Panay, Romblon
At Marinduque

PANAY ang pinakamayabong na pulo dito maliban sa pulo ng Luzon. Katabi ito ng pulo ng Negros, 12 kilometro lamang sa silangan (east). Sa kabilang panig ng Negros ang pulo ng Cubu (Cebu), 58 kilometro ang layo ng pinakamalapit na bahagi.

Kulang-kulang 500 kilometro ang laki ng Panay paikot at lubhang mataba ang lupa sa Panay kaya laksa duon ang palay, mga baboy at manok, pagkit (wax) at pulot-pukyutan (honey). Marami ring ani dito ng bulak (cotton) at medrinyaque (sinamay, isang uri ng abaca). Sa Panay nanggagaling ang karamihan ng palay at carne na kinakain sa Manila (ng mga Espanyol).

Magkakalapit ang mga baranggay ng mahigit 2,000 indios na nakatira sa pulo. Mapayapa sila at payag mabinyagan at pailalim sa Espanyol. Ang malalaking baranggay ay Yloylo (Iloilo), Oton, Ticbaguan, Jaro, Ybahay, Ajuy, Harahut, Panay, Aclan, Antique at Bugasan. Hindi gaanong mahalaga ang iba pang baranggay.

Maginhawa ang panahon duon kaya malinis at malusog ang mga katutubo, tulad sa Cubu bagaman at sa pulong iyon, marami ang may galis (picazon, itch) at beke (paperas, buboes). Sabi ng mga taga-Panay, walang beke duon hanggang nuong dumating ang mga taga-Bohol na tumakas mula sa paglupig ng mga taga-Maluku (Moluccas, spice islands). Ang mga likas daw ang nagdala at humawa sa mga taga-Panay.

Guimaras.
Sa tabi ng Panay, bandang 2 putok ng arquebus (baril na de-sabog ng Espanyol) lamang ang layo, ang pulo ng Ymaraes (Guimaras ang tawag ngayon). Halos 60 kilometro ang laki nito paikot at bandang 500 indios ang nakatira duon. Marami silang palay, bulak (cotton), pulot-pukyutan (honey) at pagkit (wax). Marami ring hayop gubat duon na nahuhuli at nakakain.

Cuyo.
Bandang 77 kilometro sa tabi ng Panay, katapat ng Antique pakanluran (westward), ang pulo ng Cuyo na halos 60 kilometro paikot ang laki. May 800 indios duon. Marami silang palay na kulay pula, dahil mapula ang lupa.

Marami rin silang kambing (cabras, goats) dahil mainam ang panahon sa pag-alaga ng kambing duon. Marami rin silang palaisdaan, at may mga sisiran ng perlas (pearl fisheries) duon. Naghahawi sila ng maraming telang bulak (cotton cloths) subalit hindi duon nanggagaling ang bulak mismo.

Dati-rati, maraming naglalakbay mula sa Burney (Brunei, kaharian sa Borneo) upang bumili ng bruscay, isang uri ng kabibi (concha, seashell) na ginagamit sa Sian bilang salapi (dinero,money). (Ang Sian ay isang kaharian sa banda ng dating Celebes, ang tinatawag ngayong Sulawesi. Hindi nilinaw ni Loarca, maaaring Siam, ang tinatawag ngayong Thailand, na sinulat ng Espanyol na Sian.)

Agutaya.
Hindi nalayo sa Cuyo ang 17 maliliit na pulo, tinawag na Lutaya (Agutaya ang tawag ngayon), Dehet (Dit), Bisucay, Cadnuyan, Tacaguayan (Tagauayan), Lubit (Lubic), at Tinotoan (Tinutuan). Hampas-lupa ang mga tao duon at silang lahat ay alipin ng mga pinuno ng Cuyo.

Sa mga pulong ito, higit lamang sa 100 indios ang nakatira lahat-lahat, pulos hampas-lupa (pobre, poor) at alipin lahat ng mga pinuno ng Cuyo. Wala silang hanap-buhay kundi gumawa ng asin at maghawi ng banig, na ibinibigay nila sa mga pinuno ng Cuyo bilang buwis (tributo).

Calamanianes

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

Tablas.
Sa silangang hilaga (northeast) ng Panay ang pulo ng Osigan (Odiongan ang tawag ngayon sa kabayanan) na tinatawag naming mga Espanyol na Tablas (planks). Walang 15 kilometro ang layo nito sa Panay at mahigit 80 kilometro ang sukat ng pulo paikot. Mayroon lamang 250 indios ang nakatira sa maliliit na baranggay duon, hiwa-hiwalay dahil lubhang bundukin ang pulo. Nabubuhay sila sa pagkuha ng pagkit (wax). (Tablas ang naging pangalan ng pulo, nasa ng lalawigan ng Romblon ngayon.)

Sibuyan.
Walang 30 kilometro lagpas sa Osigan o Tablas ang pulo naman ng Cibuyan (Sibuyan ang tawag ngayon), walang pang 60 kilometro ang laki paikot at 28 kilometro lamang ang lapad. Mayroon duong 300 Pintados at mga mayamang minahan ng ginto (gold mines).

Simara.
Bandang 10 kilometro mula sa Osigan at halos 60 kilometro mula sa Panay ang pulo ng Simira (Simara ang tawag ngayon). Wala pang 20 kilometro ang liit nito paikot, at 9 kilometro lamang ang lapad. Ang mga nakatira duon ay 150 lamang, mga nagkakalakal at nag-aalaga ng mga kambing (goatherds). Dahil dito, Cabras (goats, mga kambing) ang tawag sa pulo ng mga Espanyol.

Banton.
Ang pulo ng Banton ay 7 kilometro lamang mula sa Simira (Simara). Ito ay lagpas 35 kilometro lamang ang sukat paikot at 14 kilometro palapad. Mayroon duong 200 indios na nagkakalakal lamang dahil lubhang mabato at bundukin ang pulo, bagaman at maraming puno ng niyog duon, at sagana sila sa camote, gabi at pagkit (wax).

Romblon

Romblon.
Sa pagitan ng Cibuyan at Simira ang pulo ng Donblon (Romblon ang tawag ngayon). Walang 240 indios ang nakatira duon, nabubuhay sa pagpa-pagkit (wax gathering). Ang pulo ay maliit, lagpas 30 kilometro lamang paikot at wala pang 15 kilometro palapad. (Ang Romblon, Sibuyan, Simara, Banton at Tablas ay sama-sama sa kasalukuyang lalawigan ng Romblon.)

Boracay.
Bandang 2 putok ng arquebus ang layo mula sa hilaga ng Panay ang maliit na pulo ng Buracay (Boracay). Bandang 15 kilometro lamang ang sukat nito paikot at wala pang 3 kilometro ang lapad. Bandang 100 indios lamang ang nakatira duon, nabubuhay sa pagpa-palay at pag-aalaga ng mga kambing.

Carabao.
Wala pang 3 kilometro lagpas sa Buracay ang isa pang pulo, ang Anbil (Carabao Island ang tawag ngayon). Ang sukat ng pulo ay halos 15 kilometro paikot at 5 kilometro lamang ang lapad. Kaunti lamang ang tao duon, bandang 50 indios, karamihan ay cagallanes (boat builders). (Cagallan o cagayan, mula sa tagakawayan o gakawayan (caguaian sa sulat ng ilang Espanyol) ang dating tawag sa carpintero na gumagawa ng bahay at, higit na mahalaga nuon, ng mga bangka na pangisda o pandagat.

Panay

Pagdating ng mga Espanyol, silang lahat ay hinamig upang gumawa ng barko, bagay na naging sanhi ng ilang aklasan, nakaulat sa Aklasan Ng Mga Charismatic Pinoy sa website na ito. Ito rin ang dahilan pagdating ng mga Amerkano pagkaraan ng 300 taon, tinawag nilang boat builders ang mga cagayan.)

Sibay.
Bandang 18 kilometro sa kanluran (west) ng Panay ang pulo ng Sivaay (Sibay ang tawag ngayon at bahagi ng tinatawag na Semirara Islands). Ito ay lagpas 20 kilometro lamang paikot at 7 kilometro lamang ang lapad. Mayroong 70 indios na nakatira duon.

Semirara.
Lagpas pa nang 15 kilometro, patungo sa Mindoro, ay ang pulo ng Similara (‘sa mirala,’ Semirara ang tawag ngayon, maging sa mga katabing pulo, Semirara Islands. Ang mirala ay isang uri ng isda). Wala pang 20 kilometros ang sukat ng pulo paikot, 5 kilometro lamang ang lapad. Hampas-lupa ang 90 indios na nakatira duon, nag-aani ng kaunting palay at gumagawa ng asin. Napipilitan silang magkalakal upang mapunuan ang pamumuhay.

Marinduque.
Ang pulo ng Marinduque ay nasa pagitan ng Luzon, 25 kilometro sa hilaga, at ng pulo ng Banton 20 kilometro sa timog. Ang pulo ay 125 kilometro ang sukat paikot, at 38 kilometro ang lapad. May nakatira duong 1,000 Pintados (mga Visaya).

Batbatan.
Sa timog ng hilagang tuktok ng Panay at mahigit 7 kilometro ang layo sa dagat, ang pulo ng Bacbatan (Batbatan ang tawag ngayon), halos 15 kilometro ang sukat paikot at 5 kilometro lamang ang lapad. Duon nakatira ang 80 indios subalit sa Panay sila nagsasaka ng palay at nangunguha ng pagkit (wax).

Cagayan.
Patungong kanlurang timog (southwest) mula sa Yloylo, wala nang ibang pulo sa lawak ng dagat maliban sa 2 pandak at munting pulo na tinatawag na Cagayan (Cagayan Islands ang tawag ngayon, sa pagitan ng Panay at Palawan na sinuri ni Loarca sa mga susunod na kabanata). Lagpas 70 kilometro ang layo nito sa Panay. Sa paligid ng 2 pulo ay maraming batuhan (arrecifes, reefs) na delicado, at Cagayan kung hindi alam ang ilang makitid na pasukan (inlet), mawawasak at lulubog ang barko.

Mayroong bandang 400 indios ang nakatira duon, at halos lahat sila ay mahusay gumawa ng paraw (bangkang pandagat, tinawag ding caracoa). Ang sabi-sabi, ilang taon sa nakaraan, lumikas ang mga tao duon upang maligtas ng mga batuhan sa pagsalakay ng mga mandarambong (piratas, raiders). Lumipat daw sila sa Panay upang duon na manirahan subalit may nakita daw nila - ang sapantaha ay mga manghuhula (hechiceros, soothsayers) sila - kaya bumalik sila sa Cagayan. Mula duon, naglalakbay sila sa ibat ibang pulo taon-taon upang gumawa ng mga sasakyang dagat, bilang hanap-buhay.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata