Spain’s flag SPANISH  OCCUPATION:   El Tiempo de conquistadores en las Felipinas

Kaharian Ng Español Sa Pilipinas

Ang Maligalig Na Ika-18 Sandaan Taon, 1700 - 1799

5 MADUGO at mahabang digmaan ang sumalanta sa España sa buong haba ng ika-18 sandaang taon (18th century). Sumabog ang digmaan ng paghahari (War of the Spanish Succession) nuong 1702 hanggang 1714 nang naluklok na hari, ayon sa huling habilin ni Carlos 2, si Philippe d’Anjou, apo ni Louis 14 ng France, sa ngalang Felipe 5. Takot madaig ng kampihan ng France at España, sinakop ng hukbo ng England at Austria ang mga lungsod ng Valencia at Barcelona nuong 1705 upang iluklok ang ka-rival ni Felipe 5, si Duke Karl ng kahariang Habsburg sa Austria.

Katulong ang mga taga-Cataluña at Valencia, na maka-tao sa halip ng maka-maharlika, 2 ulit nilang sinakop ang Madrid nuong 1706 at 1710 subalit 2 ulit ding nagapi ng magkamping hukbo ng France at ng 18,000 mga taga-Castilla na ayaw pailalim sa mga taga-Cataluña at mga taga-Aragon.

Hindi isinuko ng mga taga-Cataluña ang kanilang karapatan ng pansariling

kapangyarihan (fueros, privileges) sa ilalim ng hari kundi nuong natalo sila sa Barcelona nuong 1713-1714, matapos ng 2 taon ng digmaan.

Nabuo nuon, sa kauna-unahang panahon, ang kaharian ng España nang walang sagabal na pansariling kapangyarihan sa iba’t ibang lalawigan. Sa tulong ng mga Bourbon ng France, tapos ng mga taga-Italia nang mamatay si Maria Luisa at napangasawa ni Felipe 5 si Elizabeth Farnese, napagbuti ang pamahalaan sa Madrid at ang kalakal sa mga sakop ng España sa America.

Subalit dahil din sa mga lupain ni Farnese sa Italia, nasangkot uli ang España sa magkasunod na digmaan ng paghahari sa Poland (War of the Polish succession) nuong 1733 upang mabawi ang 2 Sicilia (Sicily) at Napoli (Naples), at ng paghahari sa Austria (War of Austrian succession) nuong 1741-1748 upang mabawi ang Milan naman.

ANG  MGA  HARI  AT  REGINA  SA  ESPANA,  1683 -1808
Angkan Ng Mga BOURBON   (House of Bourbon)

Felipe 5 10. Felipe 5 (1683-1746). Isinilang siya sa Versailles, sa France, nuong Deciembre 19, 1683. Ang ama niya ay si Luis (Louis), principe at tagapagmana ng kaharian ng France. Ang kanyang ina ay si Mariana ng Bavaria na na-viuda at naging asawa nuong 1690 ni Carlos 2, hari ng España. Tatlong linggo pagkamatay ni Carlos 2, hinirang na hari ng España si Felipe sa pangalang Felipe 5 nuong Noviembre 24, 1700. Sumunod na taon, napangasawa niya si Maria Luisa ng Savoy nuong Septiembre 11, 1701. Na-viudo, napangasawa niya nuong Septiembre 16, 1714 si Elizabeth Farnese. Nagbitiw (abdicated) siya nuong Enero 10, 1724 at hinirang na hari ang kanyang anak, si Luis 1, ngunit namatay ito pagkaraan ng 8 buwan kaya napilitang maghari uli si Felipe 5 nuong sumunod na Septiembre 6 hanggang namatay na rin siya pagkaraan ng 22 taon, nuong Julio 9, 1746 sa Madrid. Elisabeth Farnese

Sa Pilipinas, pinatay ng mga frayle nuong 1719 ang governador, si Fernando Bustamante. Inutos niya nuong 1721 at 1724 sa sumunod na governador, si Toribio Jose Cosio, na usigin ang mga pumaslang ngunit paulit-ulit siyang sinaway nito dahil kampi sa mga frayle.

11. Luis 1 (1707-1721). Isinilang siya nuong Agosto 5, 1707 kina Felipe 5 at Maria Luisa. Pagkaraan ng 14 taon, ikinasal siya kay Louise Elisabeth ng Orleans, France, nuong Noviembre 16, 1721. Nahirang siyang hari nang nagbitiw (abdicated) ang ama niya nuong Enero 19, 1724 ngunit namatay siya nuong sumunod na Agosto 31.

12. Fernando 6 (1713-1759). Batang kapatid siya ni Luis 1, isinilang nuong Septiembre 23, 1713 at ikinasal kay Maria Teresa ng Braganza nuong Enero 19, 1729, sa kanyang ika-16 taon. Minana niya ang kaharian nang namatay ang kanyang ama, si Felipe 5, nuong 1746. Si Fernando 6 ang pumayag sa mungkahi ng governador ng Pilipinas na ipatapon ang 2,000 Intsik mula sa Manila nuong 1755 upang masarili ng mga Español sa Manila ang kalakal ng China at Mexico, ang tinawag na galleon trade. Namatay siya sa Villaviciosa de Odon, sa Madrid, España pagkaraan ng 13 taon, nuong Agosto 10, 1759. Louis I

13. Carlos 3 (1716-1788). Isinilang siya sa Madrid nuong Enero 20, 1716 kina Felipe 5 at ang pang-2 asawa nito, si Elizabeth Farnese. Napangasawa niya si Maria Amalia, princesa at anak ni Frederick Augustus 2 ng Saxony, sa Germany. Nang mamatay ang kanyang kapatid-sa-ama, si Fernando 6, nahirang siyang hari ng España nuong 1759 at ipinamana niya ang kaharian ng 2 Sicily sa kanyang ika-3 anak, si Fernando.

Bilang hari, naging maunlad ang palakad sa España at bumuti ang buhay ng mga tao duon. Una niyang inutos na linisin ang Madrid, ang punong lungsod at himpilan (capital) ng hari. Ang nagpabantog sa kanya ay ang kanyang pagka-makatao at pagka-makabago, 2 ugali na bunga ng kanyang pagiging Bourbon, makapangyarihan at maunlad na angkan mula sa France. Bagaman at mapag-utos at mahigpit tulad ng sinumang hari, hindi naman siya nagmalupit at nagsamantala sa mga tao. Hindi siya nakiming pagbutihin ang buhay ng mga tao. Ipinagbawal niya ang pagtapon ng maruming tubig at basura sa mga lansangan mula sa bintana. Pag-angal ng mga taga-Madrid, pinagalitan niya, Para kayong mga bata na umiiyak kapag hinugasan ang mukha!

Napaunlad ng kanyang mga ministro, sina Zenon de Somodevilla, marques de Ensenada, at Pedro Pablo Abarca de Boleo, conde de Aranda, ang lakbayan (transportacion, travel) sa España at mga sakop. Ginanap din ang pagpundar ng mga tanimang kalakal (agricultural industries) sa Pilipinas at iba pang mga sakop (colonies), lalo na nuong alisin ang mga paghihigpit sa pakikipag-kalakal sa Pilipinas ibang bayan. Nagsimulang nabuksan ang panglabas kalakal (international commerce) at hanapang buhay (world economy) sa Pilipinas.

Samantala, ang pag-iwas ni Carlos 3 sa mga frayle at mga religioso, bunga rin ng kanyang pagiging Bourbon, ang nagdala ng galit sa kanya ng simbahang catholico at ng mga pinuno ng lipunan sa España. Kasalukuyang nabubulok nuon ang pamahalaan at kaharian ng España sa makipot na pag-iisip ng makalumang simbahan at ng mapagsamantalang maharlika. Ang buong kakayahan ng España ay nabuhos sa pagtangkilik ng kasalukuyang mga kalagayan at paglupig sa anumang pagbabago. Binawasan ni Carlos 3 at ng kanyang mga ministro ang kapangyarihan at yaman ng simbahan, lalo na ang mga frayle, sa buong kaharian. Hindi niya naalis ang pusod ng kapangyarihan ng Ferdinand VI simbahan sa España - ang inquisition o pag-usig sa sinumang sumuway sa catholico o sa frayle - subalit nadaig niya ang mga frayle at nabawasan niya ang kanilang pag-usig sa mga galit sa simbahan o ayaw sumunod sa mga frayle.

KAYA kinalaban siya ng mga frayle. Nang tinangka ni Carlos 3 nuong 1766 na himukin ang mga taga-Madrid na magdamit tulad ng mga taga-France, naghimagsik ang mga tao. Sinamantala ito ng mga frayle, lalo na ng mga Jesuit, upang salakayin ang palacio at ang hari. Napilitang umurong si Carlos 3 at nagtago sa kanyang palacio sa Aranjuez mula nuon. Ipinaubaya niya ang pagpapalakad sa kaharian sa kanyang ministro, si Pedro Pablo Abarca de Boleo, conde de Aranda.

Ngunit itinanim niya ang muhi sa nakita niyang kataksilan ng mga religioso kaya pagkaraan lamang ng isang taon, nuong 1767, tinularan niya ang hari ng Portugal at ipinatapon ang mga Jesuit mula sa buong kaharian, sa España at lahat ng mga sakop (colonies) sa America at sa Asia, pati na sa Pilipinas. Inilit niya ang mga ari-arian ng mga Jesuit at iba pang mga convento, at inutos sa mga sakop, pati sa Pilipinas, na palitan ang mga frayle sa lahat ng paroco (parishes) ng mga secular o pangkaraniwang pari (sacerdotes, priests).

Carlos 3 Sa palakad sa labas ng España at pakitungo sa ibang bayan nasira si Carlos 3, lalo na nang namatay na ang kanyang asawa, si Maria Amalia. Bilang isang Bourbon, karaniwang galit siya sa England at nasangkot siya sa 7 taon ng digmaan (7 years’ war) ng France laban sa England nuong 1756 hanggang 1763. Dahil sa digmaang ito, nilusob at sinakop ng sandatahan ng England ang Manila mula nuong 1762 hanggang 1764. Sinamantala ni Diego Silang ang pagkakataon at naghimagsik sa Ilocos nuong 1763.

Kumampi rin si Carlos 3 sa France laban sa England nuong himagsikan sa America nuong 1779, bagaman at alam niyang ang paglaya ng mga Amerkano ay makalalansag ng mga sakop (colonies) ng España sa America.

Ang pinakamalaking pagkukulang niya na nakabalam sa Pilipinas ay ang pagtanggi niyang paturuan ng mahusay ang mga sundalo at pinuno ng sandatahan ng España, ang mga karaniwang hinihirang na pinuno sa Pilipinas. Kaya nagpatuloy ang pagdating ng mga pangahas at walang pinag-aralang Español upang maghari sa mga Pilipino. Nuong 1776, binawi rin niya ang utos niya nuong 1774 na alisin ang mga frayle na pulos Español sa mga paroco sa Pilipinas at palitan ng mga pari na karaniwang katutubo o mga mestizong Pilipino. Kung ipinagpilitan niya ang kanyang utos, napawi sana ang hilakbot ng mga tao sa mga frayle at malamang hindi naganap ang napipintong himagsikan ng mga Pilipino. Namatay si Carlos 3 sa Madrid nuong Deciembre 15, 1788.

Carlos 4 14. Carlos 4 (1748-1819). Pang-2 anak nina Carlos 3 at Maria Amalia, isinilang siya nuong Noviembre 11, 1748 sa Portici, sa Sicilia, Italia, nuong hari ng Sicilia ang ama. Malakas ang katawan ngunit nabalitang utu-uto, naging ganap ang kapangyarihan niya sa kaharian matapos niyang mapangasawa si Maria Luisa ng Parma, Italia. Lumabas na ma-intriga si Maria Luisa, tinangkang alisin ang ministro ni Carlos 3, si Jose Monino, conde de Floridablanca, upang mapalitan ni Pedro Pablo Abarca de Bolea, conde de Aranda.

Sinto-sinto ang kuya niya kaya siya ang hinirang na hari nuong Enero 17, 1789 ngunit ipinaubaya niya ang pamamahala sa kaharian kay Maria Luisa at sa kasintahan nito, si Manuel de Godoy, habang wala siyang inatupag kundi mangahoy (hunting). Magulo at madugo ang 20 taon ng paghahari niya. Gimbal siya sa pagsabog ng himagsikan sa France (French Revolution) nuong 1779 at, sunud-sunuran kay Maria Luisa at kay Godoy, binuhay ni Carlos 4 ang simbahan at ang inquisition upang sugpuin ang mga nag-aamuki na ipagpatuloy ang mga pagbabago sa España na sinimulan ng kanyang ama, si Carlos 3.

Nang pugutan ng ulo ang hari sa France, si Louis 16, sumali ang hukbong España sa paglusob sa France nuong 1793 ngunit nagapi at napilitang nakipagpayapa sa bagong pamahalaan ng himagsikan sa France nuong 1795. Tapos, nuong 1796, napilitang sumali uli sa paglusob ng hukbo ng France sa Portugal naman. Kunyaring paghanda laban sa Portugal, pinasok ang España ng hukbo ng Republica ng France mula nuong 1794, subalit nagapi uli ang España dahil sa pagtulong ng England sa Portugal. Sa pamumuno ni Napoleon Bonaparte, ang bagong emperador ng France, tuluyang sinakop na ng France ang España nuong 1808.

Naghimagsik ang mga taga-Madrid at habang papalapit ang hukbong France, nagka-kudeyta (coup d’etat) sa palacio ng Aranjuez. Nuon nabalitaan ni Carlos 4 na humihingi ng tulong ang anak niya, si Fernando 7, kay Napoleon upang alisin si Godoy sa tungkulin. Sapilitang nagbitiw si Carlos 4 bilang hari ng España nuong Marso 26, 1808, upang masagip ang favorito niyang ministro. Nilinlang ni Napoleon ang mag-ama at, nang magkaharap silang 3 sa Bayonne, France, pinagbitiw kapwa upang mahirang na hari ng España ang kuya niya, si Joseph Bonaparte. Napigilan lamang ng mga alalay subalit ilang ulit tinangka ni Carlos 4 na gulpihin ang anak, si Fernando 7, habang bihag silang mag-ama ni Napoleon sa France. Nuong 1814, natalo rin sa wakas si Napoleon ng nagkamping hukbo ng England at Prussia (naging bahagi ng Germany pagkatapos). Hindi na nagbalik sa España si Carlos 4 at, gamit ang pension mula kay Napoleon, nanatili na lamang siya sa piling ng kanyang asawa at ni Godoy buong buhay. Namatay siya sa bayan ng kanyang asawa, sa Napoli (Naples), Italia, nuong Enero 19, 1819.
Joseph Bonaparte 15. Joseph Bonaparte (1768-1844). Kuya siya ni Napoleon Bonaparte, ang unang emperador ng France. Isinilang siya nuong Enero 7, 1768 sa Corte, sa pulo ng Corsica sa dagat Mediterranean sa silangang timog (southeast) ng France. Naging abogado at embajador (diplomat) siya bago siya hinirang ng kapatid na hari ng Napoli, sa Italia, nuong 1806 hanggang 1808. Nuong 1808 hanggang 1813, hinirang siya uli ni Napoleon na hari naman ng España.

Duon, tinawag siyang Pepe Botella (Joe Bottle) ng mga Español dahil madalas siyang lasing. Ang mga taga-France na sundalo niya ay tinawag na Josephinos. Nuong Mayo 2, 1808, nag-aklas ang mga taga-Madrid at marahas na pinuksa sila ng malaking hukbo ng France na pinamunuan ni Joseph Bonaparte. Ito ang simula ng 6 taon ng himagsikan sa España, tumagal hanggang 1814 nang, sa tulong ng hukbo ng England, napalayas sa wakas ang hukbo ng France.

Tumakas si Joseph Bonaparte sa America at nanirahan nang 17 taon sa Bordentown, sa New Jersey. Namatay siya sa Florencia, sa Italia, nuong Julio 28, 1844.

BAGAMAN at kinamuhian ang kanyang pamahalaan ng mga Español, at nawasak ang hanapang-buhay (economy) sa matagal na digmaan, siya naman ang unang nagpasok ng makataong paghahari (constitutional government) at simula ng democracia sa España. Katunayan, nagbuo ng pamahalaang bayan (popular government) ang mga naghihimagsik sa España nuong 1810 sa Cadiz. Kasama ang Pilipinas sa mga naanyayahan at nagpadala ng mga kinatawan (deputados, congressmen) para sa Cortes (congreso, parliament) sa Cadiz, ang kauna-unahang Batasang Bayan sa kasaysayan ng España.

Sinamantala ng mga sakop (colonies) sa America at naghimagsik upang makalaya. Dala ng pagka-abala sa digmaan sa Europe at ng kahinaan ng España, nagwagi ang mga himagsikan at tumiwalag ang mga sakop mula sa kaharian. Kabilang ang Mexico, na dati-rating tumutustos sa pamahalaan sa Manila. Nang muling naluklok ang hari sa España, walang nalabi sa mga sakop ng España maliban sa Cuba, Puerto Rico at Pilipinas.

TALAGA namang bihira napansin ang Pilipinas, nasa kabila ng daigdig at walang yamang idinadagdag sa kaharian, kaya kaunting balam lamang ang nadama mula sa mga digmaan ng España maliban sa

  1. Lubusang Mexico na lamang ang nagpadala ng barko, salapi at tauhan sa Pilipinas, at
  2. Lalong sinarili ang kapangyarihan ng mga Español sa Manila at ang mga frayle sa kani-kanilang paroco, dahil laging abala ang Madrid.
Mapayapa at maunland ang paghahari ni Fernando 6 nuong 1746-1759 subalit lalong nakaligtaan ang Pilipinas nang nabaliw (insane) siya, tulad ng kanyang ama, mula nuong 1754.

Makabago at makatao ang sumunod na hari, si Carlos 3, tinangka pang palawakin ang pagpalit ng mga katutubong pari sa mga paroco ng mga frayleng Español, at itaguyod ang kapakanan ng mga magsasaka at karaniwang mamamayan (citizens), sa España at sa mga sakop, pati na sa Pilipinas, subalit nabigo siya sa pakana ng mga Español sa Manila at ng mga frayle sa kanila mga paroco sa kapuluan. Kahit na matapos niyang iutos nuong 1767 na palayasin ang mga frayleng Jesuit sa España at mga sakop, pati na sa Pilipinas.

Natigil ang pagbabago ni Carlos 3 sa Pilipinas nang nasangkot uli ang España sa 7 taon ng digmaan (Seven Years’ war) nuong 1757-1763, dahil sa paulit-ulit na salpukan sa dagat laban sa Britain na patuloy na umaagaw sa mga sakop at kalakal ng España sa America. Natalo at nalagas ang mga sakop ng España sa hilagang (north) America - ang Florida at ang malawak na Louisiana territory.

Nagwagi, subalit mas malaki ang nawala sa Britain nang nagkaisa ang mga taga-hilagang America, ang ginamit nilang sundalo sa digmaan, at naghayag nuong 1776 ng pagsasarili (independence) bilang United States, ang pangyayari na lubusang bumalam sa Pilipinas nuong sumunod na sandaang taon (19th century).

KAIBA sa ibang digmaan ng España, nabagabag ang Pilipinas nang salakayin at sakupin ng hukbo ng Britain ang Manila at karatig nuong 1762-1764, ang tanging panahon nawala ang kapangyarihang Español sa kapuluan sa luob ng 200 taon. Sinamantala ng mga taga-Pangasinan upang maghimagsik sa pamumuno ni ‘Palaris’ Pantaleon Perez, at ng mga taga-Ilocos ni Diego Silang.

Ang huling digmaan ng España, nuong katapusang ng ika-18 sandaang taon, ay bahagya lamang naramdaman sa Pilipinas ngunit ang mga naganap sa Europe at America pagkatapos ang naghatid sa kapuluan sa gulo at dahas sa huling sandaang taon ng Español sa Pilipinas.

Nang naghimagsikan sa France nuong 1793, nakipagdigmaan ang España at Britain at lumusob sa France ngunit kapwa nagapi. Nakipag-payapa ang España at kumampi na sa France nuong 1795, laban sa Britain. Naging hari si Napoleon Bonarte sa France nuong 1799, at niyaya niya ang España sa pagsakop sa Portugal. Inunahan sila ng Britain at dinurog ang nagkamping hukbong dagat ng France at España sa Trafalgar nuong 1805. Tinalo rin ang magkasamang hukbo ng France at España na lumusob sa Portugal nuong 1807. Upang hindi masakop ng Britain, sinakop ng France ang España nuong 1808 at binihag ang hari. Nagtatag si Napoleon ng pamahalaan sa Madrid, sa ilalim ng kanyang kapatid, si Joseph Bonaparte, na hinirang niyang hari ng España.

Durog ang hukbong dagat (navy), wasak ang sandatahan (army) at naglaho pati ang kaharian, lubusang nanghina ang España. Nagsamantala at naghimagsik ang mga sakop ng España sa America - Argentina, Peru, Mexico, Chile, Paraguay, Bolivia at Uruguay - at isa-isa silang nakalaya sa mga sumunod na taon. Libu-libong frayle at mga Español na napalayas sa mga bayang iyon ay dumayo sa Manila upang maghanap ng makakain.

Kaya sa halip na lumaya, lalong naghigpit ang buhay sa Pilipinas at dahil wala nang hari na sumupil sa kanila, naging sukdulang malupit ang pagsamantala ng mga Español sa mga Pilipinong tinawag nilang ‘indio.’

MGA  ARSOBISPO  NG  PILIPINAS,  1794 - 1898

11. Dr. Diego Camacho y Avila, 1697 - 1706. Secular na pari, hindi frayle. Taga-Badajoz, isang pinuno siya sa simbahan duon nang mahirang na arsobispo ng Manila nuong Agosto 19, 1696 at itinanghal siya sa La Puebla, sa Mexico, bago siya nagtungkulin sa Manila nuong Septiembre 13, 1697. Napahamak siya sa mga pinuno sa Madrid dahil tinanggap niya ang sugo ng Pope (papal legate), si Tournon. Kinalaban din siya ng lahat ng mga frayle sa Pilipinas dahil ipinilit niya ang visitacion episcopal upang mapamahalaan ang mga frayle.

Tinangka rin niyang iluklok ang mga secular na pari sa mga paroco ngunit

nabigo dahil kaunti lamang ang mga pari nuon at ang mga frayle ang umari sa mga vacanteng simbahan. Pinagbuti niya ang cathedral sa Intramuros, gumastos ng mahigit 40,000 piso. Itinatag din niya ang seminario de San Clemente na tumanggap sa mga hindi-Español na nais mag-pari.

Dahil sa maraming away at sumbong laban sa kanya, ipinalipat siya ng hari ng España sa Mexico at hinirang na obispo sa Guadalajara nuong Marso 14, 1706. Namatay siya nuong 1712 at, ayon sa kanyang huling habilin, ipinag-misa siya ni Diego de Gorospe Ysla, obispo ng Nueva Segovia sa Ilocos, sa cathedral sa Intramuros nuong Octobre 23, 1713.

Vacante, walang arsobispo, 1706-1707. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.
12. Francisco dela Cuesta, 1707 - 1724. Frayleng San Geronimo (Saint Jerome). Taga-Colmenar, malapit sa Madrid. Dalubhasa sa pag-aral ng pagsamba (master of theology) at tagapag-catechismo (preacher) sa hari ng España, nahirang siyang arsobispo ng Manila nuong 1706 at itinanghal (consecrated) sa Mexico nuong Agosto 12, 1707. Bilang arsobispo, pilit niyang tinupad ang utos ni Pope Clement 11 na pamahalaan ang mga frayle sa pamamagitan ng visitacion episcopal ngunit kinalaban siya ng mga frayle at napilitan siyang maghintay nang manawagan ang mga ito sa Rome.

Nakalaban din ni Cuesta ang governador ng Pilipinas nuon, si Fernando Bustamante. Nang kampihan at ipagtanggol ni Cuesta ang isang na pinuno ng Manila na inuusig ni Bustamante, ipinakulong ng governador ang arsobispo sa Fuerza (fort) Santiago sa Intramuros. Nuong gabing iyon, Octobre 11, 1719, naghimagsik ang mga frayleng Dominican, Franciscan at Augustinian at, hawak ang mga sulo, hinikayat ang mga taga-Intramuros na pulos Español, na lusubin ang governador. Nagtakasan ang mga sundalo

sa palacio at walang nagtanggol sa natutulog na governador. Pinatay ng mga frayle si Bustamante at ang anak niyang lalaki, bago sumugod ang mga frayle sa Fuerza Santiago upang palayain si Cuesta.

Kinabukasan, hinirang ni Cuesta ang sarili na pansamantalang governador ng Pilipinas at halos 2 taon siyang nanungkulan, kahit na 2 ulit siyang ipinasiyasat ng hari ng España, dahil walang pinuno sa Manila na nais pumalit sa kanya bilang governador. Nang namatay ang 3 obispo sa Pilipinas, sa Cebu, Nueva Segovia sa Ilocos at Nueva Caceres sa Bicol, walang pumalit at nanatiling vacante habang governador si Cuesta.

Sa wakas, nuong Julio 25, 1721, pinaalis ng hari ng España si Cuesta mula sa Pilipinas dahil sa pagpatay kay Bustamante. Inilipat siya sa Mexico, bilang obispo ng Mechoacan duon nuong Abril 18, 1724. Pagkaraan lamang ng mahigit 1 buwan, namatay siya duon nuong Mayo 30, 1724, sa gulang ng 63 taon. Inilibing siya sa simbahan duon.

NANG mag-governador ng Pilipinas si Bustamante nuong 1717, tinupad niya ang utos sa kanya ng hari ng Españal na ayusin ang pagkalugi ng pamahalaan sa Manila. Nagtagumpay siya. Matapos lamang ng 6 buwan, nagkaruon ng mahigit 220,000 piso ang Manila at nuong Febrero 1, 1718, ang halaga ay humigit sa 293,400 piso. Marami pang mga alahas at mamahaling ari-arian na inilit mula sa mga hindi nagkabayad ng utang o buwis.

Ngunit ang tagumpay ay nakamit sa pagkakaruon ng maraming kaaway, halos lahat ay pinuno o makapangyarihan sa Manila, dahil sa lupit at dahas na ginamit ni Bustamante, - sinamsam ang mga dala ng galleon mula sa Acapulco, Mexico, na ipinuslit upang huwag magbayad ng buwis, malaking halaga sapagkat halos lahat sa Manila ay gumagawa nito.

Ipinasiyasat niya at ipinasulat kina Andres Fernandez de Arquiju at Esteban Hizguino, 2 pinuno sa Manila, lahat ng mga ari-arian sa Manila upang singilin ang buwis at bayad ng mga may utang sa kaharian. Lumitaw sa pagsiyasat na malaking salapi ang naglaho nuong pansamantalang governador si Jose Torralba kaya ipinakulong niya sa Fuerza Santiago.

Sa dami ng ipinapiit ni Bustamante, nawalan ng tao sa Audiencia Real. Nakapiit din sina Julian de Velasco at Francisco Fernandez Toribio. Si Gregorio Manuel de Villa na lamang ang nalabi bilang unkat-yaman (auditor) ngunit tumalilis siya sa takot na ikulong din siya ni Bustamante, at nanahimik sa convento de Nuestra Senora de Guadalupe, 10 kilometro mula sa Manila. Napilitan si Bustamante na ibalik sa tungkulin si Torralba kahit na ito ay naka-residencia pa.

Dahil kasapakat halos lahat ng Español sa Manila sa mga palusot at paglaho ng salaping bayan, napuno ang mga simbahan at convento ng mga nagtatago sa pagsiyasat, at pagsingil, ni Bustamante. Isa na rito si Antonio de Osejo y Vazquez, isang notario publico na nagtago sa cathedral, dala-dala ang lahat ng kanyang mga kasulatan. Pinilit ni Bustamante si Arsobispo Cuesta na palabasin si Vazquez upang isuko ang mga kasulatan ng mga pag-aari ng mga taga-Manila, ngunit ibinitin ng arsobispo at pinaghintay siya. Kasangkot ang mga frayle sa Manila sa mga pagkupit at pag-ari ng mga lupa na hindi batid sa Madrid. Nang ulitin ni Bustamante ang kanyang utos, isinagot ni Cuesta ang payo ng mga pinuno ng mga frayle na pinulong ng arsobispo, na hindi maaaring isuko ang karapatan ng sanctuario ni Vazquez at ng mga iba pang nagtatago sa simbahan. Tapos, itinawalag ni Cuesta mula sa simbahan (excommunicated) si Torralba dahil tumutulong kay Bustamante. Pinasugod pa ng arsobispo ang 2 frayle sa bahay ni Torralba upang pangaralan ito subalit, hawak ang espada, itinaboy sila ni Torralba.
Kinabukasan, Octobre 11, 1719, ipinadakip ni Bustamante si Cuesta at ang 2 frayleng pinasugod niya. Dahil ayaw lumakad ng arsobispo, binitbit siya sa kanyang upuan ng mga sundalo at ikinulong sa Fuerza Santiago. Nuong gabing iyon, nagsapakat ang mga frayleng Franciscan, Dominican, Augustinian at Recollect at nilusob nila ang palacio ng governador, dala-dala ang mga sulo at hagdan upang akyatin ang bakod. Sinalihan sila ng mga nagtatago sa mga simbahan at convento. Takbuhan sa takot ang mga sundalo ni Bustamante at nag-iisa siyang lumaban sa mga nag-aklas.

Nadaig siya ng marami, binali ang kanang brazo niya at tinaga siya sa ulo ng espada. Bumagsak ang governador, agaw-buhay. Dumating ang anak na

lalaki ni Bustamante, isang pinuno sa sandatahang Español at, gamit ang espada, tinangkang saklolohan ang governador ngunit dinumog siya ng mga nag-aklas at iniwang nakahandusay, agaw-buhay din. Hinubaran ang namamatay na mag-ama at kinaladkad - sinaksak 2 ulit sa dibdib ang governador - sa kulungan sa ilalim ng palacio. Duon namatay si Bustamante at ang kanyang anak.

Matapos maging governador si Arsobispo Cuesta simula kinabukasan, pinabalik sa Mexico ang 6 nalalabing mga anak ni Bustamante. Siniyasat ni Cuesta ang aklasan at sa pahayag na ipinadala niya sa Madrid pagkatapos, isiniwalat nilang masamang tao si Bustamante.

Vacante, walang arsobispo, 1724-1728. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon. Nagpatayo ng tahanan para sa mga ulilang batang babae (orphan girls).

13. Dr. Carlos Bermudez Gonzalez de Castro, 1728 - 1729. Secular na pari, hindi frayle. Taga-Pueblo delos Angeles sa Mexico, licenciado siya at dalubhasa sa batas (doctor of laws). Nagturo siya ng mga atas simbahan (professor of canons) sa universidad de Mexico at katulong sa Inquisition, ang pag-usig sa mga ayaw sumunod sa catholico ng Mexico. Hinirang siyang arsobispo ng Manila nuong 1722 at itinanghal nuong Junio 17, 1725 ngunit nabinbin nang 3 taon pa sa Mexico dahil walang barko patungong Pilipinas. Marso 27, 1728 na nang naglayag siya sa Acapulco at dumating sa Manila nuong Julio 29, 1728. Nagsimula siyang manungkulan nuong Agosto 15, 1728 at naka-away ang governador nuon, si Jose Cosio, tungkol sa colegio de San Felipe. Nagkasakit siya nuong Octobre 5, 1729, at namatay nuong sumunod na Noviembre 13, sa gulang ng 62 taon. Inilibing siya nuong Noviembre 18, 1729, ngunit ang puso niya ay dinala sa convento ng San Lorenzo sa Mexico, ayon sa kanyang huling habilin.

Vacante, walang arsobispo, 1729 - 1737. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

14. Juan Angel Rodriguez, 1737 - 1747. Trinitarian, nakilala siya sa pagkabuti, hinahon at mapagmahal. Isinilang siya sa Medina del Campo. Nagdalubhasa siya sa aralin ng pagsamba (master in sacred theology) at nanungkulan sa ilang cathedral sa España. Nagturo (professor) siya sa mga universidad ng Salamanca at Alcala nang mahirang na tagapag-kumpisal (confesor) ni Diego Morcillo Rubio de Aunon, arsobispo ng Lima, Peru, sa South America. Dumating siya sa Lima nuong Abril 17, 1731. Pagkaraan ng 1 buwan, nahirang siyang arsobispo ng Manila nuong Mayo 18, 1731.

Napilitan siyang manatili sa Lima nang halos 5 taon, hanggang Enero 2, 1736 dahil walang barko na pinapayagang pumunta sa Acapulco, Mexico. Abril 17, 1736 na nang makaalis siya sa Acapulco at lumapag sa Samar nuong sumunod na Agosto 30. Mahigit 1 buwan bago siya nakarating sa

Nueva Caceres sa Camarines nuong Octobre 4. Itinanghal siya ni Felipe de Molina, ang obispo duon, nuong Noviembre 23, 1736.

Sa wakas, dumating siya sa Manila nuong Enero 24, 1737. Pinag-igi niya ang pag-awit sa cathedral, sinimulan ang pagkanta ng Gregorian chant. Ipinagbawal niya ang procession sa gabi at iniba niya ang iba’t ibang fiesta.

Ipinagtanggol niya ang isang fiscal na inusig ng governador nuon, si Fernando Valdez. Nagkukubli ang fiscal sa convento ng mga Recollect nang himukin siya ni Rodriguez na sumuko sa isang harapang pag-usig (fuerza) at magtiwala sa awa ng governador. Subalit malupit na pinarusahan ng governador ang fiscal. Sinisi ng arsobispo ang sarili at ang dalamhati ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay nuon 1747.

Vacante, walang arsobispo, - 1747. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

15. Pedro de Santisima Trinidad Martinez de Arrizala, 1747 - 1755. Frayleng Franciscan. Taga-Madrid. Naging kasapi siya ng Audiencia Real ng Quito, sa Peru, South America, at ng consejo de Indias (council of the Indies) bago siya nag-frayle. Itinanghal (consecrated) siya sa España bilang arsobispo ng Manila at dumating siya sa Pilipinas nuong Agosto 27, 1747. Nuong nasa España pa, humingi siya at binigyan ng pahintulot na paalisin ang mga Intsik mula sa Pilipinas ngunit hindi niya pinairal ito sa Manila dahil sa pakiusap ni Juan Arrechederra, frayleng Dominican, obispo sa Nueva Segovia sa Ilocos, at pansamantalang governador ng Pilipinas nuon. Ang mga Dominican ang namamahala sa mga Intsik sa Pilipinas nuon. Nuong napalitan si Arrechederra ng bagong governador, si Jose Francisco de Obando, ibinigay niya ang utos ng hari na palayasin ang mga Intsik ngunit hindi siya pinansin ni Obando dahil marami at palagi ang pag-aaway nilang dalawa. Pati ang kapalit ni Obando, si Manuel de Arandia, ay naging kaaway ni Arrizala. Namatay siya nuong Mayo 28, 1755.
PINURI ni Ferdinand 6, hari ng España, si Pedro Enriquez, ungkat-yaman ng Audiencia Real sa Manila nuong Noviembre 7, 1751, dahil napatigil niya ang aklasan ng mga Pilipinong magsasaka sa paligid ng Manila - sa Taguig, Hagonoy, Parañaque, Bacoor, Cavite el Viejo (Kawit ngayon) at iba pang katabing nayon.

Naghimagsik sila, ulat ni Ferdinand 6 sa kanyang liham, dahil ninakaw ang kanilang mga lupa ng mga frayle sa pamamagitan ng pandaraya, kasabwat

ang mga pinuno ng pamahalaan sa Manila. Kinampihan ni Ferdinand 6 ang pag-ilit ni Enriquez ng mga lupa upang ibalik sa mga tao. Siniyasat din niya ang mga titulo ng lupa na hawak ng mga frayleng hacenderos at pinatatag ang hangganan ng kanilang mga lupain.

Inutos ni Ferdinand 6 sa Audiencia na alagaan ang kapakanan ng mga tao, at ipaalam sa kanila na kapag may suliranin sila laban sa mga frayle, sa halip na maghimagsik, dapat silang humingi ng tulong sa Audiencia.

Vacante, walang arsobispo, 1755-1759. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

16. Manuel Antonio Rojo del Rio y Vieyra, 1759 - 1764. Taga-Tula, sa Mexico, hinirang siyang arsobispo ng Pilipinas nuong 1758 at dumating sa Manila nuong Julio 22, 1759. Tinangka niyang agawin ang pamahalaan ng Pilipinas mula kay Miguel Lino de Ezpeleta, obispo ng Cebu at pansamantalang governador nuon, ngunit lumaban ito.

Nuong Julio 1761 lamang, nang dumating ang utos mula sa hari ng España, naging governador ng Pilipinas si Rojo. Binura niya agad ang paratang ni Ezpeleta laban kay Santiago Orendain, ang alagad ni Pedro Manuel de

Arandia Santisteban, ang dating governador. Nilusob ang Manila at pinagka-kanyon ng sandatahang dagat (navy) ng Britain nuong Octobre 1762 dahil sa Seven Years’ War sa Europe nuon laban sa España at France. Pinaratangan na duwag si Rojo dahil isinuko niya ang Manila.

Hinayaan siya ng mga British na manatiling governador ngunit naging bihag siya hanggang namatay nuong Enero 30, 1764. Binigyan siya ng marangal na libing bilang governador ng mga British. Tapos na ang digmaan sa Europe, umalis ang mga British nuong Abril 1764.

Vacante, walang arsobispo, 1764-1767. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

PINALAYAS ni Carlos 3, hari ng España, ang mga frayleng Jesuit nuong 1767 mula sa España at lahat ng sakop ng kaharian, pati sa Pilipinas. Inilit lahat ng kanilang ari-arian, lupain at mga convento. Inutos din ng hari na alisin ang lahat ng mga frayle sa mga paroco at palitan ng mga secular na pari, na higit na masunurin sa mga utos ng hari. Hangad ng hari na ipailalim sa pamahalaan ang mga frayle at ang kanilang mga lipunan, at bawasan ang kanilang kapangyarihan. Nasunod ang mga utos ng hari sa mga sakop sa America at napalitan ng mga pari ang mga frayle duon, ngunit mahigpit na kinalaban ito ng mga frayle sa Pilipinas. Hinadlangan nila ang pagiging frayle ng mga Pilipinong indio at mestizo. Pati ang pagiging secular na pari ng mga ito ay kinalaban nila upang walang maipalit sa kanila sa mga paroco, gaya ng nais gawin ng mga arsobispo ng Manila.
17. Basilio Santa Justa y Sancho de Rufina, 1767 - 1787. Taga-Aragon, sa España. Mautak, matapang at malapit sa hari ng España, si Carlos 3. Nahirang siya nuong 1767, itinanghal (consecrated) sa España at dumating sa Manila nuong taon ding iyon. Agad siyang nanungkulan, pinaganda ang cathedral sa Intramuros, at nag-sermon ng 9 araw laban sa lahat ng bisyo (vicios, vices).

Nanguna siya sa paglitis ng obispo ng Nueva Caceres at hinatulan itong manatili at huwag lumabas sa Nueva Caceres. Siya ang arsobispo nang palayasin mula sa Pilipinas ang mga frayleng Jesuit. Si Santa Justa, sa lahat ng naging arsobispo ng Manila, ang pinaka-masugid sa pagpapasunod sa mga frayle sa atas (papal bull) ni Pope Benedict 14 nuong Noviembre 6, 1744. na pumailalim sa arsobispo lahat ng mga frayleng catholico.

Inutos ng governador nuon, si Jose Raon, sa lahat ng mga frayle na tanggapin at sunurin si Santa Justa ngunit hindi siya pinansin ng mga ito at kinalaban ang pagsiyasat (episcopal visit) ng arsobispo. Ang mga frayleng

Dominican lamang ang nadalaw ni Santa Justa nuong 1768, at mabilis niyang nilagyan ng mga secular na pari ang mga bakanteng paroco sa teritorio ng mga Dominican - sa Parian at Binondo sa labas ng Intramuros, at sa lalawigan ng Bataan.

Nagsiklab ang mga Dominican at iba pang mga frayle at nagsumbong sa hari sa España. Pati si Governador Raon ay nahimok at kumampi na rin sa mga frayle. Napilitan si Santa Justa na magpasugo rin sa Madrid nuong Mayo 10, 1768 upang kalabanin ang habla ng mga frayle. At nang dumating ang bagong governador, si Simon de Anda, humingi ng tulong sa kanya si Santa Justa. Kinampihan naman siya ni Anda, inutos nuong Noviembre 9, 1774, na secular na pari, hindi frayle, ang iluklok sa vacanteng paroco.

Nuong Mayo 18, 1771, tinawag ni Santa Justa ang mga pinuno ng frayle sa Manila upang usigin at litisin ang mga obispo ng Cebu, Nueva Caceres at Nueva Segovia. Nagpulong sila nang 6 ulit subalit walang nangyari. Namatay si Santa Justa sa Manila nuong Deciembre 15, 1787.

Vacante, walang arsobispo, 1787-1789. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

IPINAGTAPAT ni Francisco Leandro de Viana, isang ingat-yaman (auditor) ng hari sa Manila, nuong 1766 na 250,000 piso ang buwis na ibinabayad ng mga tao sa mga Español taon-taon. At lahat ay napupunta sa mga simbahan. Pinagbabayad pa raw ang mga tao sa anumang servicio sa simbahan. Inulat niya sa hari ang iba pang pinagkikitaan ng mga frayle.

Walang napupunta sa pamahalaan sa Manila, kaya kailangan pang tustusan mula sa Mexico ang gastos ng mga pinuno at hukbong Español sa Pilipinas taon-taon. Gayun pa man, kulang ang sandatahan sa kapuluan kaya marami ang walang laban sa pandarambong ng mga moro (muslims).

Upang malunasan ang pagkalugi ng pamahalaan, iminungkahi ni Viana na

sarilinin (monopolize) ng pamahalaan ang kalakal ng mga karaniwan gamit at pang-aliw ng mga tao, gaya ng tabako (tobacco), alak at sabong (cockfighting).

Pagkaraan ng 15 taon, nuong 1781, itinatag ni Jose Basco, governador ng Pilipinas nuon, ang pagsarili ng pamahalaan sa kalakal (monopoly) ng tabako sa Pilipinas. Nuong 1807, nang pansamantalang governador si Mariano Folgueras, kalakal ng basi naman ang sinarili ng pamahalaan.

Sa kabila ng lahat ng ito, kinailangan pa rin ang taon-taong tustos mula sa Mexico, sa pamamagitan ng galleon trade. Ang sabong at iba pang sugal ay hindi sinaklaw ng mga Español.

18. Antonio de Orbigo y Gallego, 1789 - 1790. Frayleng Franciscan. Isinilang siya sa Leon, España nuong 1729. Nag-frayle siya sa Priego at nagtungo sa Pilipinas nuong 1759. Nagbalik siya sa España at naging pinuno (procurator) ng mga Franciscan duon. Nahalal siyang obispo ng Nueva Caceres sa Camarines, Bicol nuong 1779, at nagbalik siya sa Pilipinas nuong 1780. Napili siyang arsobispo ng Manila nuong 1789 at nanungkulan simula nuong Octobre 16, 1789. Nilakbay at dinalaw niya isa-isa ang mga paroco sa Manila at minsan, muntik nang mabihag ng mga moro (muslim) sa tabi ng Manila. Namatay siya nuong Mayo 15, 1790 sa Santa Ana at inilibing sa simbahan ng Franciscan sa Intramuros kinabukasan. Mahinahon at marunong, pangkaraniwan ang mga hilig niya. Wala siyang naging kaaway.

Vacante, walang arsobispo, 1790-1794. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

19. Ignacio Salamanca, hindi nakapag-tungkulin. Taga-Manila at pinuno (dean) ng cathedral sa Intramuros, nahirang siyang obispo ng Cebu nuong Septiembre 28, 1789, at nanatili sa Cebu simula nuong 1794. Nahirang siyang arsobispo ng Manila ngunit namatay siya sa Cebu nuong Febrero 1802, bago pa nakarating ang balita sa kanya.

Vacante, walang arsobispo, 1794 - 1804. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang nanatiling tagapamahala mula nang mamatay si Arsobispo Orbigo hanggang pagdating ni Zulaibar dahil hindi kailanman nagkapag-tungkulin si Salamanca.

MGA  GOVERNADOR  GENERAL  NG  PILIPINAS,  1793 - 1898

33. Fausto Cruzat y Gongora, Julio 1690 - Deciembre 8, 1701. Magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), isinilang siya sa Navarra sa kilalang familia mula sa Pamplona. Hinirang siya ng hari nuong Enero 15, 1686, at dumating sa Manila nuong Julio 19, 1690. Naglabas siya ng mga kautusan sa pagbubuti ng pamamahala sa Pilipinas nuong Octobre 1, 1696. Ipinakumpuni niya ang palacio ng governador sa Intramuros. At tulad sa halos lahat ng mga naging governador general, nakipag-tunggali siya sa arsobispo at mga frayle sa Manila.
34. Domingo Zabalburu de Echevarri, Deciembre 8, 1701 - Agosto 25, 1709. Isang pinuno sa sandatahang Español at magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), nahirang siya nuong Septiembre 18, 1694 at dumating sa Manila nuong Deciembre 8, 1701. Inasikaso niya ang pagpapagawa ng mga lansangan at tulay. Nuong Septiembre 1704, tinanggap niya sa Manila si Carlos Tomas Maillard Tournon bilang sugo ng Pope (papal legate) kahit na wala itong dalang mga kasulatang patibay (official credentials). Dahil dito, pina-alis siya sa tungkulin ng hari ng España, si Felipe 5, at bumalik siya nuong 1710 sa España na abala nuon sa digmaan laban sa England at Austria.
35. Martin de Urzua y Arismendi, Agosto 25, 1709 - Febrero 4, 1715. Conde ng Lizarraga at magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), hinirang siya ng hari ng España nuong Agosto 19, 1704 ngunit 5 taon bago siya dumating sa Manila, nuong Agosto 25, 1709. Ipinatapon niya ang mga Intsik mula sa Manila. Nagkaruon ng sigalot ang mga frayleng Recollect sa ibang mga frayle. Namatay siya nuong Febrero 4, 1715.
36. Jose Torralba, Febrero 4, 1715 - Agosto 9, 1717. Pansamantalang governador dahil sa biglang pagkamatay ni Urzua. Ang Audiencia Real ang namahala sa Pilipinas habang si Torralba ang namuno sa sandatahang Español sa kapuluan. Ipinagawa niya ang mga lansangan at gusali. Ipinadakip siya ng pumalit na governador, si Fernando Bustamante, dahil sa pagkupit sa salapi ng bayan (graft and corruption), at hinatulan ng consejo de indias (Council of the Indies) sa España na ipatapon mula sa Manila at sa Madrid. Namatay siyang pulubi sa Pilipinas.
37. Fernando Manuel de Bustillo Bustamante y Rueda, Agosto 9, 1717 - Octobre 11, 1719. Tinawag na mariscal (marshal) dahil siya ang unang mariscal de campo na naging governador ng Pilipinas. Dating alcalde mejor (provincial governor) ng Trascala, sa Mexico, hinirang siya ng hari ng España nuong Septiembre 6, 1709 upang ayusin ang gulo at ang paghihikahos sa Pilipinas.

Dumating siya sa Manila nuong Agosto 9, 1717 at mabilis na isinaayos ang pamahalaan ng Pilipinas at itinatag uli ang kuta (fuerza, fort) sa

Zamboanga.

Nakalaban niya ang mga frayle at ang arsobispo sa Manila nuon, si Francisco dela Cuesta, at pinatay siya ng mga frayle nuong gabi ng Octobre 11, 1719 sa Intramuros. Ang pinuno ng mga kaaway niya, si Cuesta, ang pumalit sa kanya bilang governador.

(Nakahayag sa itaas ang kasaysayan ng pagpatay kay Bustamante,
sa huling bahagi ng saysay ukol kay Arsobispo Francisco dela Cuesta.)

38. Francisco dela Cuesta, Octobre 11, 1719 - Agosto 6, 1721. Frayleng San Geronimo. Arsobispo siya sa Manila nang ipadakip siya ng governador ng Pilipinas nuon, si Bustamante, at ipiniit sa Fuerza Santiago (Fort of Saint James) sa Intramuros. Nag-aklas ang mga frayle nuong gabing iyon at sinalakay ang governador. Pagkatapos patayin si Bustamante, pinakawalan ng mga frayle si Cuesta at hinirang siyang pansamantalang governador sapagkat walang pinuno sa Manila na nais mag-governador dahil kakalabanin niya. Inilipat siya ng hari sa Mexico at hinirang na obispo sa Mechoacan nuong Abril 18, 1724, mahigit lamang 1 buwan bago siya namatay nuong Mayo 30, 1724.
39. Toribio Jose Cosio y Campo, Agosto 6, 1721 - Agosto 14, 1729. Marques ng Torre Campo at magiting ng Lipunan ng Calatrava (knight of the Order of Calatrava). Dating governador siya ng Guatemala, sa South America. Hinirang siya ng hari ng España nuong Junio 30, 1720 bilang governador ng Pilipinas.

Nuong Octobre 6, 1720, inutusan siya ng Madrid na siyasatin ang pagpatay

kay Governador Bustamante ngunit pagdating sa Manila nuong Agosto 6, 1721, sinuway niya ang utos ng hari. Inutusan siya uli ng hari nuong 1724 ngunit hindi niya uli sinunod, ayon sa payo ng mga frayleng Jesuit at ni Sebastian de Totanes, isang frayleng Franciscan.

Madalas lumusob ang mga moro (muslims) sa mga sakop ng Español nuong governador siya.

40. Fernando Valdez y Tamon, Agosto 14, 1729 - Julio 1739. Coronel ng hukbong Español at magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), hinirang siya ng hari ng España nuong Octobre 25, 1727, na maging governador ng Pilipinas subalit halos 2 taon bago siya nakarating sa Manila nuong Agosto 14, 1729.

Pinabuti niya ang hukbong Español sa Pilipinas at ipinagawa ang mga lansangan. Nabigo ang tangka niyang sakupin ang kapuluan ng Palau, sa

dagat Pacific, nuong 1730 hanggang 1733. Nuong Abril 8, 1734, natanggap at pinairal niya ang utos ng hari na, sa kalakal sa America at mga kapuluan na sakop ng España, unahin ang kita ng mga Español sa Cadiz at sa Sevilla kaysa sa kalakal ng mga Intsik mula China at Manila. Tinambakan kasi ng sutla (seda, silk) mula China ang Mexico at buong South America, natakpan ang mga telang kalakal ng mga taga-España. Bumalik si Valdez sa España at nahirang na mataas na pinuno (mariscal de campo, field marshal) ng hukbong Español.
41. Gaspar dela Torre, Julio 1739 - Septiembre 21, 1745. Taga-Flanders, sa Belgium, general siya ng sandatahang Español nang nahirang na governador. Dumating siya sa Manila nuong Julio 1739 at madaling nabantog sa lupit ng pamamahala. Dahil sa digmaan ng Britain laban sa España sa Europe nuon, nilusob at binihag ni Commodore George Anson ang isang galleon ng Español, ang Nuestra Senora de Covadonga, malapit sa Pilipinas nuong Junio 20, 1743. Natalo si Capitan Jeronimo de Montero, 67 tauhan sa galleon ang napatay at 84 ang nasugatan. May 2 napatay sa mga tauhan ni Anson ngunit naiuwi niya sa Britain ang mahigit 1.3 milyon piraso ng ginto (oro, gold) at mahigit 1,000 kilo ng pilak (plata, silver) mula sa galleon. Malaking pagkalugi, naghirap nang ilang taon ang mga taga-Manila. Namatay si Torre nuong Septiembre 21, 1745.
42. Juan Arrechederra, Septiembre 21, 1745 - Julio 20, 1750. Frayleng Dominican. Taga-Caracas, nahirang siyang obispo ng Nueva Segovia sa Ilocos, at naging pansamantalang governador nuong Septiembre 21, 1745, pagkamatay ni Torre. Siya ang sumupil sa aklasan sa Batangas. Pinatibay niya ang tanggulan ng Manila at Cavite dahil sa panganib mula sa sandatahang dagat ng Britain. Nakatunggali niya ang arsobispo ng Pilipinas, si Pedro de Santisima, tungkol sa pagpatapon ng mga Intsik mula sa Pilipinas. Namatay siya nuong Noviembre 12, 1751.
43. Jose Francisco de Obando y Solis, Julio 20, 1750 - Julio 1754. Taga-Caceres sa Estremadura, naging Marques siya ng Obando at naglingkod sa consejo ng hari ng España. Nasa Lima, Peru, sa South America, siya nang natanggap niya ang pagka-governador ng Pilipinas. Dumating siya sa Manila nuong Julio 20, 1750, at naka-away ang arsobispo, si Pedro de Santisima, ang Audiencia Real ng Manila, at ang mga moro (muslims) sa Mindanao.

Ipina-residencia siya ng pumalit na governador, si Manuel de Arandia, at namatay sa dagat habang papuntang Acapulco, sa Mexico, nuong 1755.

44. Pedro Manuel de Arandia Santisteban, Julio 1754 - Mayo 31, 1759. Magiting ng Lipunan ng Calatrava (knight of the Order of Calatrava), isang pinuno (mariscal de campo) siya sa hukbong Español nang nahirang na governador. Dumating siya sa Manila nuong Julio 1754. Isinaayos niya ang hukbong Español sa Pilipinas kaya nagkaruon siya ng maraming kaaway. Ipinatapon niya ang mga Intsik na hindi catholico at ipinatayo ang alcaiceria sa San Fernando. Naka-away din niya ang arsobispo at ang Audiencia Real ng Manila. Hindi niya napatila ang paglusob ng mga moro (muslims) sa mga sakop ng mga Español. Namatay siya nuong Mayo 31, 1759.
45. Miguel Lino de Ezpeleta, Junio 1759 - Julio 1761. Tubong Manila, nahirang siyang obispo ng Cebu. Nang mamatay si Governador Arandia, hinirang niya ang sarili bilang pansamantalang governador ng Pilipinas, labag sa pahintulot ng Audiencia Real ng Manila. Agad niyang pinaratangan at hinabla si Santiago Orendain, ang alalay ni Arandia. Nang dumating ang bagong arsobispo, si Manuel Rojo, at nais agawin ang tungkulin, lumaban si Ezpeleta at nanatiling governador hanggang dumating ang utos mula sa España nuong Julio 1761 na si Rojo ang dapat governador ng Pilipinas.
46. Manuel Rojo, Julio 1761 - Octobre 1762. Taga-Tala, sa Nueva España (Mexico), arsobispo siya sa Manila nang naging pansamantalang governador ng Pilipinas nuong Julio 1761. Maagap niyang pinawalang halaga ang mga paratang kay Santiago Orendain ng governador na pinalitan niya, si Ezpeleta. Dahil sa 7 taon ng digmaan (Seven Years’ War) sa Europe, nilusob at sinakop ng sandatahan ng Britain ang Manila nuong Octobre 1762. Dahil mabilis niyang isinuko ang Intramuros, hinayaan ng mga British na manatiling governador si Rojo, ngunit ipiniit siya at nanatiling bihag hanggang namatay siya nuong Enero 30, 1764.

Sinamantala ang pagkakasakop sa Manila, nag-aklas si Diego Silang sa Ilocos, si ‘PalarisPantaleon Perez sa Pangasinan, pati ang mga Intsik.

47. Simon de Anda y Salazar, Octobre 1762 - Marso 17, 1764. Ipinanganak sa Subijana, sa España, nuong Octobre 28, 1701, nasapi siya sa Audiencia Real sa Manila at nahirang na general at pang-2 sa governador. Tumakas siya mula sa Manila nuong Octobre 4, 1762 nang lumusob ang sandatahang dagat (navy) ng Britain at sumuko si Rojo, arsobispo at governador nuon, sa mga British. Hinirang ni Anda ang sarili na governador ng Pilipinas at nagtatag ng punong himpilan (capital) sa Bacolor, Pampanga. Nakipag-digmaan at nakipag-usap siya sa mga British sa Manila, samantalang abala siya sa aklasan ng mga Intsik sa paligid ng Manila at ng mga Ilocano sa pamumuno ni Diego Silang. Hindi siya nagwagi laban sa British ngunit nang natapos ang digmaan sa Europe, sa kanya isinauli ng mga British ang Manila nuong Abril 1764.
48. Francisco Javier dela Torre, Marso 17, 1764 - Julio 6, 1765. Pinuno ng sandatahang Español, hinirang siyang pansamantalang governador nuong Marso 17, 1764 ng mga paalis na sandatahang British upang panatiliin ang payapa sa Manila. Umalis ang British nuong Abril 1764.
49. Jose Raon, Julio 6, 1765 - Julio 1770. Taga-Navarra at mariscal de campo. Dumating siya sa Manila nuong Julio 6, 1765 at siya ang governador ng Pilipinas nang dumating duon si Le Gentil nuong Octobre 1766 at si Arsobispo Santa Justa nuong Julio 12, 1767. Binago niya ang mga batas ng dating governador, si Arandia (1754-1759).

Nuong 1768, natanggap niya ang lihim na utos nuong nakaraang taon, 1767, ni Carlos 3, hari ng España, na palayasin ang mga frayleng Jesuit mula sa Pilipinas at ilitin lahat ng ari-arian at lupain nila. Sa halip, nuong sumunod na taon, 1769, pinalayas ni Raon ang mga Intsik mula sa Pilipinas.

Isang taon pa, nuong 1770, bago pinalayas ni Raon ang mga frayleng Jesuit at inilit ang kanilang mga ari-arian at lupain. Nabalitaan ni haring Carlos 3 mula sa maraming frayle na naka-away ni Raon na nakipagsabwat sa mga Jesuit si Raon, humingi at tumanggap ng suhol, at ipinagpaliban ang pagpa-palayas. Kaya nagkaruon ng 3 buwan ang mga frayleng Jesuit upang itakas ang kanilang mga yaman at itago ang mga kasulatang (documentos) mapanganib kung nakita ng hari o ng ibang mga frayle.

Sa utos ng hari, dinakip at inusig si Raon ng sumunod na gobernador ng Pilipinas subalit namatay siya nuong Julio 1770 bago nahatulan ng parusa.

50. Simon de Anda y Salazar, Julio 1770 - Octobre 30, 1776. Masigla siyang tinanggap sa Madrid pagdating nuong 1764 mula Pilipinas at hinirang siyang tagapagpayo sa Kastila (concejal de Castille, councillor of Castille). Sumulat siya nuong Abril 12, 1768 ng liham sa hari ng España, si Carlos 3, isinumbong ang mga katiwalian sa Pilipinas, lalo na ng mga frayle. Pinabalik siya ng hari sa Manila nuong Julio 1770 bilang governador at masipag niyang inusig ang dating governador, si Raon, at iba pang pinuno ng pamahalaan, at ang mga frayle. Ngitngit sa kanya ang mga ito. Pinag-igi niya ang hukbo sa Pilipinas at ipinagawa ang mga lansangan at iba pang gawaing bayan (public works). Nagpatuloy ang pandarambong ng mga moro (muslims). Inihayag niya ang utos ng hari nuong Noviembre 9, 1774, na palitan ang mga frayle sa mga paroco ng mga secular na pari ngunit palihim niyang sinalungat ito sa paniwalang nasa kamay ng mga frayle ang pagsakop ng España sa Pilipinas. Pumayag ang hari nuong Deciembre 11, 1776, binawii ang utos at nanatili ang mga frayle sa kanilang mga paroco. Namatay si Anda nuong Octobre 30, 1776, sa gulang ng 76 taon.
51. Pedro Sarrio (Soriano), Octobre 30, 1776 - Julio 1778. Isang pinuno sa pamahalaan ng Manila. Unang pagkakataon naging pansamantalang governador. Ipinagpatuloy niya ang paglusob sa mga moro (muslims). Nuong Enero 12, 1777, sa utos ng hari ng España, inutos niyang palawakin ng mga indio (tawag nuong sa mga Pilipino) ang pagtatanim ng lino (flax) na ginagawang sinulid (thread), at ng abaca (hemp) na ginagawang lubid (rope).
52. Jose Basco y Vargas, Julio 1778 - Noviembre 1787. Nagmula sa isang bantog na familia sa Granada at isang pinuno sa hukbong dagat ng España, naging governador siya ng Pilipinas mula nuong Julio 1778. Pinayagan niyang magbalik ang mga Intsik sa Manila nuong taong iyon.

Kinalaban siya ng Audiencia Real. Nang nakipagsapakat ang mga ito sa ilang pinuno ng hukbong Español, ipinadakip niyang lahat nuong Octobre 1779. Pinalaki niya ang hukbo at pinatibay ang mga tanggulan.

Nuong Febrero 9, 1780 hanggang Marso 1, 1782, itinatag niya ang pagsarili ng pamahalaan sa kalakal ng tabako (tobacco monopoly). Itinatag din niya nuong 1781 ang (Sociedad Economica de Amigos del Pais (Samahang Panghanapang-buhay ng mga Kaibigan ng Bayan, Economic Association of Friends of the Country).

Nuong 1785, sumabog ang aklasan sa Ituy at Paniqui, sa Pampanga (bahagi ng Nueva Vizcaya ngayon). Pinairal niya mula nuong Noviembre 4, 1786, ang utos ng hari ng España na sarilinin ng pamahalaan ang kalakal ng pulbura (polvora, gunpowder). Marami pa siyang ginawang pagbabago sa Pilipinas.

Sinakop niya ang kapuluan ng Batan (Batanes Islands) sa hilaga ng Luzon. Sinulsulan niya ang pagpapalawak ng mga taniman at iba pang kalakal. Ngunit dala ng masugid na pagbakbak sa kanya ng Audiencia Real, hiniling niya sa Madrid na alisin siya sa Manila. Pinahintulutan siya ng hari at nagbalik siya sa España nuong katapusan ng Noviembre 1787 at nagkamit ng mga gantimpala - nahirang siyang almirante (admiral) ng hukbong dagat, at Conde de Batanes dahil sa pagsakop sa Batanes. Ginawa siyang governador ng Cartagena, Colombia, sa South America.

53. Pedro de Sarrio (Soriano), Noviembre 22, 1787 - Julio 1, 1788. Pang-2 ulit nahirang na pansamantalang governador, pag-alis ni Basco. Siya ang governador nang mag-aklas sa Ilocos nuong 1787 dahil sa pagsarili ng pamahalaan sa kalakal ng tabako (tobacco monopoly), at nang namatay ang arsobispo, si Santa Justa, nuong Deciembre 15, 1787.
54. Felix Berenguer de Marquina, Julio 1, 1788 - Septiembre 1, 1793. Isang pinuno sa hukbong dagat ng España. Dumating siya sa Manila nuong Julio 1, 1788, at sinalungat ng Audiencia Real duon. Pina-iral niya ang utos ng hari ng España nuong Agosto 15, 1789, na buksan ang Manila sa kalakal ng lahat maliban sa ibang bayan sa Europe. Naglahad siya ng mga magpapabuti sa pamahalaan.
55. Rafael Maria de Aguilar y Ponce de Leon, Septiembre 1, 1793 - Agosto 7, 1806. Magiting ng Lipunan ng Alcantara (knight of the Order of Alcantara) at isang pinuno sa hukbo ng España, dumaong siya sa Cavite nuong Agosto 28, 1793 at nagsimula bilang governador nuong sumunod na Septiembre 1. Masipag at magilas, marami siyang ginawang pagbubuti sa Pilipinas. Pinatibay niya ang tanggulan at nagpasok ng mga katutubong Pilipino sa hukbong Español. Nagpatuloy ang pagdarambong ng mga moro (muslims). Nagpatayo siya sa Binondo ng paggawaan ng mga barkong panlaban sa mga moro. Nahirang siyang mariscal de campo ng España. Nagbitiw siya ng tungkulin sa pang-2 pinuno (segundo cabo) ng Pilipinas nuong Agosto 7, 1806 at namatay kinabukasan.

Nakaraang kabanata               Ulitin mula sa itaas               Lista ng mga kabanata               Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas               Sunod na kabanata