The first invader was a neighbor Ang Unang Conquistador ‘AKO si Ragam, ang Sultan Bulkia sa Brunei, sa dalampasigan ng Brunei. Dalawang ulit sinalakay ng aking hukbong dagat ang Selurung na tinatawag ninyong Lusong. Ang mapaghamig na Datu Gambang na inyong pinuno ay yumao at wala na. Ako ang nagwagi at nakasakop, at ngayon, dito sa May Nilad, ako na ang sultan at inyong hari.’ Ito ang kaisa-isang ulat, ang talumpati na isinalin sa Tagalog ng batikang manunulat, si Clodualdo del Mundo, ng unang conquistador sa Pilipinas, si Paduka Sri Sultan Bulkia, matapos niyang sakupin ang Manila nuong bandang 1500, mahigit 20 taon bago dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas. Si Bulkia ang hari nuong 1485 hanggang 1524 ng Brunei, ang mayamang lungsod sa pulo ng Borneo. Isang princesa at anak ng sultan ng Jolo ang kanyang asawa, si Putiri Leyla Menchanai. ‘Isang princesa ng angkan ni Datu Gambang ang aking pinangasawa ngayon upang maipagpatuloy ang paghahari dito sa Pasig-an. Ang magiging anak namin ang siya n’yong gagawing Maginuo at bibigyang pitagan ukol sa pagkamaharlika ng aming lipi.’ Umaawit na magdaragat.
‘Higit sa aking pagiging hari, ipinagmamalaki ko ang tawag sa akin ng Nakoda. Karapat-dapat sapagkat walang dadaig sa akin sa pagdaragat maging sa unos at sagupa sa alimpuyo, dapat asahan sa isang katulad kong may dugong Vijaya.’ Ang dating malawak na kaharian ng Sri Vijaya sa Sumatra ang tinukoy ni Bulkia, parangal na inangkin din ng mga Sugbuanon, Ilonggo, Waray-Waray at iba pang tinatawag ngayong mga Bisaya. Ang huling habilin ni Bulkia ang nagsiwalat ng tunay niyang pakay sa pagsalakay. ‘Kaya, mga abay sa pasigang ilog ng Lusong, huwag kayong magkukulang sa aking magiging anak, ang inyong magiging hari. At huwag n’yong kalilimutang magbuwis taon-taon ng ginto para sa Brunei, tanghal ngayong pulo ng ginto.’ Hindi tunay ang salakot na ginto.
Kasama sa ulat ni Antonio Pigafetta ng paglakbay ni Ferdinand Magellan nuong 1521 ang pagbihag nila sa ‘anak ng hari ng Luzon’ pagkatapos nitong puksain ang Laui (Laut ang tawag ngayon), isang pulo sa banda ng Palawan. Ang ‘anak’ ang pinuno ng hukbong dagat (armada) ng Brunei, mahigit 100 parao, mga bangkang pandagat, na pumatay sa mga taga-Laui, pinugutan lahat ng ulo, dahil kumampi sa mga taga-Java at ayaw kilalanin ang sultan ng Brunei. (Inulat din ni Pigafetta na nakaharap nila ang matabang ‘hari ng Burney’ na tinawag nilang Raja Seripada, subalit malamang ang anak ni Bulkia ang nakita nila, si Paduka Seri Begawan.) Napatunayan man ang pagsakop ng mga taga-Brunei sa Manila, napatunayan ding hindi nagtagal ang kanilang paghahari duon. Nuong 1570, pagkaraan lamang ng 50 taon, si Rajah Soliman at si Rajah Laja (ang tinawag na Rajah Matanda) ang dinatnan ng mga Espanyol na haghahari sa Manila. Ang mag-tio ay kapwa anak-anak (descendants) ni Dayang Kalangitan, ang babaing pinuno ng Bitukan Manok (lungsod ng Pasig ngayon) at asawa ni Gat Lontok, nuong bandang 1450. Na babae ang pinuno, at dayang at gat ang mga parangal, - lahat ay patunay na galing sila sa mga unang tao sa Sumatra, tinawag na mga Minang kabau, at lumikas sila sa Pilipinas halos 2,000 taon sa nakaraan - bago ginamit ang mga parangal na datu at rajah sa Sumatra. Lumikas din mula sa hilaga ng Sumatra, malapit sa kasalukuyang lungsod ng Acheh, ang mga taga-Pasai na nagtatag ng kanilang baranggay, tinatawag ngayong Pasay, malapit sa Manila. Naging kilala ang Manila.
Nuong lamang bandang 1290, halos 800 taon sa nakaraan, nag-tagpo sa pasigang ilog ng Lusong at nagsimulang magkalakal ang mga sampan mula China at ang mga parao ng mga taga-Indonesia. Sa paglago ng ugnayan at kalakal duon mula nuon, nabuo ang malaking nayon na tinawag na May Nilad sa tabi, at kabilang panig ng ilog, ng baranggay ng mga mangingisda, ang Tundo. Ang paglago at pagyaman ding iyon ang dahilan dumating nuong bandang 1500, mahigit 200 taon lamang pagkabuo ng nayon, ang hukbong dagat ni Bulkiah, nagpapalawak nuon ng kanyang bagong kaharian sa Brunei, upang sakupin ang May Nilad. Pagtayo at pagdayo ng kapitpulo.
Salitang bumbay din ang tawag sa mga unang pinuno nila, Sang Aji (ang hari), pahiwatig ng matibay na pagka-Buddhist ng mga unang magdaragat, pagsamba mula sa India na lumawak sa iba’t ibang kaharian sa buong silangang timog dahil sa masiglang kalakal, tumagal nang halos 1,000 taon, ng mga tagaruon sa mga kaharian sa timog India. Ang kalakal mula sa Arabia at China ang nagdala ng kapalit na pagsamba ng Islam sa silangang timog at, para sa mga Brunei, ang yaman at lakas ng nagdidigmaang mga kaharian sa paligid. (Ang pinagmulan at kabihasnan sa mga paligid ng Pilipinas ay paksa ng Kahariang Kayumanggi na ilalagay sa website na ito sa mga darating na panahon.) Sa pagyaman, lumaki ang kapangyarihan ng Brunei at mula nuong 1363, pinalawak nila ang kanilang mga saklaw hanggang naabot nila ang Palawan at kanlurang timog (southwest) ng Pilipinas, ang mga kapuluan ng Sulu, Basilan at Mindanao.
Mula pa nuong bandang 1310, mayroon nang baranggay ang mga Muslim sa Sulu, itinatag ng mga taga-ibang bayan na tumira at nag-asawa ng mga tagaruon upang maka-familia ng mga pinuno at kilalang angkan duon. Kabilang sa kanila sina Tuan Mashaika at Tuan Magbalu (tinawag ding Makbalo), mga pinuno ng pagsibul ng Islam sa Sulu. Isa dayuhan din, si Hasim Abu Bakar, anak ng isang Arabi mula sa Hadramaut at ng isang princesa ng Johore sa tinatawag ngayong Malaysia, ang nagtanghal sa sarili bilang unang hari ng Sulu nuong 1450 at inari ang 5 parangal - paduka, maulana, mahasiri, sharif at sultan. Marami ring parangal si Paduka Sri Sultan Bulkia ibn el Marhum Sultan Sulaiman na dumating at nasaklaw ang Sulu pagkaraan ng 50 taon nang napangasawa niya si Putiri Leila Menchanai, ang anak ng sultan ng Sulu nuon. Mula duon, nagtungo si Sultan Bulkia sa Lusong (Selurung) upang lusubin ang May Nilad. Ang Ika-2 Conquistador HINAYAG ni Alfonso Albuquerque ng Portugal na nuong salakayin niya ang kaharian ng Melaka (Mei Laka, tinawag na Malacca ng mga Espanyol) nuong 1511, dinatnan nilang nagkakalakal duon ang 2 parao mula sa kapuluang tatawaging Pilipinas sa mga darating na panahon. Ang magilas na ugnayang ipinahiwatig nito ang magiging landas ng pangalawang pagsakop sa kapuluan pagkaraan ng 5 taon lamang. Si Sultan Mahmud Shah, ang hari ng Melaka na tinalo ni Albuquerque, ay sumalakay nuong 1511 din, katulong ang isang datu, si Uti-muti Rajah, upang agawin muli ang Mei Laka subalit nagapi sila. Tuluyan nang umurong ang mga maharlika ng Melaka sa timog (south) ng tinatawag ngayong Malaysia at sa baranggay ng Johore, malapit sa Singapore, itinatag ang kanilang kaharian. Duon sila nag-ipon ng lakas upang bawiin muli ang Melaka. Nakatakas sa Johore kasama ng sultan ang maharlikang angkan na kinabilangan ni Mohammad Kabungsuwan (ang bunso, the youngest sa English). Duon, nabalitaan nila ang pagtatag ng mga mukdumin, ang mga misionaryong Muslim, mula sa Johore ng sariling kaharian sa kapuluan ng Sulu. Nahayag din na nabigo ang tangka ng mga taga-Sulu na palawakin ang kanilang kaharian sa Basilan at sa tinatawag ngayong Zamboanga. Bagaman at matagal nang narating ng mga mukdumin, malamig ang mga tagaruon sa mga taga-Sulu na mga Tausug, ang matagal na nilang kalaban. Maniwaring matalik ang kaharian ng Sulu sa Brunei, ngunit hindi sa mga taga-silangan. Nakita ni Kabungsuwan na pagkakataon ito upang makapagtatag siya ng kaharian sa malaking pulo na tatawaging Mindanao.
Mula sa Johore, sa Malaysia, maraming kasamang mandirigma si Kabungsuwan nang maglayag papuntang kapuluan nuong 1515. Dumaan muna sila sa kapuluan ng Tawi-Tawi upang magsama ng mga tagaruon, ang mga Sama, na nagsilbing mga gabay patungo sa mga Maguindanao. Subalit, sa halip, sa mga kaibigan nilang mga Ilanan (tinawag ding Iranun) nagtuloy ang malaking pangkat ng mga Sama sa baranggay ng Malabang, bahagi ngayon ng Lanao del Sur. Walang bagay dahil magkakampi ang mga Ilanan at mga Maguindanao, sa baranggay ng mga Ilanan sa Slangan unang itinatag ni Kabungsuwan ang kanyang kaharian. Sa kalapit na libis ng Pulangi (Pulangi Valley), sa tabi ng ilog na tinawag ding Pulangi ang malaking angkan ng mga Maguindanao. Lawak sa buong kalagitnaang Kuta Bato (Cotabato ang tawag ngayon) ang mga taong kawika at kauri nila, na tinawag ding mga Maguindanao. Nang maging asawa ni Kabungsuwan ang isang princesa ng mga Maguindanao, si Putri Tunoma, inilipat niya nuong 1516 ang pusod ng kanyang kaharian sa Pulangi (North Cotabato) sapagkat higit na marami ang mga Maguindanao kaysa sa mga Ilanan. Mula nuon, kinilala ang mga Maguindanao bilang mga pangunahing Muslim sa pulo na ginawaran ng kanilang pangalan, Mindanao. Ang mga Ilanan din ang nagdala ng Islam sa kanilang mga kakampi, ang mga Maranao, sa lawa ng Lanao (Lake Lanao). Karibal ng sultan ng Buayan.
Hindi nagtagal, ang matagal nang daigan ng mga Buayan at mga Maguindanao ay sumabog sa matagal na digmaan, inabutan pa ng mga Espanyol, at hindi naawat kundi pagkaraan ng halos 100 taon, nuong maging sultan si Kudarat (tinawag na Corralat ng mga Espanyol) nuong 1616. Nagbuklod ang 2 pangkat upang sagupain ang pagsakop ng mga Espanyol. (Ang mahabang digmaan ng mga Espanyol at mga Muslim sa Pilipinas ay isinusulat sa Moro-Moro at ilalagay sa website na ito sa mga darating na araw.) |
Kagagawan Ng Mga Portuguese
NUONG nagsimulang sumikat ang mga Portuguese halos 600 taon sa nakaraan, ninais nilang iwangis ang kanilang kaharian mula sa mga Espanyol na kauri-uri nila. Pinalawak nila ang alamat na nagmula sila sa lahi ng Lusitania, ang magiting at matanda nang bansa na lumaban sa pagsakop ng ancient Rome nuong 200 taon bago nagpanahon ni Jesus Christ (200 BC), hanggang pati ang mga Espanyol ay naniwala na ang mga Portuguese ay mga Lusitanio. Bansag sa alamat na ito ang pagpaslang kay Viriato, ang bayani ng himagsikan na hindi nagapi ng mga Romano kundi nuong suhulan nila ang 2 kabig ng magiting na general na patayin siya. Samantalang totoo na lumaban ang mga taga-Iberia sa Roma at nasakop lamang pagkaraan ng 200 taon ng tinawag na digmaan ng Cartagena (Carthaginian Wars), at maaaring totoo rin na may isang bayani silang tinawag na Viriato, ngayon naman, kahit ang mga Portuguese ay naniniwala na walang katuturan ang kasaysayang tinawag na Lusiadas, at hindi tunay ang lahi ng Lusitania. Ang totoo ay walang pinag-iba ang mga Portuguese sa mga samut-samot na namuhay sa Iberia mula pa nuong bago natatag ang imperio ng ancient Rome. Totoo rin na ang mga Portuguese ang ‘tumuklas’ sa Pilipinas, hindi ang mga Espanyol ni Ferdinand Magellan. Pira-pirasong kabihasnang sinakop ng mga Moro.
Sa isang munting sulok ng Leon nagsimula ang Portugal, sa gilid ng dagat Atlantic, malayo sa mga kabihasnan ng Europa. Ang unang pangalan nito, Portucelia o lupain ng daungan sa Cale (Terra Portucalensis sa Latin, Vila Nova de Gaia sa Portuguese) ay nanggaling sa munting daungan (port) ng Portus Cale (Latin uli, Porto da Galla sa bigkas ng Portuguese) na ngayon ay karatig ng lungsod ng Porto, sa bukana ng ilog Douro. Ang mga tagaruon, laging nag-aaway sila-sila, ay dating nagkasiya na lamang sa pagpulot-pulot ng anumang kabishasnang napadpad mula sa nakapaligid na
Patuloy na napalawak ang bagong kaharian, karamihan mula sa mga lupaing naagaw mula sa mga Moro (ang iba ay inagaw mula sa Castilia), hanggang nuong 1279, naabot ng Portugal ang kasalukuyang sukat ng kanilang territorio. Mula nuon, ipinagpatuloy nila ang digmaan laban sa mga Moro bilang kakampi, hindi galamay, - kahiwalay at kapantay ng katabing Castellano at mga taga-Leon, ang 2 kaharian na pinag-isa ng Castilia at, matapos masanib sa pinag-isa ring kaharian ng Navarre at Aragon, ay siyang naging kaharian ng Espanya pagkaraan ng mahigit 200 taon, nuong 1492. Yumaman sa kalkal at kalakal.
Nuong 1500, 8 taon matapos ‘tuklasin’ ni Christopher Columbus ang America para sa Espanya, binaybay ni Pedro Alvarez Cabral ang Africa upang hanapin ang India hanggang sa banda ng Guinea, tinangay siya ng hangin at agos ng tubig patawid sa dagat Atlantic at napadpad siya sa malawak na South America. Inangkin niya ang lupaing ito na tinatawag ngayong Brazil. Dahil sa dami ng kanilang mga batikang conquistador at sa laki ng nakalkal na yaman mula sa mga Moro, at mga Judio (Jews) na pinalayas ni Regina Isabela 1, ang Portugal at Espanya ang pinaka-makapangyarihan sa Europa nuon at upang hindi malansag ang 2 kaharian sa madalas nilang sagupaan sa dagat at agawan sa lupa, pinaghatian nila ang buong daigdig sa sulsol ni Papa Julio 2 (Pope Julius II) sa kasunduan (treaty) ng Tordesillas nuong 1494, pinagtibay at iniba ang paghati ng kasunduan sa Zaragoza nuong 1524. Nuong 1501, isang taon matapos niyang angkinin ang Brazil para sa Portugal, narating ni Cabral ang Madagascar, ang malaking pulo sa silangang panig ng Africa. Nilakbay at siniyasat ito ng isa pang Portuguese, si Triste de Cunha, nuong 1507, habang sinakop naman ang pulo ng Mauritius sa kalagitnaan ng dagat India nuong taon ding iyon. Nakarating din si Cabral sa India nuong 1501 at nagtatag siya ng mga himpilan ng kalakal duon sa lungsod ng Cochin (Kuchin ang tawag ngayon, capital ng Madras) at Calicut, sa Madras din. Nuong 1506, narating ni Lourenzo da Almerida ang Ceylon (Sri Langka ang tawag ngayon). Nuon nabatid ng mga Portuguese na ang kaharian ng Muslim sa Malacca ang lagusan ng mga spice, ang mga pampalasa sa ulam na minimithi nila. Nuong 1509, pinapunta ni Alfonso de Albuquerque, ang pinakamahusay na general ng Portugal, ang 4 barko upang siyasatin ang lakas ng Malacca para sa binabalak niyang pagsakop duon. Pinamunuan ni Diego Lopez de Sequira, kasama sa pangkat ang isang binatang Portuguese, si Fernao Magalhaes (Ferdinand Magellan sa English) at ang kaibigan niyang si Fernao Serrao (Fernando Serrano sa Espanyol). Kataksilan at patayan sa Malacca at Singapore.
Nuong 1388, isang maharlika ng Vishaya, si Paramesvara ang tumakas mula sa pagsukol ng mga Majapahit sa Palembang at nagtago sa Si Ang Puro. Anak-anakan (descendant) ng Vishaya din, kinupkop ng hari si Paramesvara subalit nagtaksil siya at pinatay ang hari upang agawin ang paghahari sa Si Ang Puro. Hindi nagtagal, inabutan si Paramesvara ng mga humahabol na mga Majapahit at ng mga Thai mula sa isa pang kalaban niyang kaharian ng Siam (Thailand ang tawag ngayon) at napilitang siyang tumalilis uli, pahilaga (northward) sa sukal ng Malaysia. Sa makitid na bahagi ng dagat sa pagitan ng pulo ng Sumatra at Malaysia, nagtatag si Paramesvara nuong 1401 ng isang kaharian, tinawag na Mei Laka o puok na ‘may lakan’ (naulat sa Europa na Malacca, Melaka ang tawag ngayon). Gaya ng nawasak na Vishaya, mabilis na yumaman ang Mei Laka mula sa buwis ng mga barko na kailangan tumawid sa pagitan ng Sumatra at Malaysia upang makapagkalakal sa Arabia at sa China. At gaya rin sa Vishaya, kinainggitan at kinalaban ang Mei Laka ng mga katabing kaharian. Nakaamba nang lumusob ang mga Thai nuong 1405 nang dumating ang malakas na sandatahang dagat (armada) mula China upang awatin ang mga kalaban ng Mei Laka. Nagkataon naman na ang pinuno ng armada, si Jung Hu (tinawag ding Zheng He o Cheng Ho) ay Muslim at, sa matagal niyang paghimpil sa Mei Laka, naakit hindi lamang ang mga Intsik na nagkalakal mula sa China kundi pati na ang mga kapwa Muslim na nagkalakal mula sa Arabia. Nagsamantala si Paramesvara at nag-Muslim na rin siya nuong 1414 at tinawag ang sarili na Sultan Megat Iskander Shah o Haring Mohammed Alexander, mula sa Alexander the Great. (Kahit Muslim na, nanatiling maka-bumbay ang mga taga-Mei Laka at ginamit kapwa ang turing na hari sa Arabi, sultan, at sa Hindu, shah.). Sa tulong ng mga Intsik at mga Arabi, lumawak ang kanyang kaharian at sinaklaw ang buong Malaysia, pati na ang Si Ang Puro. Namatay si Paramesvara nuong 1424 at 85 taon na nagpayaman ang Mei Laka habang hinahanap ng Portugal ang pinagmulan ng mga spice. Nagdatingan ang mga taga-Europa.
Huwag kayong magtiwala sa mga Portuguese, bulong sa sultan at sa Bendahara ng mga nagkakalakal na taga- Arabia at mga taga-India, na may alam sa mga kagagawan ng mga Portuguese sa kanilang mga bayan. Sasakupin kayong lahat at aagawin ang inyong kayamanan! Nagbalak ang sultan na lusubin ang mga barko at bihagin ang mga Portuguese subalit ibinunyag ang lihim ng isang babae mula sa Java na napaibig sa isang Portuguese. Nang mabalitaan ng sultan na siwalat na ang kanilang balak, sinugod ng mga kawal ang mga Portuguese na lumilibot pa nuon at namimili sa lungsod. Napatay nila ang mahigit 60 Portuguese at nabihag nila si Ruy de Aranjo at 20 pang mga kasamahan. Karamihan ng mga Portuguese ay nakatakas dahil sumagupa ang ilang conquistador, kabilang si Fernao Magalhaes, upang bigyan ng pagkakataon ang kanilang mga kasamahan. Iniwan ang mga bihag, lumaot sina Sequeira pabalik sa Goa. Nag-iipon si Albuquerque nuon ng isang hukbo na, gaya ng payo ng mga Bumbay sa Mei Laka, sumalakay sa mga moghul at sumakop sa lungsod ng Goa nuong sumunod na taon, 1510. Pagkatapos, abala si Albuquerque sa pag-ayos ng pamahalaan ng Goa at pag-ipon muli ng isa pang hukbong dagat (armada) kaya Julio 1, 1511 na nang tumapat sa Mei Laka ang 19 barko, sakay ang 1,400 conquistador at mga sundalo - 800 Portuguese at 600 Bumbay mula sa Malabar, - upang sagipin si Aranjo at iba pang mga bihag. Nagpahele-hele si Sultan Mahmud Shah habang pinatitibay niya ang tanggulan ng Mei Laka at nag-iipon ng mga kakamping mandirigmang Malay at Bumbay. Sinakop ang Melaka, hinanap ang Maluku.
Pagkaraan ng 2 linggo, nuong Agosto 24, 1511, sinakop ni Albuquerque ang palacio at mga ari-arian ni Sultan Mahmud at pinasimulan ang pagtatag ng makapal at malaking Fuerza A Formosa (Magandang Kuta, Fort Beautiful) Pinasimulan din niya ang pagkalakal muli ng iba’t ibang bayan sa Mei Laka. Pinatungo niya si Duarte Fernandez upang makipag-ugnay sa Siam (Thailand ang tawag ngayon) at bago magbagong taon, nuong Deciembre 1511, pinalaot niya ang pangkat dagat ni Antonio de Abreu upang hanapin ang pangunahing pakay ng Portuguese, ang Maluku. Hinirang ni Albuquerque bilang governador si Rui de Brito bago umalis nuong Enero 1512 upang magbalik sana sa Goa, dala ang malaking kayamanan ni Sultan Mahmud ngunit tinamaan ng bagyo at lumubog ang kanyang barko, ang Flora dela Mar (Bulaklak ng Dagat) malapit sa Sumatra. Nakaligtas si Albuquerque subalit naglaho lahat ng kayamanang dala niya. Nahirang na capitan si Fernao Magalhaes dahil sa giting ng kanyang pakikipaghamok nuong 1509 subalit hindi na matiyak kung kasama siya ni Albuquerque nang sakupin ang Mei Laka nuong 1511. Ang tiyak lamang ay hindi siya kasamang humanap sa Maluku dahil bumalik siya sa Portugal nuong taon na iyon, 1512. Tiyak din na kasama sa paghanap ang kanyang kaibigan, si Fernao Serrao, bilang capitan ng isa sa mga barko sa pangkat ni Abreu sapagkat siya lamang sa buong pangkat ang nakarating sa Maluku. At siya, 9 taon bago dumating si Magalhaes, ang unang nakarating sa Pilipinas. ‘Natuklas,’ hindi pinansin ang Pilipinas.
Maraming siniyasat at inulat si Chirino sa kanyang salaysay ng mga pulo ng Pilipinas (Relacion delas Islas Filipinas), nag-aral at natuto pa mandin siya ng Tagalog at Cebuano (baka Waray-Waray din). Subalit mali siya, sinadya o hindi, sa kanyang sinulat na hindi narating ng Portuguese ang kapuluan. Maaaring sinadya niya ang pagkakamali sapagkat ipinagmamalaki ng Espanya nuon na ang mga Espanyol sa pangkat ni Magallanes (ang pangalan ni Magalhaes pagkatapos niyang sumapi sa Espanya) ang ‘nakatuklas’ sa Pilipinas, - ‘pagtuklas’ na ginamit na batayan ng pag-angkin ng Espanya sa kapuluan. (Ang buong kasaysayan ng paglakbay ni Magallanes sa Pilipinas ay nasa Ang Unang Espanyol, na kasama sa website na ito.) Totoong hindi humimpil ang mga Portuguese sa Borneo o sa anumang pulo ng Pilipinas nuong 1512, subalit narating at nakita nila hindi lamang ito kundi pati ang kapuluan ng Jolo, Basilan at Mindanao, mga pulo na isinali nila sa kanilang mapa ng daigdig - at ginamit nilang batayan nang tangkain nilang palayasin ang mga Espanyol mula sa Pilipinas pagkaraan ng mahigit 50 taon (nakaulat sa isa sa mga susunod na kabanata). Ang kataka-taka lamang, batay sa mga nangyari nuong 1512 hanggang 1514, ay ang mag-akala na narating ng mga Portuguese ang Maluku nang hindi nagdaan sa Pilipinas. Lumiko sa Jolo.
Maliban kay Fernao Serrao. Nasiraan din sa bagyo, sisinghap-singhap na ang barko ng kaibigan ni Magalhaes nang nakanakaw sila ng isang dyong, barkong pandagat ng mga taga-Java. Nakalipat sila sa dyong bago lumubog ang kanilang barko at, sa halip na magbalik sa Malacca gaya ng ibang barko ni Abreu, ipinasiya ni Serrao na ipagpatuloy ang paghanap sa Maluku. Napilitan silang magsuhol sa hari ng Brunei na, dahil kaaway ng mga taga-Java, ay pumayag bigyan sila ng mga gabay (guides) na alam ang pagpunta sa Maluku. Nuon narating nina Serrao ang Pilipinas sapagkat nilandas nila ang pagitan ng Jolo at Tagima (Basilan ang tawag ngayon) at binaybay ang Mindanao hanggang Saranggani patimog (southward) bago lumihis patungo sa Maluku. Pagkadaong nila duon sa pulo ng Ternate nabunyag ang balak ni Serrao na hindi na magbalik sa Malacca o sa Portugal. Niligawan niya ang hari ng Ternate at hinirang siya nitong general ng kanyang hukbo, sa matagal nang pag-aaway niya at ng hari ng katabing pulo ng Tidore. Sa tulong ni Serrao at ng mga kasama nitong Portuguese, madaling napasuko ng Terrenate hindi lamang ang Tidore kundi ang buong kapuluan ng Maluku. Nuong 1514, nagpadala uli si Albuquerque ng isang pangkat dagat sa Maluku. Taon-taon mula nuon, naghakot ng mga spice ang pangkat dagat ng mga Portuguese mula sa Maluku, gamit ang landas na ‘binuksan’ ni Serrao paligid sa Jolo at sa Mindanao at gamit pa rin hanggang nuong nakatatag na ang mga Espanyol sa Pilipinas pagkaraan ng mahigit 50 taon. Pinilit nila si Serrano na sumama pabalik sa Malacca subalit nanatili ito sa Ternate, nagpadala pa ng sulat sa kaibigan niyang si Magalhaes tungkol sa pagkatupad ng matagal na niyang pangarap na magbuhay-principe. Niyaya niya duon si Magalhaes at inulat ang tantiya niyang layo ng Malacca sa Maluku - mali dahil minsan lamang niya nabagtas, nahaluan pa ng pagkaligaw sa bagyo at paligoy-ligoy bago natagpuan ang landas paligid sa Jolo. Nayakag nga niya si Magalhaes, namuno sa pangkat dagat ng mga Espanyol, subalit hindi na nagkitang muli ang magkaibigan sapagkat namatay si Serrao nuong taon ng 1521, nang narating ni Magalhaes ang mga pulo na tatawagin ng mga Espanyol na ‘Las Felipinas’ sa mga susunod na taon. Nuong 1515, nagdala ng isa pang hukbong dagat si Albuquerque at sinakop ang daungan ng Mormoz, sa dalampasigan ng Persia (Iran ang tawag ngayon). Pabalik sa Goa pagkatapos, namatay si Albuquerque. Nagpatuloy nang walang humpay ang pagsakop ng mga Portuguese sa iba’t ibang bahagi ng Asia. Pagkaraan lamang ng 2 taon, nuong 1517, naabot ng pangkat ni Fernao Pires de Andrade ang Canton, sa China at nabigyan ng pahintulot na magkalakal. Pagkaraan ng 40 taon, nuong 1557, pinayagan silang sakupin ang Macao. Tinamaan ng bagyo at napadpad ang 3 Portuguese sa Japan nuong 1542. Sumunod na taon, nagbalik ang mga Portuguese at nagtatag ng bahay kalakal duon sa kabayanan (town) ng Deshima. Nuong 1590, narating nila ang malaking pulo sa timog ng China na tinawag nilang ‘Ilha Formosa’ o marikit na pulo (Beautiful Island). Tinangka nilang magtatag ng himpilan duon subalit, gaya ng Pilipinas, iniwan din nila sapagkat higit na mayaman ang kalakal sa karatig na Macao at Deshima. Isa pa, wala silang sapat na tauhan upang ipagtanggol ang pulo na wala naman silang kinikita. Ang kahinaan ng munting Portugal.
Hindi nalihim sa mga inggit sa Europa ang kahinaan ng Portugal na, mayroon mang tatag na sandatahan sa Malacca at India, ay walang sapat na lakas upang saklawin ang Maluku o hadlangan ang sunud-sunod na pagsulpot ng mga Espanyol at iba pang taga-Europa sa iba’t ibang panig ng Silangan. Isang sa mga masugid si Felipe 2, ang naging hari ng Espanya nang nagbitiw ang ama, si Carlos 5, nuong 1556. Si Felipe 2 ang nagmana sa maraming digmaan, at malalaking gastos, ng mga Espanyol kaya kahit kanya ang pinakamalaki at pinakamayamang kaharian sa Europa, nagsigasig siyang masaklaw ang mga kapuluan na binigyan pa ng kanyang pangalan. Hindi nagtagal, ang walang kamalay-malay na mga tagapulo na nananahimik sa malayong gilid ng malawak na dagat Pacific ay niligalig muli ng mga manlulupig, mga conquistador hindi lamang mula sa Portugal kundi pati na sa Espanya. |
|
Balik sa nakaraan Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Listahan ng mga pitak Susunod na kabanata |