Intsik sa Manchuria, ang mag-ugnayan at magka-familia ang Manchu at Intsik. Tiniyak nilang hiwalay, at mas mataas ang Manchu sa lipunan, hanggang ibagsak sila ng mga Intsik sa himagsikan ni Sun Yat-sen nuong 1911.

Biglang Simula Ng Patayan

PAGBALIK sa Intramuros, inutos ni Lara na kalembangin ang campana upang tawagin ang mga capitan ng mga champan (sampan, barkong pandagat sa China). Inutusan niya ang mga ito na maglagay sa Parian ng mga tauhan nila upang magbantay. Nais din niyang nasa Intramuros ang mga capitan paghayag niya ng pagpatapon sa mga Sangley sapagkat sa mga champan nila isasakay nang sapilitan ang mga ibabalik sa China. Nanuod ang mga taga-Parian habang isa-isang pumasok sa Intramuros ang mga capitan. Sa pangamba ng mga taga-Parian, iba ang naging kahulugan ng pagtawag sa mga capitan ng mga champan: Binibihag ang mga ito upang walang makaalis na champan, at walang makatakas sa pugutan ng ulo.

<B>Intramuros</B>

Pagdating ng huling capitan, na-ulol sa sindak ang isang pangkat ng mga taga-Parian at sinugod ang tarangka (gate) ng Intramuros. Nagulantang ang 2 tanod na sundalo at binaril ang mga Sangley, 2 ang bumagsak. Naging puot ang takot, dinumog sila ng mga Sangley at pinatay ang 2 sundalo. Sa tuktok ng pader ng Intramuros, sa tanggulan (bulwarte, bastion) ng San Gabriel, nakita ni sargento-mayor Martin Sanchez ang bakbakan at, kahit walang utos, pinaputok ang 2 cañon. Handusay ang maraming

Sangley. Sa putok ng mga baril at cañon, nagtakbuhan sa Parian ang mga Sangley, pati ang mga pumatay sa 2 sundalo. Sa Parian, nataranta ang mga Sangley at naghiyawan na sinimulan na ng mga Español ang pagpatay sa kanilang lahat. Daan-daan ang naglabas ng mga bangka at tumawid sa ilog Pasig. Ang iba ay kumapit na lamang sa mga kawayan at lumangoy. Marami ang basta tumalon na lamang sa ilog at lumangoy, subalit dahil sa lakas ng agos ng tubig, nalunod halos lahat sila. Marami ang nagpatiwakal talaga,

tumalon sa ilog at nilunod ang mga sarili. Mahigit 1,000 sa mga bangka ang tumuloy sa isang champan na handa nang umalis nuong araw na iyon. Sinampa nila at, dahil 2 sundalo lamang ang bantay, naagaw nila ang barko at naglayag paalis sa lawa ng Manila (Manila Bay ang tawag ngayon). Ang ibang mga nagbangka na hindi nakasakay sa champan ay lumaot hanggang Mariveles. Inagaw nila, at ng mga tumalilis nuong nakaraang gabi, ang mga champan na nakadaon o nagdadaan duon.

Pinatay Ang Frayleng Dominican

NAIPIT sa takbuhan sa Parian si Jose de Madrid, Español mula sa Cebu at frayleng Dominican na guro sa Colegio de Santo Tomas sa Intramuros. Sa malas, naabatan siya ng mga Sangley na nais mag-aklas lahat ng taga-Parian upang maligtas silang lahat sa panganib. Inutas nila si Madrid at hinayag sa mga taga-Parian, na isasangkot sila sa pagpatay at bibitayin ng mga Español, kaya kailangan na silang mag-aklas.

Subalit walang sumapi sa kanilang aklasan at napilitang tumakas ang mga nag-aaklas, tumawid na rin sa ilog Pasig. Pagkaalis ng mga pumatay, mabilis na inilibing ng mga taga-Parian ang bangkay ni Madrid. Alam nila na kapag natuklasan ng mga Español ang pagpaslang sa frayle, hindi sila paaawat, papatayin nilang lahat ang mga nasa Parian.

Nang magsimula ang putukan, humangos si governador Lara sa tarangka ng Intramuros at

pinatigil ang pagbaril at pag-cañon ng mga sundalo. Maraming Sangley ang napatay subalit natigil ang bakbakan. Pumasok si Lara sa Parian. Walang tao sa mga lansangan. Mahigit 1,500 magka-kalakal (sangleyes, traders) ang nagtatago sa luob ng mga bahay nila. Batid nilang walang ligtas ang mamundok sapagkat uutasin din naman sila ng mga indio, kung hindi ng mga Español. Ang iba sa mga nasa bahay, hindi nakatiis sa sindak, ay nagbigti sa sarili.

Pinahinahon ni Lara ang mga Sangley, hinayag na walang sasalakay sa kanila. Tapos, nagtungo si Lara sa mga imbakan (bodegas, warehouses) ng pagkain, gamit at sandata ng hukbong Español. Wala pang ani (cosecha, harvest) nuon kaya kapos sa imbakan subalit pinadalhan niya lahat ng sundalo sa Intramuros at baka matuloy ang digmaan.

Samantala, takbuhan sa Santa Cruz ang mga Sangley sa kabilang panig ng ilog Pasig, pati ang mga Sangley na namangka at lumangoy mula sa

Parian. Nakiusap sila kay Francisco Mesina, ang frayle sa Santa Cruz at pari (padre, minister) ng mga catholicong Sangley.

“Kangino kami babaling ngayon kung sakaling sunugin ang Parian?”

Natanto ni Mesina na walang aklasan at umiiwas lamang sa gulo ang mga Sangley kaya pinangako niya na ililigtas sila. Unang-una, sabi niya, hihingi siya ng patawad mula sa governador upang makabalik sila at hindi maparusahan. Umalis kasi sa Parian nang walang pahintulot ang mga Sangley, na mahigpit ipinagbawal ng Español.

Patawid sa ilog Pasig, nasalisi ni Mesina ang mga pusakal na pumatay kay frayle Madrid na, pagdating sa Santa Cruz, ay hinimok uli ang mga takas na Sangley na sumanib sa aklasan. Lalong nasindak, nagtakbuhan ang mga Sangley mula sa Santa Cruz. Karamihan ay nagkubli sa bukid at kahuyan sa Sagar; ang iba ay tumuloy sa Maysilo.

Tinawag Ang Mga Kapampangan

NATAGPUAN ni Mesina si governador Lara habang nagpapamudmod ito ng pagkain at gamit sa imbakan. Dala ang patawad ni Lara, bumalik sa Santa Cruz si Mesina at nabalitaan ang pagtakas uli ng mga Sangley. Wala siyang cavallo kaya tantiya niya na hindi niya aabutan ang mga ito, kaya kailangang ipahatid na lamang niya ang liham.

Hindi siya marunong sumulat sa wikang Sangley, wala ring Sangley na naiwan sa paligid, kaya napilitan siyang humangos uli sa Intramuros. Tanging napaki-usapan niya si Victorio Riccio, ang frayleng Dominican na nagsilbing sugo at mandarin ni Koxinga.

Sinulat nito sa wikang Sangley ang patawad ni Lara at sinimulang habulin ni Mesina ang mga tumakas na Sangley. Hanggang Mayhaligue lamang siya umabot, at ipinagkatiwala ang liham

sa isang batang lalaking tagahatid (mensajero, messenger). Ipinasa ang liham ng patawad sa 2 frayle na may cavallos, sina Bartolome Vesco at Nicolas Cani. Mula nuong tanghali at buong hapon, humabol sila sa mga Sangley hanggang umabot sa San Francisco del Monte. Mga sundalo lamang ang natagpuan nila at, pagkatapos makipag-usap, nagpasiya ang 2 frayle na ibalik kay Mesina ang pagpa-suko sa mga Sangley.

Lagpas tanghali na nakabalik si Lara sa palacio ng governador. Ginawa niyang pinuno ng hukbo (maestro-de-campo, chief-of-staff) si general Francisco de Esteibar sakaling magka-digmaan.

Ipinatawag din niya si Juan Macapagal, ang Kapampangan na katulong niyang sumugpo sa himagsikan sa Pampanga at Pangasinan nuong nakaraang taon. Inutusan niyang iluwas sa Manila ang pinaka-mahusay niyang mandirigma - 300 na may pana at palaso, at 200 na nakasandata ng mga itak at mga sibat.

Pagkaraan ng isang oras, nagsimulang dumating ang hukbong naka-cavallo (cavalry) ni general Figueroa. Inutusan ni Lara na maghanda silang ihatid pabalik ang mga Sangley na hinahabol ni Mesina. Inutos din niya na sumama sa paghatid ang mga frayle at tumulong ipagtanggol ang mga Sangley na tumakas at ang mga nasa Parian pa mula sa bugbog at pagnakaw ng mga indio at mga Español. Marami, pati mga may katungkulan sa pamahalaan, ang nagpayaman, inutusan pa ng iba ang mga alila nila na maghakot, at nagka-muebles sa bahay mula sa ari-arian ng mga Sangley.

Nuong hapon, bumalik si Lara sa Parian at nagmasid. Naglabasan ang mga Sangley at lumuhod sa harap niya, namumutla sa takot, at nagmakaawa. Huwag kayong matakot, amo sa kanila ni Lara, at walang sasakit sa inyo basta tahimik kayo. Panay ang sulsol ng karamihan ng mga Español, pati ng ibang mga frayle, na upakan ang mga Sangley, parusa sa ginawang gulo, subalit pinatahimik silang lahat ni Lara.

Pugutan, o Kasunduan?

NUONG gabi, natuklasan ang bangkay ni frayle Madrid. Namataan pala ng mga alila ang paglibing sa bangkay at, nang ligtas na sila sa convento sa Parian, isiniwalat sa mga Español. Nabulabog ang buong Manila. Pugutan lahat ng ulo! sigaw nila, narinig hanggang sa Parian at, sukdulan na ang sindak, tumakas na rin ang ibang Sangley.

Siksikan ang mga Español na humarap kay Lara kinabukasan ng umaga, Mayo 26, 1662. Bitayin lahat, simula sa Parian hanggang sa lahat ng bundok at gubat na pinagtaguan nila, himok nila. Subalit katatapos pa lamang sugpuin ni Lara si Maniago (nakaulat sa Himagsikan Sa Pampanga sa website ding ito), dinaan niya sa pakipag-usap at kasunduan sa halip ng bakbakan. Alam din niya ang nangyari kay governador Sebastian Hurtado de Corcuera nuong 1639.

Nang upakan nito ang lahat ng Sangley, lalong lumawak ang himagsikan. At ang mga Español na sumulsol sa kanyang usigin ang mga Sangley ang siya ring sumisi sa kanya, nagsakdal na siya ang sanhi ng aklasan. Nabasa rin niya ang sinulat ni Antonio de Morga (Sucesos delas Islas Felipinas, 1609) na ang sospecha ng mga Español at ang pahirap nilang ganti sa mga Sangley ang nagtulak sa mga ito na maghimagsik nuong 1603.

Kaya pinahinahon silang lahat ni Lara. Una, sa Intramuros lamang, kulang na ang mga sundalo. Pangalawa, kahit 100 sundalo ay hindi sapat upang humabol, at pumugot, sa mga Sangley. Pang-3 at pinaka-mahalaga, hindi naghihimagsik ang mga Sangley, kailangan lamang ng 1 or 2 araw pa upang pumayapa uli sa Parian.

Pinasiya ni Lara na ipagkatiwala kay Mesina, ang frayle, ang pagpa-suko sa mga Sangley.

Kasama si Raimundo, Sangley na matagal na sa Parian, at lumabas na tauhan pala ni Koxinga, dinalaw ni Lara si Mesina na sumagsag uli nuong araw ding iyon, kasama si Raimundo at sina Vesco at Cani, ang 2 frayle na may mga cavallo.

Sa Intramuros, inutos ni Lara sa capitan ng isang champan na maghanda upang dalhin ang mahigit 1,000 Sangley pabalik sa China. Isa pang champan sa 3 nasa Cavite ang pinalipat niya sa Manila. Nuong gabi, inabutan din sa wakas nina Mesina ang mga takas na Sangley sa Sagar.

Mula sa mga bukid na pinagtaguan, lumapit ang mga Sangley, karamihan ay mga catholico mula sa Santa Cruz at Binondo. Umiiyak sa hirap na dinanas, hinimok nila na babalik sila sa Manila nuong gabi ring iyon. Sinaway sila ni Mesina hanggang kinabukasan, Mayo 27, nang pumili siya ng 400 Sangley at pinahatid kay frayle Cani pabalik.

Sumuko Ang Mga Sangley

NAGTULOY si Mesina, kasama sina Raimundo at frayle Besco, subalit hinarang sila ng mga sanggano (matones, bullies), ang iba ay tauhan sa mga champan. Buti na lamang, narinig sa bukid na pinagtataguan ng mga Sangley, at 2 pinuno nila ang lumapit. Pumayag sila sa himok ni Mesina subalit wala silang tiwala kay Raimundo na matagal silang nilinlang. Sa halip, isama raw ang 2 capitan ng mga champan. Bumalik sa San Juan del Monte si Mesina at kinabukasan, Mayo 28, nagpasabi kay governador Lara.

Nuong Junio 1, kinausap ni Lara ang mga capitan ng mga champan at 3 sa kanila ang sumama kay Mesina at Domingo de Ugarte, pinuno ng hukbong Español na may tiwala ng mga capitan. Gabi na nang dumating sila sa Taytay, malapit sa pinagtataguan ng mga Sangley, subalit tumuloy pa rin ang mga capitan

at nakipag-usap. Kinabukasan na sila bumalik, payag na raw ang mga Sangley na bumalik sa China sakay sa mga champan pagkaraan ng 2 araw. Ang mga catholico naman ay babalik sa Santa Cruz at Binondo.

Nang makarating ang balita kay governador Lara, nasa Manila na si Macapagal at ang 300 Kapampangan niyang may pana at palaso. Kasama ang isa pang pinunong Kapampangan, si Francisco Laxamana, at ang 200 mandirigma nito. Inutos ni Lara sa mga sundalo na maghandang lumusob sa Sagar sa Junio 6.

Nagsimula ang paglikas ng mga Sangley nuong Junio 4. Kahit nuon, hinimok pa rin ng maraming Español na nagkunyari lamang ang mga Sangley, kukuha lamang ng kailangan nila sa aklasan, at ng mga kakampi mula sa Parian, na dapat unahan sila at upakan agad. Lalo na nuong Junio 6, ang araw ng pagsalakay, nang inutos ni Lara sa alcaldes mayor ng Bay (ang nayon na dating

tawag sa buong lalawigan ng Laguna) at Bulacan na harangan ng mga mandirigmang indio ang mga lansangan upang walang makatakas na Sangley.

Inasahan sa Intramuros na bubuo si Lara ng isang malaking hukbo ng Español, mestizo, Hapon at Merdecas, mga mandirigma mula sa Maluku (Moluccas, spice islands). Subalit nuong tanghali ng araw na iyon, ang mga Kapampangan lamang ang pinasalakay ni Lara, mahigpit ang habilin na huwag salangin ang mga Sangley na pabalik sa Manila. Magpahinga sa gabi, utos ni Lara, at kinabukasan pugutan ng ulo ang mga Sangley na nagtatago at ayaw sumuko. Upang makatiyak sakaling magapi ang mga Kapampangan, pinasalakay din ni Lara ang 2 pangkat ng mga cavallero, pulos mga Español, 3 oras pagkaalis ng mga Kapampangan.

Nasalubong nina Macapagal at Laxamana ang karamihan ng mga Sangley, tahimik na lumuwas sa Manila.

Sumalakay Ang Mga Kapampangan

PABABA na ang araw, ika-5 ng hapon, nang nakita ng mga Kapampangan ang mga nagtatagong Sangley. Upang hindi sila maunahan ng papalapit na cavalleros, hindi nagpahinga ang mga Kapampangan, lumusob agad. Dahil sa dami ng mga Sangley, 2 ulit sumalakay ang mga Kapampangan bago nila nadaig ang mga Sangley na nagtakbuhan at iniwan ang kanilang mga pagkain at ari-arian, kasama ng bangkay ng 60 kasamahan. Hindi humabol ang mga Kapampangan, nagpasasa na lamang sa mga nakurakot na ari-arian at pagkain.

Pagdating ng cavalleros kinabukasan, sila ang humabol at pumatay sa mga tumakas na Sangley, hanggang umabot sila sa mabato at magubat na lupain ng mga tagabundok (Negrillos sa ulat ng frayleng Jesuit) na pumatay sa bawat Sangley na natagpuan.

Sa Bay sa timog, at sa Bulacan sa hilaga, hinarang at pinatay (at ninakawan) ng mga mandirigma ng mga alcaldes mayor ang mga Sangley na tumakas duon. Nagsamantala rin ang mga alcalde sa Pangasinan at Cagayan, inilit ang mga paninda at ari-arian ng mga champan na nagkataong nagka-kalakal duon nuon.

Ikinulong sa Parian ang mga Sangley na sumuko, pinabantayan ni Lara mula sa Intramuros ng mga cañon. Nilista ang gawain ng bawat Sangley at pinili lamang ang mga kailangan ng Español.

Ang lahat ng iba ay pilit isinakay sa mga champan sa Manila at sa Cavite - mahigit 1,300 ang isiniksik sa isang champan - at ibinalik sa China, marami ay nakatayo dahil walang puwang para makaupo man lamang.

Sila pa rin ang pinagbayad ng pasaje, 10 pesos bawat isa, kaya malaki ang kinita at masipag ang mga capitan nagsiksik sa mga champan.

Binitay Ang Mga Nag-aklas

HABANG isinasakay ang mga Sangley sa mga barko, dumating ang balita na 2 pinuno ng aklasan ay kahalo sa mga huling pangkat ng mga Sangley. Hindi sila mahanap ng mga Español dahil sa bulaan ng mga tauhan at capitan ng mga champan, kaya binalaan ni Lara ang lahat ng capitan na pupugutan sila ng ulo kapag nakatakas ang mga nag-aklas.

Pagkaraan ng ilang oras, kinaladkad mula sa mga champan ang 2 pinuno ng aklasan, isang mataderong tinawag na Barba, at isang may-ari ng tienda sa Parian. Binitay sila kinabukasan, sa liwasan sa pagitan ng Intramuros at Parian upang mapanuod ng mga Sangley na naiwan sa Manila. Inabot hanggang Junio 10 ang paghakot sa mga Sangley. Nang lumaot ang mga huling champan, pinakalembang ni Lara ang mga campana sa Intramuros.

Nagpatuloy hanggang Junio 24 ang paghanap at pagpatay sa mga Sangley na ayaw bumalik sa China. Saka lamang isa-isang nagbalikan sa Manila ang mga Kapampangan at cavalleros.

Malaking papuri ang inilaan ni Lara kina Macapagal at Laxamana, at inutos na mula nuon, hindi na magbabayad ng buwis ang mga Kapampangan, dahil sa giting nila sa pagsilbi sa Español.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata