Batangas map     1737-1745:  MGA  AKLASAN  SA  HACIENDAS  NG  FRAILES

Naghimagsik  Si  Matienza
Sa  Batangas

Nuong 1745, nag-alsa ang mga magsasaka sa Gitnaang Luzon laban sa mabigat at malupit na palakad ng mga frayle sa kanilang mga hacienda. Kabilang ang Hacienda de Maysapan ng mga Augustinian na bahagi nuon ng Pasig at kinatatayuan ngayon ng Fort Bonifacio... Higit na kasindak-sindak ang naganap, mistulang aklasan na, sa Batangas...

HINDI na natiis ng mga magsasaka ang mahigpit na pagkalkal sa Balayan, Batangas, na nuong 1745 ay hacienda ng mga frayleng Jesuit, at sila ay naghimagsik sa pamumuno ni Francisco Matienza ng barranggay Dilao. Sinalakay nila at sinunog ang simbahan at mga bahay ng mga frayleng Jesuit. Nilusob din nila ang mga tagaruon na kampi sa mga frayle, ninakawan, winasak at sinunog ang mga bahay. Kaya naging malagim ang ligalig sa paligid, na mabilis na ibinalita ng mga frayle sa pamahalaang Español sa Manila, sabay panawag nila ng saklolo.

Nataon namang agaw-buhay nuon si Gaspar de la Torre, ang governador ng Pilipinas mula 1739 hanggang 1745, dahil sa malubhang pag-iiti (dysentery). Ilang araw ang nakaraan bago namatay sa sakit si Dela Torre sa Intramuros nuong Septiembre 21, 1745, kaya nagkaruon ng panahong lumawak ang himagsikan sa Batangas hanggang sa Taal, Lian at Nasugbu, na mga hacienda rin ng mga frayle.

Agad-agad pumalit bilang governador si Juan Arrechedera, ang bagong obispo ng Ilocos at isang frayleng Dominican. Upang hadlangan ang paglawak ng himagsikan sa mga hacienda ng mga Dominican sa Laguna at Cavite, minadali ni Arrechedera ang pagsugpo sa aklasan ni Matienza.

Sumugod patimog ang hukbo ni Sargento-mayor Juan Gonzalez de el Pulgar, binuo ng 100 sundalong Español at taga-Mexico at ilang daang alalay na mandirigmang katutubo (natives).

Nagsalubong ang hukbo at mga naghihimagsik sa

bandang timog ng Batangas, nag-girian subalit hindi nagbakbakan. Nakita kasi ng mga alalay na mandirigma na ang mga naghihimagsik ay kapwa nilang Tagalog. Mas mahalaga, nakita nilang mas marami pala ang mga naghihimagsik kaya ayaw lumaban at nagtakbuhan ang mga mandirigma sa halip na tumulong.

Naudlot ang hukbo ni Pulgar, nagkubli na lamang at humingi ng tulong mula sa Manila. Hindi rin sumugod sina Mang Atienza sa takot at, nang nagpaputok ng baril ang isang sundalong Español, lalong nasindak at umurong pabalik sa Balayan ang mga naghihimagsik. Dahil baguhan ang sundalong Español na nagpaputok ng baril, wala siyang tinamaan kundi si Pulgar, ang tanging nasugatan sa unang harapan sa Batangas.

Bagaman at napigil ang pagdanak ng aklasan, minadali ni Arrechedera ang pagsugpo kina Matienza upang hindi gayahin ng mga taga-Cavite at mga taga-Laguna. Madali siyang nagpadala ng 200 pang sundalong Español at taga-Mexico upang tulungan sina Pulgar.

Mga Dating Hacienda ng
Frayle sa Cavite at Laguna

MARAMING mga kabayanan ( pueblos, towns) sa kasalukuyan, pati ang mga karatig na bukid at mga pali-paligid, ay dating pag-aari ng mga lipunan ng frayle na naghari sa Pilipinas nuong panahon ng Español. Karamihan sa mga lupain, isa sa mga pinaka-malaking dahilang nagka-Himagsikan nuong 1896, ay hindi binitawan kung hindi nang binili na lamang ng United States nuong panahon na ng Amerkano.

Sa Cavite, ang Santa Cruz de Malabon, Naic at Silang ay haciendas ng mga Dominican, ang San Francisco de Malabon ay pag-aari ng mga Augustinian, habang ang San Nicolas at Imus ay ari naman ng mga Recollect.

Sa Laguna, ang Santa Rosa at ang Calamba, pati ang hacienda ng familia ni Jose Rizal, ay ari ng Dominican, sa mga Augustinian ang Biñan samantalang sa Recollect ang Timasancilla, San Pedro de Tunasan at Muntinglupa.

Madaling nasupil ng 300 baril ng mga sundalo ang pangkat ni Matienza na walang sandata kundi mga itak at mga kawayan sibat. Nagtago si Matienza sa simbahan ng Balayan subalit natagpuan siya at binaril ng mga Español.

Binaril din ang iba pang malaki ang sangkot sa aklasan, inalipin ang iba bilang taga-sagwan (remeros, rowers) sa mga barko, at ipinatapon (exiled) ang iba pang pinuno na hindi masyadong importante. Pinatawad nang walang parusa ang mga nag-aklas na karaniwang magsasaka basta sumuko nang mapayapa at pasa-ilalim uli sa mga Español at mga frayle.

Marami pang puok sa Batangas na nag-aklas din subalit inilihim, hindi isinali sa mga pahayag sa Manila sa pangambang baka tularan ng mga magsasaka sa iba pang mga lalawigan sa Gitnaang (Central ) Luzon na alumpihit din nuon sa palupit-nang-palupit na palakad ng mga frayle.

MATAGAL pa bago nag-aklas sa Batangas sina Matienza, nag-alsa na ang mga magsasaka sa Bulacan, Cavite at Laguna dahil ninakaw ng mga frayle ng kanilang mga bukid. Nagkampihan pa ang mga taga-nayon ng Bulacan at Silang, sa Cavite, sa isang lahad na panawagan (open petition) kay Fernando 6, hari ng España nuong 1713 hanggang 1759, laban sa pag-agaw sa mga bukid nila na isinama sa mga hacienda ng frayle. Tapos, pinagbawalan pa silang pastulin

Balayan presidencia

(apacentar, pasture) ang kanilang mga kalabaw nang walang bayad. Pinagbawalan din silang mangisda (pescar, fishing) sa mga ilog, pumitas ng mga bungang kahoy (frutas, fruits), at kahit na pumulot ng kahoy na panggatong (leña, firewood) sa gubat, nang walang singil.

Nag-alsa rin ang mga taga-nayon sa Parañaque, Taguig, Hagonoy, Bacoor, Cavite el Viejo at iba pang purok sa paligid ng Manila dahil parang pinagkasunduan: Halos sabay-sabay kinalkal ng mga frayleng Dominican, Augustinian, Recollect at Jesuit ang mga bukid sa paligid ng kanilang mga hacienda at pinairal ang bago at makamkam na palakad.

Kinalaban din ng mga tao ang pagbuwis (tributo, tax) taon-taon, at ang polo o sapilitang pa-trabajo nang walang bayad. Dahil karaniwang binabayaran ng mga tao upang iwasan ang polo, lumalabas itong dagdag na buwis sa kanila taon-taon.

Polo, Tanoria at Bantay Magdamag

TAON-TAON, lahat ng lalaking Pilipino ay pinilit magsilbi sa Español nang walang bayad:

  • Polo: 40 araw paggawa ng simbahan, tulay, lansangan, gabay sa paglakbay ng mga frayle at Español at iba pang iutos. Naiiwasan sa bayad na 3 dolyar (salapi sa Mexico nuon) hanggang $1 sa mga mahirap na barrio.
  • Tanoria: 7 araw paglinis sa hukuman at bilangguan, pagbantay sa mga bilanggo, at iba pa. Naiiwasan sa halagang 3 real (salapi ng España).
  • Bantay magdamag: 7 gabi na bantay sa bayan, o kapalit na 1.75 real.

    Ang mga bayad ay dapat gamitin para sa bayan subalit kinukupit ng mga governadorcillo, at paminsan-minsan, pati ng mga alcalde.

  • Naligalig ang pamahalaan sa Intramuros at baka lumawak at matuloy na himagsikan ang pag-alsa ng mga magsasaka. Agad isinugo ni governador Dela Torre si Pedro Calderon Enriquez, isang fiscal ng Audiencia, upang patahimikin ang mga tao.

    Naawat ni Enriquez ang mga nag-aklas matapos niyang ipahayag ang pangako na patatawarin nang walang parusa ang mga nag-aklas, maliban sa mga pinuno na nagsimula ng gulo. Ipinahayag din niya na pakikinggan at gagawaran ng katarungan ang kanilang mga angal.

    Subalit pagkatapos ng pahayag, nang nag-aklas ang mga taga-nayon ng San Mateo (sa pagitan ng Marikina at Montalban, bahagi ng lalawigan ng Rizal ngayon) buong lupit niyang nilusob at sinunog ang San Mateo. Ipinatapon (destierro, exile) niya

    ang mga tagaruon na hindi namatay sa salakay at ipinamigay ang kanilang mga bukid at bahay sa ibang mga tao na sumumpang hindi mag-aaklas.

    Kagulat-gulat, at pinuri pa ni Haring Fernando 6 pagkatapos, tinupad ni Enriquez ang pangako at siniyasat ang mga dahilan ng aklasan, lalo na ang mga kagagawan ng mga frayleng Dominican at Augustinian, ang may-ari ng mga hacienda sa Bulacan at Silang.

    Hatol niya na malaya at walang bayad na maipagpa-patuloy ang mga dating gawi ng mga tagaruon, at iba pang magsasaka sa mga hacienda ng frayle sa paligid ng Manila: Ang pagpastol ng kalabaw, paghuli ng isda, pagpitas ng mga bungang-kahoy at pagkuha ng mga kahoy na panggatong at gamit sa paggawa ng bahay at mga kagamitan.

    Ipinasuri pa niya ang mga hacienda ng frayle upang matiyak ang talagang sukat ng mga ito, at ipinabalik niya sa Hari (realengas, royal lands) ang mga lupaing hindi sakop ng mga hacienda.

    Dininig ni Enriquez pati ang angal ng mga taga-San Mateo na ipinalipol niya, at inilit ang mga lupaing ninakaw ng convento ng San Pablo na pag-aari ng mga Augustinian. Ipinabalik din niya ang kalahati ng nayon ng Silang na ninakaw ng Colegio de Santo Tomas (university na ngayon) na pag-aari ng mga Dominican, at inilipat sa hacienda ng Biñan (napasa-kamay ng mga Augustinian sa mga sumunod na panahon).

    Kasangkot sa pandaraya kaya dinakip nuong 1743 si Juan Monroy, ang kalihim ng hukuman (clerk of court) ng Audiencia sa Intramuros, at inalis sa tungkulin nang 2 taon at pinag-multa ng 2,000 pesos.

    Sumang-ayon sa hatol at mga ginawa ni Enriquez si Marquez de Regalia ng Consejo de Indias sa Madrid, at pinagtibay ni Haring Fernando 6, na inutos sa pamahalaan sa Manila na pagbutihin at turing sa mga tao at pakinggan ang mga angal nila upang hindi na sila kailangang mag-aklas.

    Sinita ni Enriquez ang mga frayle nuon pang 1739 nang ilathala niya sa Manila ang “Kawalan ng katarungan sa palakad sa mga lupain ng Kapuluan(“Discurso ivridico, en que se defiende la real iurisdiccion, y se hace demonstracion dela injusticia, que contiene el contrato de arrendamiento de solares en estas islas” ) dahil sa laki ng mga salaping sinisingil sa mga tao. Pati raw ang mga kubo (cabañas, huts) at mga pilapil (senderos, footpaths) sa bukid ay pina-uupahan nang hiwalay sa upa sa sinasakang palayan.

    Sumagot ang mga frayle nuong taon ding iyon sa

    inilathala ng mga Jesuit, ang “Pagta-tanggol sa kalayaan ng simbahan, at sa palakad sa ilang lupain sa Pilipinas(“Apologia por la immunidad ecclesiastica, y por la licitud de terrazgos, o alquileres de tierres segun la forma, y estilo de algunas estancias de estas islas Philipinas” ) na labis ang dami ng mga matanda at mga viuda na nakatira nang walang bayad sa mga bukid na dati-rati nilang sinasaka. Malulugi raw ang mga may-aring frayle kung hindi sila sisingilin ng upa.

    Malinaw na walang balak ang mga frayle na luwagan ang turing sa mga magsasaka, na tinawag nilang mga mestizong Intsik, kahit na pagkatapos iutos ito ni Fernando 6. Kahit na nuong 1743, nang pinarusahan si Monroy sa pandaraya sa sukat ng mga hacienda, lumuwas sa Manila ang mga taga-Balayan - paglalakbay nuon na inaabot ng ilang araw - upang isumbong ang mga abuso ng mga frayle. Inutos nuon ni

    Governador Dela Torre sa alcalde mayor ng Batangas na supilin ang mga pagmamalabis ng convento.

    Hindi sinunod ang utos ni Fernando 6 at ni Dela Torre kaya nuong sumunod na taon, 1744, dinala sa Manila ni Francisco Matienza ang mga punong-magsasaka ng Balayan upang hingin na ibalik sa kanila ang mga lupaing inagaw sa Lian, Calatagan at Nasugbu. Sa halip na pakinggan, pinagalitan at pina-alis sila ng Capitan Municipal

    ng Intramuros. Walang nagawa sina Matienza kundi mag-aklas, gaya ng babala ni Fernando 6. At gaya ng nangyari sa San Mateo, pinuksa ang Balayan nuong sumunod na taon ng 1745.

    Bagaman at natalo at walang napala ang mga magsasaka sa kanilang mga aklasan, binitawan ng mga Jesuit ang Balayan at nuong 1749, pari na (sacerdote, secular), hindi frayle, ang nagpagawa sa nawasak na simbahan duon. Pagkaraan ng 20 taon, tuluyang pina-alis ang mga Jesuit mula sa

    Balayan church Pilipinas nuong 1769 at hindi pinayagang bumalik sa Pilipinas kundi pagkaraan ng 90 taon, nuong 1859, at pinagbawalang mag-ari ng hacienda mula nuon. Pinaghati-hatian ng mga Dominican, Augustinian at Recollect ang mga hacienda, at ipinagpatuloy ang malupit na turing sa mga tao, na nagbunga ng mga sumunod na himagsikan.

    Ang pinagkunan:
    The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998

    Ulitin mula sa itaas                       Mga Aklasan ng Charismatic Pinoys                       Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas                       Sunod na Aklasan