Ang Mga GOVERNADOR GENERAL

33. Fausto Cruzat y Gongora, Julio 1690 - Deciembre 8, 1701. Magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), isinilang siya sa Navarra sa kilalang familia mula Pamplona. Hinirang siya ng hari nuong Enero 15, 1686 at dumating sa Manila nuong Julio 19, 1690. Naglabas siya ng mga kautusan sa pagbubuti ng pamamahala sa Pilipinas nuong Octobre 1, 1696. Ipinakumpuni niya ang palacio ng governador at nakipagtunggali sa arsobispo at mga frayle sa Manila.

34. Domingo Zabalburu de Echevarri, Deciembre 8, 1701 - Agosto 25, 1709. Isang pinuno sa sandatahang Español at magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), nahirang siya nuong Septiembre 18, 1694 at dumating sa Manila nuong Deciembre 8, 1701. Inasikaso niya ang pagpapagawa ng mga lansangan at tulay. Nuong Septiembre 1704, tinanggap niya sa Manila si Carlos Tomas Maillard Tournon bilang sugo ng Pope (papal legate) kahit na wala itong dalang mga kasulatang patibay. Dahil dito, sinisante siya ng hari ng España, at nagbalik siya sa España nuong 1710.

35. Martin de Urzua y Arismendi, Agosto 25, 1709 - Febrero 4, 1715. Conde ng Lizarraga at magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), hinirang siya ng hari ng España nuong Agosto 19, 1704 ngunit 5 taon bago siya dumating sa Manila, nuong Agosto 25, 1709. Ipinatapon niya ang mga Intsik mula sa Manila. Nagkaroon ng sigalot ang mga frayleng Recollect sa ibang mga frayle. Namatay siya nuong Febrero 4, 1715.

36. Jose Torralba, Febrero 4, 1715 - Agosto 9, 1717. Ang Audiencia Real ang namahala sa Pilipinas habang si Torralba ang namuno sa sandatahang Español sa kapuluan. Ipinagawa niya ang mga lansangan at gusali. Ipinadakip siya ng pumalit na governador, si Fernando Bustamante, dahil sa pagkupit sa salapi ng bayan, graft and corruption, at hinatulan ng consejo de indias (Council of the Indies) sa España na ipatapon mula sa Manila at sa Madrid. Namatay siyang pulubi sa Pilipinas.

37. Fernando Manuel de Bustillo Bustamante y Rueda, Agosto 9, 1717 - Octobre 11, 1719. Tinawag na mariscal (marshal) dahil siya ang unang mariscal de campo na naging governador ng Pilipinas. Dating alcalde mejor (provincial governor) ng Trascala, sa Mexico, hinirang siya ng hari ng España nuong Septiembre 6, 1709 upang ayusin ang gulo at ang paghihikahos sa Pilipinas. Dumating siya sa Manila nuong Agosto 9, 1717 at mabilis na isinaayos ang pamahalaan ng Pilipinas at itinatag uli ang fuerza (fort, garrison) sa Zamboanga.

Nakalaban niya ang mga frayle at ang arsobispo sa Manila nuon, si Dela Cuesta, at pinatay siya ng mga frayle nuong gabi ng Octobre 11, 1719 sa Intramuros. Ang pinuno ng mga kaaway niyak si Dela Cuesta, ang pumalit sa kanya bilang governador.

38. Francisco dela Cuesta, Octobre 11, 1719 - Agosto 6, 1721. Frayleng San Geronimo. Arsobispo siya ng Manila nang ipadakip siya ng governador ng Pilipinas nuon, si Bustamante, at ipiniit sa Fuerza Santiago (Fort of Saint James) sa Intramuros.

Pagkatapos patayin si Bustamante, pinakawalan siya ng mga frayle at hinirang na pansamantalang governador sapagkat walang pinuno sa Manila na nais mag-governador dahil kakalabanin niya. Inilipat siya ng hari sa Mexico at hinirang na obispo sa Mechoacan nuong Abril 18, 1724, mahigit lamang 1 buwan bago siya namatay nuong Mayo 30, 1724.

39. Toribio Jose Cosio y Campo, Agosto 6, 1721 - Agosto 14, 1729. Marques ng Torre Campo at magiting ng Lipunan ng Calatrava (knight of the Order of Calatrava), dating governador siya ng Guatemala, sa South America. Hinirang siya ng hari ng España nuong Junio 30, 1720 bilang governador ng Pilipinas.

Nuong Octobre 6, 1720, inutusan siya ng Madrid na siyasatin ang pagpatay kay Governador Bustamante ngunit pagdating sa Manila nuong Agosto 6, 1721 sinuway niya ang utos ng hari. Inutusan siya uli ng hari nuong 1724 ngunit hindi niya uli sinunod, ayon sa payo ng mga frayleng Jesuit at ni Sebastian de Totanes, isang frayleng Franciscan.

Madalas lumusob ang mga Muslim (moros) sa mga sakop ng Español nuong governador siya.

40. Fernando Valdez y Tamon, Agosto 14, 1729 - Julio 1739. Koronel ng hukbong Español at magiting ng Lipunan ni Santiago (knight of the Order of Saint James), hinirang siya ng hari ng España nuong Octobre 25, 1727 na maging governador ng Pilipinas. Halos 2 taon bago siya nakarating sa Manila nuong Agosto 14, 1729. Pinagbuti niya ang hukbong Español sa Pilipinas at ipinagawa ang mga lansangan. Nabigo ang tangka niyang sakupin ang kapuluan ng Palau, sa dagat Pacific, nuong 1730 hanggang 1733. Nuong Abril 8, 1734, natanggap at pinairal niya ang utos ng hari na, sa kalakal sa America at mga kapuluan na sakop ng España, uunahin ang kita ng mga Español sa Cadiz at sa Sevilla kaysa sa kalakal ng mga Intsik mula China at Manila. Nagbalik si Valdez sa España at nahirang na mataas na pinuno (mariscal de campo) ng hukbong Español.

41. Gaspar dela Torre, Julio 1739 - Septiembre 21, 1745. Taga-Flanders, sa Belgium, general siya ng sandatahang Español nang nahirang na governador. Dumating siya sa Manila nuong Julio 1739 at madaling nabantog sa lupit ng pamamahala. Dahil sa digmaan ng Britain laban sa España sa Europa nuon, nilusob at binihag ni Commodore George Anson ang isang galleon ng Español, ang Nuestra Senora de Covadonga, malapit sa Pilipinas nuong Junio 20, 1743. Tinalo niya si Capitan Jeronimo de Montero, 67 tauhan sa galleon ang napatay at 84 ang nasugatan. May napatay din, 2 sa mga tauhan ni Anson ngunit naiuwi niya sa Britain ang mahigit 1.3 milyon piraso ng ginto at mahigit 1,000 kilo ng pilak mula sa galleon. Malaking pagkalugi, naghirap nang ilang taon ang mga taga-Manila. Namatay si Dela Torre nuong Septiembre 21, 1745.

42. Juan Arrechederra, Septiembre 21, 1745 - Julio 20, 1750. Frayleng Dominican. Taga-Caracas, nahirang siyang obispo ng Nueva Segovia, sa Ilocos, at naging pansamantalang governador nuong Septiembre 21, 1745. Siya ang sumupil sa aklasan sa Batangas. Pinatibay niya ang tanggulan ng Manila at Cavite dahil sa panganib mula sa sandatahang dagat ng Britain. Nakatunggali niya ang arsobispo ng Pilipinas, si Pedro de Santisima, tungkol sa pagpatapon ng mga Intsik mula sa Pilipinas. Namatay siya nuong Noviembre 12, 1751.

43. Jose Francisco de Obando y Solis, Julio 20, 1750 - Julio 1754. Taga-Caceres sa Estremadura, naging Marques siya ng Obando at naglingkod sa consejo ng hari ng España. Nasa Lima, Peru, sa South America, siya nang matanggap niya ang pagka-governador ng Pilipinas. Dumating siya sa Manila nuong Julio 20, 1750 at nakaaway ang arsobispo, si Pedro de Santisima, ang Audiencia Real ng Manila, at ang mga Muslim (moro) sa Mindanao. Ipina-residencia siya ng pumalit na governador, si Manuel de Arandia, at namatay sa dagat habang papuntang Acapulco sa Mexico nuong 1755.

44. Pedro Manuel de Arandia Santisteban, Julio 1754 - Mayo 31, 1759. Magiting ng Lipunan ng Calatrava (knight of the Order of Calatrava), isang pinuno (mariscal de campo) siya sa hukbong Español nang mahirang na governador. Dumating siya sa Manila nuong Julio 1754. Isinaayos niya ang hukbong Español sa Pilipinas kaya nagkaroon ng maraming kaaway. Ipinatapon niya ang mga Intsik na hindi catholico ang ipinatayo ang alcaiceria sa San Fernando. Nakaaway din niya ang arsobispo at ang Audiencia Real ng Manila. Hindi niya napatila ang paglusob ng mga Muslim (moro) sa mga sakop ng mga Español. Namatay siya nuong Mayo 31, 1759.

45. Miguel Lino de Ezpeleta, Junio 1759 - Julio 1761. Tubong Manila, nahirang siyang obispo ng Cebu. Nang mamatay si Governador Arandia, hinirang niya ang sarili bilang pansamantalang governador ng Pilipinas, labag sa pahintulot ng Audiencia Real ng Manila. Agad niyang pinaratangan at hinabla si Santiago Orendain, ang alalay ni Arandia. Nang dumating ang bagong arsobispo, si Manuel Rojo, na nais agawin ang tungkulin, lumaban si Ezpeleta at nanatiling governador hanggang dumating ang utos mula sa España nuong Julio 1761 na si Rojo ang governador ng Pilipinas.

46. Manuel Rojo, Julio 1761 - Octobre 1762. Taga-Tala, sa Nueva España (Mexico), arsobispo siya ng Manila nang maging pansamantalang governador ng Pilipinas nuong Julio 1761. Maagap niyang pinawalang halaga ang mga paratang kay Orendain ng pinalitang governador, si Ezpeleta. Dahil sa digmaan (seven years war) sa Europa, nilusob at sinakop ng sandatahan ng Britain ang Manila nuong Octobre 1762 at ipiniit si Rojo. Hinayaan siyang manatiling governador ng mga British ngunit nanatili rin siyang bihag ng mga ito hanggang mamatay siya nuong Enero 30, 1764.

47. Simon de Anda y Salazar, Octobre 1762 - Marso 17, 1764. Ipinanganak sa Subijana, sa España, nuong Octobre 28, 1701, nasapi siya sa Audiencia Real sa Manila at nahirang na general at pang-2 sa governador. Tumakas siya mula Manila nuong Octobre 4, 1762 nang lumusob ang sandatahang dagat ng Britain at nang isuko ni Rojo, arsobispo at governador nuon, ang Manila sa mga British, nagtatag siya ng punong himpilan (capital) sa Bacolor, Pampanga, at hinirang ang sarili bilang governador ng Pilipinas. Nakipag-digmaan at nakipag-usap siya sa mga British sa Manila, samantalang abala siya sa aklasan ng mga Intsik sa paligid ng Manila at ng mga Ilocano sa pamumuno ni Diego Silang. Hindi siya nagwagi laban sa British ngunit nang matapos ang digmaan sa Europa, sa kanya isinauli ng mga ito ang Manila nuong Abril 1764.

48. Francisco Javier dela Torre, Marso 17, 1764 - Julio 6, 1765. Pinuno ng sandatahang Español, hinirang siyang pansamantalang governador nuong Marso 17, 1764 ng mga paalis na sandatahang British upang panatiliin ang payapa sa Manila. Umalis ang British nuong Abril 1764.

49. Jose Raon, Julio 6, 1765 - Julio 1770. Taga-Navarra at mariscal de campo. Dumating siya sa Manila nuong Julio 6, 1765 at siya ang governador ng Pilipinas nang dumating duon si Le Gentil nuong Octobre 1766 at si Arsobispo Santa Justa nuong Julio 12, 1767. Binago niya ang mga batas ng dating governador, si Arandia, at pinalayas ang mga Intsik mula sa Pilipinas nuong 1769. Pinalayas din niya ang frayleng Jesuit ayon sa utos ng hari ng España at ipinadakip si Raon, ang dating governador ng Pilipinas, dahil sa sinuhulan at nakipagsapakat ito sa mga Jesuit. Marami siyang naging away laban sa mga frayle. Namatay siya habang naka-residencia, sinisiyasat ng bagong governador.

50. Simon de Anda y Salazar, Julio 1770 - Octobre 30, 1776. Masigla siyang tinanggap sa Madrid pagdating nuong 1764 mula Pilipinas at hinirang siyang tagapagpayo sa Kastila (concejal de Castille, councillor of Castille). Sumulat siya nuong Abril 12, 1768 ng liham sa hari ng España, si Carlos 3, isinumbong ang mga katiwalian sa Pilipinas lalo na ng mga frayle. Pinabalik siya ng hari sa Manila nuong Julio 1770 bilang governador at masipag niyang inusig ang dating governador, si Raon, at iba pang pinuno ng pamahalaan at mga frayle. Ngitngit sa kanya ang mga ito.

Pinag-igi niya ang hukbo sa Pilipinas at pinagawa ang mga lansangan at iba pang gawaing bayan (public works). Nagpatuloy ang pandarambong ng mga Muslim (moros). Inihayag niya ang utos ng hari nuong Noviembre 9, 1774 na palitan ang mga frayle sa mga paroco ng mga secular na pari ngunit palihim niyang sinalungat ito at nuong Deciembre 11, 1776 pumayag ang hari na bawiin ang utos at panatiin ang mga frayle sa kani-kanilang mga paroco. Namatay siya nuong Octobre 30, 1776 sa gulang ng 76 taon. Inaalaala siya sa pagiging matapat at matalino.

51. Pedro Sarrio (Soriano), Octobre 30, 1776 - Julio 1778. Isang pinuno sa pamahalaan ng Manila, nahirang siyang pansamantalang governador sa kauna-unahang pagkakataon. Ipinagpatuloy niya ang paglusob sa mga Muslim (moros) at nuong Enero 12, 1777 pinairal niya ang utos ng hari ng España na palaguin ng mga indio (mga katutubong Pilipino) ang pagtatanim ng lino (flax) na ginagawang sinulid, at ng abaca (hemp) na ginagawang lubid (rope).

52. Jose Basco y Vargas, Julio 1778 - Noviembre 1787. Nagmula sa isang bantog na familia sa Granada at isang pinuno sa hukbong dagat ng España, naging governador siya ng Pilipinas mula nuong Julio 1778. Pinayagan niyang magbalik ang mga Intsik sa Manila nuong taong iyon. Kinalaban siya ng Audiencia Real at nang makipagsapakat ang mga ito sa ilang pinuno ng hukbong Español, ipinadakip niyang lahat nuong Octobre 1779. Pinalaki niya ang hukbo at pinatibay ang mga tanggulan.

Nuong Febrero 9, 1780 hanggang Marso 1, 1782 itinatag niya ang pagsarili ng pamahalaan sa kalakal ng tabako (tobacco monopoly). Itinatag din niya nuong 1781 ang Samahang Panghanapang-buhay ng mga Kaibigan ng Bayan (Sociedad Economica de Amigos del Pais, Economic Association of Friends of the Country). Nuong 1785, sumabog ang aklasan sa Ituy at Paniqui, sa Pampanga. Pinairal niya mula nuong Noviembre 4, 1786 ang utos ng hari ng España na sarilinin ng pamahalaan ang kalakal ng polvora (gunpowder). Marami pa siyang ginawang pagbabago sa Pilipinas.

Sinakop niya ang kapuluan ng Batan (Batanes Islands) sa hilaga ng Luzon. Sinulsulan niya ang pagpapalawak ng mga taniman at iba pang kalakal. Ngunit dala ng masugid na pagbakbak sa kanya ng Audiencia Real, hiniling niya sa Madrid na sisantihin na siya. Pinahintulutan siya ng hari at nagbalik siya sa España nuong katapusan ng Noviembre 1787 at nagkamit ng mga gantimpala - nahirang siyang almirante (admiral) ng hukbong dagat at Conde de Batanes. Ginawa siyang governador ng Cartagena (Colombia, sa South America).

53. Pedro de Sarrio (Soriano), Noviembre 22, 1787 - Julio 1, 1788. Pang-2 ulit nahirang na pansamantalang governador, nang umalis si Basco. Siya ang governador nang mag-aklas sa Ilocos nuong 1787 dahil sa pagsarili ng pamahalaan ng kalakal ng tabako (tobacco monopoly), at nang mamatay ang arsobispo, si Santa Justa nuong Deciembre 15, 1787.

54. Felix Berenguer de Marquina, Julio 1, 1788 - Septiembre 1, 1793. Isang pinuno sa hukbong dagat ng España. Dumating siya sa Manila nuong Julio 1, 1788 at sinalungat ng Audiencia Real duon. Pinairal niya ang utos ng hari ng España nuong Agosto 15, 1789 na buksan ang Manila sa kalakal ng lahat maliban sa ibang bayan sa Europa. Naglahad siya ng mga magpapabuti sa pamahalaan.

55. Rafael Maria de Aguilar y Ponce de Leon, Septiembre 1, 1793 - Agosto 7, 1806. Magiting ng Lipunan ng Alcantara (knight of the Order of Alcantara) at isang pinuno sa hukbo ng España, dumaong siya sa Cavite nuong Agosto 28, 1793 at nagsimula bilang governador nuong sumunod na Septiembre 1. Masipag at magilas, marami siyang ginawang pagbubuti sa Pilipinas. Pinatibay niya ang tanggulan at nagpasok ng mga katutubong Pilipino sa hukbong Español. Nagpatuloy ang pangdarambong ng mga Muslim (moros); nagpatayo siya sa Binondo ng paggawaan ng mga barkong panlaban sa mga Muslim. Nahirang siyang mariscal de campo ng España. Nagbitiw siya ng tungkulin sa pang-2 pinuno (segundo cabo) ng Pilipinas nuong Agosto 7, 1806, at namatay kinabukasan.

Felipe 5

SPANISH COLONIZATION: Tiempo Castilla sa kasaysayan ng kapuluan

Kaharian Ng Español Sa Pilipinas
Ang Maligalig Na Sandaan Taon, 1700 - 1799

5 MADUGO at mahabang digmaan ang sumalanta sa España sa buong haba ng ika-18 sandaang taon (18th century). Sumabog ang digmaan ng paghahari (War of the Spanish Succession) nuong 1702 hanggang 1714 nang maluklok na hari, ayon sa huling habilin ni Carlos 2, si Philippe d’Anjou, apo ni Louis 14 ng France, sa ngalang Felipe 5. Takot madaig ng kampihan ng France at España, sinakop ng hukbo ng England at Austria ang mga lungsod ng Valencia at Barcelona nuong 1705 upang iluklok ang ka-rival ni Felipe 5, si Duke Karl ng kahariang Habsburg sa Austria. Katulong ang mga taga-Cataluña at Valencia, na maka-tao sa halip ng maka-maharlika, 2 ulit nilang sinakop ang Madrid nuong 1706 at 1710 subalit 2 ulit ding nagapi ng magkamping hukbo ng France at ng 18,000 mga taga-Castilla na ayaw pailalim sa Spain’s flag mga taga-Cataluña at mga taga-Aragon. Hindi sinuko ng mga taga-Cataluña ang kanilang karapatan ng pansariling kapangyarihan (privilegis, fueros) sa ilalim ng hari kundi nuong matalo sila sa 2 taon ng digmaan nuong 1713-1714 sa Barcelona.

Nabuo nuon, sa kauna-unahang panahon, ang kaharian ng España nang walang sagabal na pansariling kapangyarihan sa iba’t ibang lalawigan. Sa tulong ng mga Bourbon ng France, tapos ng mga taga-Italia nang mamatay si Maria Luisa at napangasawa ni Felipe 5 si Isabela Farnese, napagbuti ang pamahalaan sa Madrid at ang kalakal sa mga sakop ng España sa America. Subalit dahil din sa mga lupain ni Farnese sa Italia, nasangkot uli ang España sa magkasunod na digmaan ng paghahari sa Poland (War of the Polish succession) nuong 1733 upang mabawi ang 2 Sicilia (Sicily) at Napoli (Naples), at paghahari sa Austria (War of Austrian succession) nuong 1741-1748 upang mabawi ang Milan.

Ang Mga HARI at REGINA

Angkan Ng Mga BOURBON
(House of Bourbon)

10. Felipe 5 (1683-1746). Isinilang siya sa Versailles, sa France nuong Deciembre 19, 1683. Ang ama niya ay si Luis (Louis), principe at tagapagmana ng kaharian ng France. Ang kanyang ina ay si Mariana ng Bavaria na na-viuda at naging asawa nuong 1690 ni Carlos 2, hari ng España. Tatlong linggo pagkamatay ni Carlos 2, hinirang na hari ng España si Felipe sa pangalang Felipe 5 nuong Noviembre 24, 1700. Sumunod na taon, napangasawa niya si Maria Luisa ng Savoy nuong Septiembre 11, 1701. Na-viudo, napangasawa niya nuong Septiembre 16, 1714 si Isabel Farnese. Nagbitiw (abdicated) siya nuong Elisabeth Farnese Enero 10, 1724 at hinirang na hari ang kanyang anak, si Luis 1, ngunit namatay ito pagkaraan ng 8 buwan kaya napilitang maghari muli si Felipe 5 nuong sumunod na Septiembre 6 hanggang namatay na rin siya pagkaraan ng 22 taon, nuong Julio 9, 1746 sa Madrid.

Sa Pilipinas, pinatay ng mga frayle nuong 1719 ang governador, si Fernando Bustamante. Inutos niya nuong 1721 at 1724 sa sumunod na governador, si Toribio Jose Cosio, na usigin ang mga pumaslang ngunit paulit-ulit siyang sinaway nito.

11. Luis 1 (1707-1721). Isinilang siya nuong Agosto 5, 1707 kina Felipe 5 at Maria Luisa. Pagkaraan ng 14 taon, ikinasal siya kay Louise Elisabeth ng Orleans, France, nuong Noviembre 16, 1721. Nahirang siyang hari nang magbitiw (abdicated) ang kanyang ama nuong Enero 19, 1724 ngunit namatay siya nuong sumunod na Agosto 31.

12. Fernando 6 (1713-1759). Batang kapatid siya ni Luis 1, isinilang nuong Septiembre 23, 1713 at ikinasal kay Maria Teresa ng Braganza nuong Enero 19, 1729, sa kanyang ika-16 taon. Minana niya ang kaharian nang mamatay ang kanyang ama, si Felipe 5, nuong 1746. Namatay siya sa Villaviciosa de Odon, sa Madrid, España pagkaraan ng 13 taon, nuong Agosto 10, 1759.

Si Fernando 6 ang pumayag sa mungkahi ng governador ng Pilipinas na ipatapon ang 2,000 Intsik mula sa Manila nuong 1755 upang masarili ng mga Español sa Manila ang kalakal ng China at Mexico, ang tinawag na galleon trade.

13. Carlos 3 (1716-1788). Isinilang siya sa Madrid nuong Enero 20, 1716 kina Felipe 5 ang ang pang-2 asawa nito, Carlos 3 si Isabel Farnese. Napangasawa niya si Maria Amalia, princesa at anak ni Frederick Augustus 2 ng Saxony, sa Germany. Nang mamatay ang kanyang kapatid-sa-ama, si Fernando 6, nahirang siyang hari ng España nuong 1759 at ipinamana niya ang kaharian ng 2 Sicily sa kanyang ika-3 anak, si Fernando.

Bilang hari, naging maunlad ang palakad sa España at bumuti ang buhay ng mga tao duon. Una niyang inutos na paglinis ng Madrid, ang punong lungsod at himpilan (capital) ng hari. Ang nagpabantog sa kanya ay ang kanyang pagkamakatao at pagkamakabago, 2 ugali na bunga ng kanyang pagiging Bourbon, makapangyarihan at maunlad na angkan mula sa France. Bagaman at mapag-utos at mahigpit tulad ng sinumang hari, hindi naman siya nagmalupit at nagsamantala sa mga tao. Hindi siya nakiming pagbutihin ang buhay ng mga tao. Isa sa mga una niyang utos ay ang pagbawal ng pagtapon ng maruming tubig at basura mula sa bintana upang kumalat sa mga lansangan. Nang umangal ang mga taga-Madrid, pinagalitan niya, Para kayong mga bata na umiiyak kapag hinugasan ang mukha!

Napaunlad ng kanyang mga ministro, sina Zenon de Somodevilla, marques de Ensenada at si Pedro Pablo Abarca de Boleo, conde de Aranda, ang lakbayan sa España at mga sakop. Ginanap din ang pagpundar ng mga tanimang kalakal (agricultural industries) sa Pilipinas at iba pang mga sakop (colonies), lalo na nuong alisin ang mga paghihigpit sa kalakal sa ibang bayan. Nagsimulang mabuksan ang kalakal at hanapang buhay sa Pilipinas nuon.

Samantala, ang pag-iwas ni Carlos 3 sa mga frayle at mga religioso, bunga rin ng kanyang pagiging Bourbon, ang nagdala ng galit sa kanya ng simbahang catholico at ng mga pinuno ng lipunan sa España. Kasalukuyang nabubulok nuon ang pamahalaan at kaharian ng España sa makipot na pag-iisip ng makalumang simbahan at ng mapagsamantalang maharlika. Ang buong kakayahan ng España ay nabuhos sa pagtangkilik ng kasalukuyang mga kalagayan at paglupig sa anumang pagbabago. Binawasan ni Carlos 3 at ng kanyang mga ministro ang kapangyarihan at yaman ng simbahan, lalo na ang mga frayle, sa buong kaharian. Hindi niya naalis ang pusod ng kapangyarihan ng simbahan sa España, - ang inquisition o pag-usig sa sinumang sumuway sa catholico o sa frayle, - subalit nadaig niya ang mga frayle at napatumal niya ang kanilang pag-usig ng mga galit sa simbahan o ayaw sumunod sa mga frayle.

Kaya kinalaban siya ng mga frayle. Nang magtangka si Carlos 3 nuong 1766 na hamukin ang mga taga-Madrid na magdamit tulad ng mga taga-France, naghimagsik ang mga tao. Sinamantala ito ng mga frayle, lalo na ng mga Jesuit, upang salakayin ang palacio at ang hari. Napilitang umurong si Carlos 3 at nagtago mula nuon sa kanyang palacio sa Aranjuez, ipinaubaya ang pagpapalakad sa kaharian sa kanyang ministro, si Pedro Pablo Abarca de Boleo, conde de Aranda. Ngunit itinanim niya ang muhi sa nakita niyang kataksilan ng mga religioso kaya pagkaraan lamang ng isang taon, nuong 1767, tinularan niya ang hari ng Portugal at ipinatapon niya ang mga Jesuit mula sa buong kaharian, sa España at lahat ng sakop (colonies) sa America at sa Asia, kasali ang Pilipinas. Inilit niya ang mga ari-arian ng mga Jesuit at iba pang mga convento, at inutos sa mga sakop, pati sa Pilipinas, na palitan ang mga frayle sa lahat ng paroco ng mga secular o pangkaraniwang pari.

Sa palakad sa labas ng España at pakitungo sa ibang bayan nasira si Carlos 3, lalo na nuong namatay na ang kanyang asawa, si Maria Amalia. Bilang isang Bourbon, karaniwang galit siya sa England at nasangkot siya sa digmaan ng France laban sa England sa tinawag na 7 years war nuong 1756 hanggang 1763. Dahil sa digmaang ito, nilusob at sinakop ng sandatahan ng England ang Manila mula nuong 1762 hanggang 1764. Sinamantala ni Diego Silang ang pagkakataon upang maghimagsik sa Ilocos nuong 1763. Kumampi rin si Carlos 3 sa France laban sa England nuong himagsikan sa American nuong 1779, bagaman at alam niyang ang paglaya ng mga Amerkano at makalalansag ng mga sakop ng España sa America.

Ang pinakamalaking pagkukulang niya na nakabalam sa Pilipinas ay ang pagtanggi niyang paturuan ng mahusay ang mga sundalo at pinuno ng sandatahan ng España, ang mga karaniwang hinihirang na pinuno sa Pilipinas. Kaya nagpatuloy ang pagdating ng mga pangahas at walang pinag-aralang Español upang maghari sa mga Pilipino. Nuong 1776, binawi rin niya ang utos niya nuong 1774 na alisin ang mga frayle na pulos Español sa mga paroco sa Pilipinas at palitan ng mga pari na karaniwang katutubo o mga mestizong Pilipino. Kung ipinagpilitan niya ang kanyang utos, napawi sana ang hilakbot ng mga tao sa mga frayle at malamang hindi naganap ang napipintong himagsikan ng mga Pilipino.

Namatay si Carlos 3 sa Madrid nuong Deciembre 15, 1788. Carlos 4

14. Carlos 4 (1748-1819). Siya ang pang-2 anak nina Carlos 3 at Maria Amalia, isinilang nuong Noviembre 11, 1748 sa Portici, sa Sicilia, Italia, nuong hari ng Sicilia ang kanyang ama. Malakas ang katawan ngunit nabalitang utu-uto, naging laganap ang kapangyarihan niya sa kaharian matapos niyang mapangasawa si Maria Luisa ng Parma, Italya ang kanyang napangasawa. Lumabas na ma-intriga si Maria Luisa na nagtangkang alisin ang ministro ni Carlos 3, si Jose Monino, conde de Floridablanca, upang mapalitan ni Pedro Pablo Abarca de Bolea, conde de Aranda.

May pagkasinto-sinto ang kanyang kuya kaya siya ang hinirang na hari nuong Enero 17, 1789 subalit ipinaubaya niya ang pamamahala sa kaharian kay Maria Luisa at sa kasintahan nito, si Manuel de Godoy, samantalang wala siyang inatupag kundi ang mangahoy (hunting). Magulo at madugo ang 20 taon ng paghahari niya sa España. Gimbal siya sa pagsabog ng himagsikan sa France (French Revolution) nuong 1779 at, sunod-sunuran kay Maria Luisa at kay Godoy, binuhay ni Carlos 4 ang simbahan at ang inquisition upang sugpuin ang mga nag-aamuki na ipagpatuloy ang mga pagbabago sa España na sinimulan ng kanyang ama, si Carlos 3.

Matapos pugutan ng ulo ang hari sa France, si Louis 16, sumama ang hukbong España sa paglusob sa France nuong 1793 ngunit nagapi at, matapos makipagpayapa sa bagong pamahalaan ng himagsikan sa France nuong 1795, napilitang sumali naman sa paglusob ng hukbo ng France sa Portugal nuong 1796. Kunyaring paghanda laban sa Portugal, sinakop ang España ng hukbo ng Republica ng France mula nuong 1794, subalit nagapi uli ang España dahil sa pagtulong ng England sa Portugal. Sa pamumuno ni Napoleon Bonaparte, ang bagong emperador ng France, tuluyang sinakop na ng France ang España nuong 1808.

Naghimagsik ang mga taga-Madrid at habang papalapit ang hukbong France, nagka-kudeyta (coup d’etat) sa palacio ng Aranjuez at, matapos mabalitaan ni Carlos 4 na humihingi ng tulong ang kanyang anak, si Fernando 7, kay Napoleon upang alisin si Godoy sa tungkulin, napilitang magbitiw si Carlos 4 bilang hari ng España nuong Marso 26, 1808 upang masagip ang kanyang favoritong ministro. Nilinlang silang mag-ama ni Napoleon at, nang magkaharap silang 3 sa Bayonne, France, pinagbitiw ang mag-ama upang mahirang na hari ng España si Joseph Bonaparte, kuya ni Napoleon.

Napigilan lamang ng mga alalay ngunit ilang ulit tinangka ni Carlos 4 na gulpihin ang anak, si Fernando 7, habang bihag silang mag-ama ni Napoleon sa France hanggang nuong 1814, nang natalo rin sa wakas si Napoleon ng nagkamping hukbo ng England at Prussia (naging bahagi ng Germany pagkatapos). Hindi na nagbalik sa España si Carlos 4 at, gamit ang pension mula kay Napoleon, nanatili na lamang siya sa piling ng kanyang asawa at ni Godoy buong buhay. Namatay siya sa bayan ng kanyang asawa, sa Napoli (Naples), Italya, nuong Enero 19, 1819. Bonaparte

15. Joseph Bonaparte (1768-1844). Kuya siya ni Napoleon Bonaparte, ang unang emperador ng France. Isinilang siya nuong Enero 7, 1768 sa Corte, sa pulo ng Corsica sa dagat Mediterranean sa silangang timog (southeast) ng France. Naging abogado at embajador (diplomat) siya bago siya hinirang ng kapatid na hari ng Napoli, sa Italya, nuong 1806 hanggang 1808. Nuong 1808 hanggang 1813, hinirang siya uli ni Napoleon na hari naman ng España.

Tinawag siyang Pepe Botella (Joe Bottle) ng mga Español dahil madalas siyang lasing. Ang mga taga-France na sundalo niya ay tinawag na Josephinos. Nuong Mayo 2, 1808, nag-aklas ang mga taga-Madrid at marahas na pinuksa sila ng malaking hukbo ng France na pinamunuan ni Joseph Bonaparte. Ito ang simula ng 6 taon ng himagsikan sa España, tumagal hanggang 1814 nang, sa tulong ng hukbo ng England, napalayas ang hukbo ng France.

Tumakas si Joseph Bonaparte sa America at nanirahan nang 17 taon sa Bordentown, sa New Jersey. Namatay siya sa Florencia, sa Italya, nuong Julio 28, 1844.

Bagaman at kinamuhian ang kanyang pamahalaan ng mga Español, at nawasak ang paghanapang-buhay (economy) sa matagal na digmaan, siya naman ang unang nagpasok ng makataong paghahari (constitutional government) at simula ng democracia sa España. Katunayan, nagbuo ng pamahalaang bayan (popular government) ang mga naghihimagsik sa España nuong 1810 sa Cadiz. Kasama ang Pilipinas sa mga naanyayahan at nagpadala ng mga kinatawan para sa Cortes o Batasang Bayan sa Cadiz, ang kauna-unahang congreso sa kasaysayan ng España.

Sinamantala ng mga sakop (colonies) sa America ang pagkaabala sa digmaan at ang kahinaan ng España upang maghimagsik at makalaya. Nang muling maluklok ang hari sa España, walang nalabi sa mga sakop ng España maliban sa Cuba, Puerto Rico at Pilipinas.

Talaga namang bihira napansin ang Pilipinas, nasa kabila ng daigdig at walang yamang idinadagdag sa kaharian, kaya kaunting balam lamang ang nadama mula sa mga digmaan ng España maliban sa 1. Lubusang Mexico na lamang ang nagpadala ng barko, salapi at tauhan sa Pilipinas, at 2. Lalong nagsarili sa kapangyarihan ang mga Español sa Manila at ang mga frayle sa kani-kanilang paroco, dahil laging abala ang Madrid. Mapayapa at maunland ang paghahari ni Fernando 6 nuong 1746-1759 subalit lalong nakaligtaan ang Pilipinas nang mabaliw siya, tulad ng kanyang ama, mula nuong 1754.

Makabago at makatao ang sumunod na hari, si Carlos 3, tinangka pang palawakin ang pagpalit ng mga katutubong pari sa mga paroco ng mga frayleng Español, at itaguyod ang kapakanan ng mga magsasaka at karaniwang mamamayan, sa España at sa mga sakop, pati na sa Pilipinas, subalit nabigo siya sa pakana ng mga Español sa Manila at ng mga frayle sa kanila mga paroco sa kapuluan. Kahit na matapos niyang iutos nuong 1767 na palayasin ang mga frayleng Jesuit sa España at mga sakop, pati na sa Pilipinas.

Natigil ang pagbabago ni Carlos 3 sa Pilipinas nang masangkot uli ang España sa 7 taon ng digmaan (Seven Years’ war) nuong 1757-1763, dahil sa paulit-ulit na salpukan sa dagat laban sa Britain na patuloy na umaagaw sa mga sakop at kalakal ng España sa America. Natalo at nalagas ang mga sakop ng España sa hilagang America - ang Florida at ang malawak na Louisiana territory. Nagwagi subalit mas malaki ang nawala sa Britain nang nagkaisa ang mga taga-hilagang America, ang ginamit nilang sundalo sa digmaan, at naghayag nuong 1776 ng pagsasarili (independence) bilang United States, pangyayari na lubusang bumalam sa Pilipinas sa sumunod na sandaang taon (19th century).

Kaiba sa ibang digmaan ng España, nabagabag ang Pilipinas nang salakayin at sakupin ng hukbo ng Britain ang Manila at karatig nuong 1762-1764, ang tanging panahon nawala ang kapangyarihang Español sa kapuluan sa loob ng 200 taon. Sinamantala ng mga taga-Pangasinan upang maghimagsik sa pamumuno ni ‘Palaris’ Pantaleon Perez, at ng mga taga-Ilocos ni Diego Silang.

Ang huling digmaan ng España, nuong katapusang ng ika-18 sandaang taon, ay bahagya lamang naramdaman sa Pilipinas subalit ang naganap sa Europa at America pagkatapos, at dahil sa digmaang ito ang naghatid sa kapuluan sa gulo at dahas ng huling sandaang taon ng Español sa Pilipinas.

Nang naghimagsikan sa France nuong 1793, nakipagdigmaan ang España at Britain at lumusob sa France ngunit kapwa nagapi. Nakipagpayapa ang España at kumampi na sa France nuong 1795, laban sa Britain. Naging hari si Napoleon Bonarte sa France nuong 1799, at niyaya niya ang España sa pagsakop sa Portugal. Inunahan sila ng Britain at dinurog ang magkamping hukbong dagat ng France at España sa Trafalgar nuong 1805. Tinalo rin ang magkasamang hukbo ng France at España na lumusob sa Portugal nuong 1807. Upang hindi masakop ng Britain, sinakop ng France ang España nuong 1808 at binihag ang hari. Nagtatag si Napoleon ng kanyang pamahalaan sa Madrid, sa ilalim ng kanyang kapatid, si Joseph Bonaparte, na hinirang niyang hari ng España.

Durog ang hukbong dagat, wasak ang sandatahan at naglaho pati ang kaharian, lubusang nanghina ang España. Nagsamantala, naghimagsik ang mga sakop ng España sa America - Argentina, Peru, Mexico, Chile, Paraguay, Bolivia at Uruguay - at isa-isa silang nakalaya sa mga sumunod na taon. Libu-libong frayle at mga Español na napalayas sa mga bayang iyon ay dumayo sa Manila upang maghanap ng makakain. Kaya sa halip na lumaya, lalong naghigpit ang buhay sa Pilipinas at dahil wala nang hari na sumupil sa kanila, naging sukdulang malupit ang pagsamantala ng mga Español sa mga Pilipinong tinawag nilang ‘indio.’

Ang Mga ARSOBISPO

11. Dr. Diego Camacho y Avila, 1697 - 1706. Secular na pari. Taga-Badajoz at isang pinuno siya sa simbahan duon nang mahirang na arsobispo ng Manila nuong Agosto 19, 1696 at itinanghal siya sa La Puebla, sa Mexico, bago siya nagtungkulin sa Manila nuong Septiembre 13, 1697. Tinanggap niya ang sugo ng Pope (papal legate), si Tournon, at napahamak sa mga pinuno sa Madrid dahil dito. Nakalaban din siya lahat ng frayle sa Pilipinas dahil ipinilit niya ang visitacion episcopal upang pamahalaan ang mga frayle. Tinangka rin niyang iluklok ang mga secular na pari sa mga paroco ngunit nabigo dahil kaunti lamang ang mga pari nuon at ang mga frayle ang umari sa mga vacanteng simbahan. Pinagbuti niya ang cathedral sa Intramuros, gumastos ng mahigit 40,000 piso. Itinatag din niya ang seminario de San Clemente na tumanggap ng mga hindi Español na nais mag-pari.

Dahil sa maraming away at sumbong laban sa kanya, ipinalipat siya ng hari ng España sa Mexico at hinirang na obispo sa Guadalajara nuong Marso 14, 1706. Namatay siya nuong 1712 at ayon sa kanyang huling habilin, ipinag-misa siya ni Diego de Gorospe Ysla, obispo ng Nueva Segovia sa Ilocos, sa cathedral sa Intramuros nuong Octobre 23, 1713.

Vacante, walang arsobispo, 1706-1707. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

12. Francisco dela Cuesta, 1707 - 1724. Frayleng San Geronimo (Saint Jerome). Taga-Colmenar, malapit sa Madrid. Dalubhasa sa pag-aral ng pagsamba (master of theology) at tagapag-catechismo (preacher) sa hari ng España, nahirang siyang arsobispo ng Manila nuong 1706 at itinanghal (consecrated) sa Mexico nuong Agosto 12, 1707. Bilang arsobispo, pilit niyang tinupad ang utos ni Pope Clement 11 na pamahalaan ang mga frayle sa pamamagitan ng visitacion episcopal ngunit kinalaban siya ng mga frayle at napilitan siyang maghintay nang manawagan ang mga ito sa Rome.

Nakalaban din ni Dela Cuesta ang governador ng Pilipinas nuon, si Fernando Bustamante at nang kampihan at ipagtanggol ni Dela Cuesta ang isang na pinuno ng Manila na inuusig ni Bustamante, ipinakulong ng governador ang arsobispo sa Fuerza Santiago sa Intramuros. Nuong gabing iyon, Octobre 11, 1719, naghimagsik ang mga frayleng Dominican, Franciscan at Augustinian at, hawak ang mga sulo, hinikayat ang mga taga-Intramuros na pulos Español na lusubin ang governador. Nagtakasan ang mga sundalo sa palacio ng governador at walang nagtanggol sa nagising na governador. Pinatay ng mga frayle si Bustamante at ang kanyang anak na lalaki, at sumugod sa Fuerza Santiago upang palayain si Dela Cuesta.

Kinabukasan, hinirang ni Dela Cuesta ang sarili bilang pansamantalang governador ng Pilipinas at halos 2 taon siyang nanungkulan, kahit na 2 ulit siyang ipinasiyasat ng hari ng España, dahil walang pinuno sa Manila na nais pumalit sa kanya bilang governador. Pati ang 3 obispo sa Pilipinas, sa Cebu, Nueva Segovia at Nueva Caceres nang mamatay ay walang pumalit at nanatiling vacante habang governador si Dela Cuesta. Sa wakas, nuong Julio 25, 1721, pinaalis sa Pilipinas ng hari ng España si Dela Cuesta dahil sa pagkamatay ni Bustamante at inilipat siya sa Mexico. Hinirang siyang obispo ng Mechoacan duon nuong Abril 18, 1724. Pagkaraan lamang ng mahigit 1 buwan, namatay siya duon nuong Mayo 30, 1724 sa gulang ng 63 taon. Inilibing siya sa simbahan duon.

Nang mag-governador ng Pilipinas si Bustamante nuong 1717, tinupad niya ang utos sa kanya ng hari ng Españal na ayusin ang pagkalugi ng pamahalaan sa Manila. Nagtagumpay siya, matapos lamang ng 6 buwan, nagkaroon ng mahigit 220,000 piso ang Manila at nuong Febrero 1, 1718, ang halaga ay humigit sa 293,400 pesos. Marami pang mga alahas at mamahaling ari-arian na inilit mula sa mga hindi nagkabayad ng utang o buwis. Ngunit ang tagumpay ay nakamit sa pagkakaroon ng maraming kaaway, halos lahat ay pinuno o makapangyarihan sa Manila, dahil sa lupit at dahas na ginamit ni Bustamante, - sinamsam ang mga dala ng galleon mula sa Acapulco, Mexico na ipinuslit upang huwag magbayad ng buwis, malaking halaga sapagkat halos lahat sa Manila ay gumagawa nito. Ipinsiyasat niya at ipinasulat kina Andres Fernandez de Arquiju at Esteban Hizguino, 2 pinuno sa Manila, ang lahat ng ari-arian sa Manila upang singilin ang buwis at bayad ng mga may utang sa kaharian. Lumitaw sa pagsiyasat na malaking salapi ang naglaho nuong pansamantalang governador si Jose Torralba at ipinakulong niya ito sa Fuerza Santiago. Sa dami ng ipinapiit ni Bustamante nawalan ng tao sa Audiencia Real. Nakapiit din sina Julian de Velasco at Francisco Fernandez Toribio. Si Gregorio Manuel de Villa na lamang ang nalabi bilang unkat-yaman (auditor) ngunit ito, sa takot na ikulong din siya ni Bustamante ay tumalilis at nanahimik sa convento de Nuestra Senora de Guadalupe, 10 kilometro mula sa Manila. Napilitan si Bustamante na ibalik sa tungkulin si Torralba kahit na ito ay naka-residencia pa.

Dahil kasapakat halos ng Español sa Manila sa mga palusot at paglaho ng salaping bayan, napuno ang mga simbahan at convento ng mga nagtatago sa pagsiyasat, at pagsingil, ni Bustamante. Isa na rito si Antonio de Osejo y Vazquez, isang notario publico na nagtago sa cathedral, dala-dala ang lahat ng kanyang kasulatan. Pinilit ni Bustamante si Arsobispo Cuesta na palabasin si Vazquez upang isuko ang mga kasulatan ng mga pag-aari ng mga taga-Manila, ngunit ibinitin ng arsobispo at pinaghintay siya. Kasangkot ang mga frayle sa Manila sa mga pagkupit at pag-ari ng mga lupa na hindi batid sa Madrid. Nang ulitin ni Bustamante, isinagot ni Cuesta ang payo ng mga pinuno ng mga frayle na pinulong ng arsobispo, na hindi maaaring isuko ang karapatan ng sanctuario ni Vazquez at ng mga iba pang nagtatago sa simbahan. Tapos, itinawalag ni Cuesta mula sa simbahan (excommunicated) si Torralba dahil sa pagtulong nito kay Bustamante. Pinasugod pa ng arsobispo ang 2 frayle sa bahay ni Torralba upang pangaralan ito subalit, hawak ang espada, itinaboy sila ni Torralba.

Kinabukasan, Octobre 11, 1719, ipinadakip ni Bustamante si Cuesta at ang 2 frayleng pinasugod niya. Dahil ayaw lumakad ng arsobispo, binitbit siya sa kanyang upuan ng mga sundalo at ikinulong sa Fuerza Santiago. Nuong gabing iyon, nagsapakat ang mga frayleng Franciscan, Dominican, Augustinian at Recollect at nilusob nila ang palacio ng governador, dala-dala ang mga sulo at hagdan upang akyatin ang bakod. Sinalihan sila ng mga nagtatago sa mga simbahan at convento. Takbuhan sa takot ang mga sundalo ni Bustamante at nag-iisa siyang lumaban sa mga nag-aklas. Nadaig siya ng marami, binale ang kanyang kanang brazo at tinaga ng espada sa ulo. Bagsak ang governador, agaw-buhay. Dumating ang anak na lalaki ni Bustamante, isang pinuno ng sandatahang Español at, gamit ang espada, tinangkang saklolohan ang governador ngunit dinumog siya ng mga nag-aklas at iniwang nakahandusay, agaw-buhay din. Hinubaran ang namamatay na mag-ama at kinaladkad - sinaksak 2 ulit sa dibdib ang governador - sa kulungan sa ilalim ng palacio. Duon namatay si Bustamante at ang kanyang anak.

Matapos maging governador si Arsobispo Cuesta simula kinabukasan, pinabalik sa Mexico ang 6 nalalabing mga anak ni Bustamante. Siniyasat ni Cuesta ang aklasan at sa pahayag na ipinadala niya sa Madrid pagkatapos, isiniwalat nilang masamang tao si Bustamante.

Vacante, walang arsobispo, 1724-1728. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon. Nagpatayo ng tahanan para sa mga ulilang batang babae.

13. Dr. Carlos Bermudez Gonzalez de Castro, 1728 - 1729. Secular na pari. Taga-Pueblo delos Angeles sa Mexico, licenciado siya at dalubhasa sa batas (doctor of laws). Nagturo siya ng mga atas ng simbahan (professor of cannons) sa universidad de Mexico at kasama sa Inquisition, ang pag-usig ng mga ayaw sumunod sa catholico, ng Mexico. Hinirang siyang arsobispo ng Manila nuong 1722 at itinanghal nuong Junio 17, 1725 ngunit nabinbin nang 3 taon pa sa Mexico dahil walang barko papunta sa Pilipinas nuon. Marso 27, 1728 na nang maglayag siya sa Acapulco at dumating sa Manila nuong Julio 29, 1728. Nagsimula siyang manungkulan nuong Agosto 15, 1728 at nakaaway ang governador nuon, si Jose Cosio, tungkol sa colegio de San Felipe. Nagkasakit siya nuong Octobre 5, 1729 at namatay nuong sumunod na Noviembre 13, sa gulang ng 62 taon. Inilibing siya nuong Noviembre 18, 1729 ngunit ang puso niya ay dinala sa convento ng San Lorenzo sa Mexico, ayon sa kanyang huling habilin.

Vacante, walang arsobispo, 1729 - 1737. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

14. Juan Angel Rodriguez, 1737 - 1747. Trinitarian, nakilala siya sa pagkabuti, pagkahinahon at mapagmahal. Isinilang siya sa Medina del Campo. Nagdalubhasa siya sa aralin ng pagsamba (master in sacred theology) at nanungkulan sa ilang cathedral sa España. Nagturo (professor) siya sa mga universidad ng Salamanca at Alcala nang mahirang na tagapag-cumpisal (confesor) ni Diego Morcillo Rubio de Aunon, ang arsobispo ng Lima, Peru, sa South America. Dumating siya sa Lima nuong Abril 17, 1731 at pagkaraan ng 1 buwan, nahirang na arsobispo ng Manila nuong Mayo 18, 1731. Napilitan siyang manatili sa Lima hanggang Enero 2, 1736 dahil walang barko na pinapahintulutang pumunta sa Acapulco, Mexico, nuon. Abril 17, 1736 na nang makaalis siya sa Acapulco at lumapag sa Samar nuong sumunod na Agosto 30. Mahigit 1 buwan bago niya narating ang Nueva Caceres sa Camarines nuong Octobre 4 at itinanghal siya ni Felipe de Molina, ang obispo duon, nuong Noviembre 23, 1736. Dumating siya sa Manila nuong Enero 24, 1737. Pinag-igi niya ang pag-awit sa cathedral ang sinimulan ang pagkanta duon ng Gregorian chant. Ipinagbawal niya ang procession sa gabi at iniba niya ang iba’t ibang fiesta. Ipinagtanggol niya ang isang fiscal na inusig ng governador nuon, si Fernando Valdez, at nagkubli sa convento ng mga Recollect. Hinimok niya ang fiscal na sumuko sa isang harapang pag-usig (fuerza) at magtiwala sa awa ng governador, ngunit malupit na pinarusahan ng governador ang fiscal. Sinisi ng arsobispo ang sarili at ang dalamhati ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay nuon 1747.

Vacante, walang arsobispo, - 1747. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

15. Pedro de Santisima Trinidad Martinez de Arrizala, 1747 - 1755. Frayleng Franciscan. Taga-Madrid. Naging kasapi siya ng Audiencia Real ng Quito, sa Peru, South America, at ng consejo de Indias (council of the Indies) bago siya nag-frayle. Itinanghal (consecrated) siya sa España bilang arsobispo ng Manila at dumating siya sa Pilipinas nuong Agosto 27, 1747. Nuong nasa España pa, humingi siya at binigyan ng pahintulot na paalisin ang mga Intsik mula sa Pilipinas ngunit hindi niya pinairal ito sa Manila dahil sa pakiusap ni Juan Arrechederra, frayleng Dominican, obispo ng Nueva Segovia sa Ilocos, at pansamantalang governador ng Pilipinas nuon. Ang mga Dominican ay namamahala sa mga Intsik sa Pilipinas nuon. Nuong napalitan si Arrechederra ng bagong governador, si Jose Francisco de Obando, inabot niya ang utos ng hari na palayasin ang mga Intsik ngunit hindi siya pinansin ni Obando dahil marami at palagi ang pag-aaway nilang dalawa. Pati ang kapalit ni Obando, si Manuel de Arandia, ay naging kaaway niya. Namatay siya nuong Mayo 28, 1755.

Pinuri nuong Noviembre 7, 1751 ni Ferdinand 6, hari ng España, si Pedro Enriquez, ungkat-yaman ng Audiencia Real sa Manila dahil napatigil niya ang aklasan ng mga Pilipinong magsasaka sa paligid ng Manila - sa Taguig, Hagonoy, Paranaque, Bacoor, Cavite el Viejo (Kawit ngayon) at iba pang katabing nayon. Naghimagsik ang mga ito, ulat ni Ferdinand 6 sa kanyang liham, dahil ninakaw ang kanilang mga lupa ng mga frayle sa pamamagitan ng pandaraya, kasabwat ang mga pinuno sa mapahalaan sa Manila. Kinampihan ni Ferdinand 6 ang pag-ilit ni Enriquez ng mga lupa upang ibalik sa mga tao. Siniyasat din niya ang mga titulo ng lupa na hawak ng mga frayleng hacenderos at pinatatag ang hangganan ng kanilang mga lupain. Inutos ni Ferdinand 6 sa Audiencia na alagaan ang kapakanan ng mga tao, at ipaalam sa kanila na kapag may suliranin sila laban sa mga frayle, na sa halip na maghimagsik, dapat silang humingi ng tulong sa Audiencia.

Vacante, walang arsobispo, 1755-1759. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

16. Manuel Antonio Rojo del Rio y Vieyra, 1759 - 1764. Taga-Tula, sa Mexico, hinirang siyang arsobispo ng Manila nuong 1758 at dumating sa Manila nuong Julio 22, 1759. Tinangka niyang agawin ang pamahalaan ng Pilipinas mula kay Obispo Miguel Lino de Ezpeleta, obispo ng Cebu at pansamantalang governador nuon, ngunit lumaban ito at nuong Julio 1761 lamang nang dumating ang utos mula sa hari ng España naging governador ng Pilipinas si Rojo. Binura niya agad ang paratang ni Ezpeleta laban kay Santiago Orendain, ang alagad ni Pedro Manuel de Arandia Santisteban, ang dating governador. Nilusob ang Manila at pinagkakanyon ng sandatahang dagat ng Britain nuong Octobre 1762 dahil sa Seven Years War sa Europa nuon laban sa España at France. Pinaratangan ng duwag si Rojo dahil isinuko niya ang Manila. Hinayaan siya ng mga British na manatiling governador ngunit naging bihag siya hanggang mamatay nuong Enero 30, 1764. Binigyan siya ng marangal na libing bilang governador ng mga British. Tapos na ang digmaan sa Europa, umalis ang mga British nuong Abril 1764.

Vacante, walang arsobispo, 1764-1767. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

Nuong 1767, pinalayas ni Carlos 3, hari ng España, ang mga frayleng Jesuit mula sa España at lahat ng sakop ng kaharian, pati sa Pilipinas. Inilit lahat ng kanilang ari-arian, lupain at convento. Inutos din ng hari na alisin ang lahat ng mga frayle sa mga paroco at palitan ng mga secular na pari, na higit na masunurin sa mga utos ng hari. Hangad ng hari na ipailalim sa pamahalaan ang mga frayle at ang kanilang mga lipunan, at bawasan ang kanilang kapangyarihan. Nasunod ang mga utos ng hari sa mga sakop sa America at napalitan ng mga pari ang mga frayle duon, ngunit mahigpit na kinalaban ito ng mga frayle sa Pilipinas. Hinadlangan nila ang pagiging frayle ng mga Pilipinong indio at mestizo. Pati ang pagiging secular na pari ng mga ito ay kinalaban nila upang walang maipalit sa kanila sa mga paroco gaya ng nais gawin ng mga arsobispo ng Manila.

17. Basilio Santa Justa y Sancho de Rufina, 1767 - 1787. Taga-Aragon, sa España, siya ay mautak, matapang at malapit sa hari ng España, si Carlos 3. Nahirang siya nuong 1767, itinanghal (consecrated) sa España at dumating sa Manila nuong taon ding iyon. Agad siyang nanungkulan, pinaganda ang cathedral sa Intramuros, at nag-sermon ng 9 araw laban sa lahat ng bisyo (vicios, vices). Nangulo siya sa paglitis ng obispo ng Nueva Caceres at hinatulan itong manatili at huwag lumabas ng Nueva Caceres. Siya ang arsobispo nang palayasin mula sa Pilipinas ang mga frayleng Jesuit. Si Santa Justa, sa lahat ng naging arsobispo ng Manila, ang pinakamasugid sa pagpapasunod sa mga frayle sa utos (papal bull) ni Pope Benedict 14 nuong Noviembre 6, 1744 na pumailalim sa arsobispo ang mga frayleng catholico.

Inutos ng governador nuon, si Jose Raon, sa lahat ng mga frayle na tanggapin at sunurin si Santa Justa ngunit hindi siya pinansin ng mga ito at kinalaban ang pagsiyasat (episcopal visit) ng arsobispo. Ang mga frayleng Dominicano lamang ang nadalaw ni Santa Justa nuong 1768, at mabilis niyang nilagyan ng secular na pari ang mga bakanteng paroco sa teritorio ng mga Dominican - sa Parian at Binondo sa labas ng Intramuros, at sa lalawigan ng Bataan. Nagsiklab ang mga Dominican at iba pang mga frayle at nagsumbong sa hari sa España. Pati si Governador Raon ay nahimok at kumampi na rin sa mga frayle. Napilitan si Santa Justa na magpasugo rin sa Madrid nuong Mayo 10, 1768 upang kalabanin ang habla ng mga frayle, at nang dumating ang bagong governador, si Simon de Anda, humingi ng tulong sa kanya si Santa Justa.

Kinampihan naman siya ni Anda na nag-utos nuong Noviembre 9, 1774 na luklukan ng secular na pari sa halip ng frayle ang anumang paroco na mabakante. Nuong Mayo 18, 1771, tinawag ni Santa Justa ang mga pinuno ng frayle sa Manila upang usigin at litisin ang mga obispo ng Cebu, Nueva Caceres at Nueva Segovia. Nagpulong sila nang 6 ulit ngunit walang nangyari. Namatay si Santa Justa sa Manila nuong Deciembre 15, 1787.

Vacante, walang arsobispo, 1787-1789. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

Nuong 1766, ipinagtapat ni Francisco Leandro de Viana, ang ingat-yaman ng hari sa Manila, na 250,000 piso ang buwis na ibinabayad ng mga tao sa mga Español taon-taon, at lahat ay napupunta sa mga simbahan. Pinagbabayad pa raw ang mga tao sa anumang servicio sa simbahan at inulat sa hari ang iba pang pinagkikitaan ng mga frayle. Walang napupunta sa pamahalaan sa Manila, kaya kailangan pang tustusan mula sa Mexico ang gastos ng mga pinuno at hukbong Español sa Pilipinas taon-taon. Gayun pa man, kulang ang sandatahan sa kapuluan kaya marami ang walang laban sa pandarambong ng mga Muslim (moros). Upang malunasan ang pagkalugi ng pamahalaan, iminungkahi ni De Viana na sarilinin ng pamahalaan ang kalakal ng mga karaniwan gamit at pang-aliw ng mga tao, gaya ng tabaco (tobacco), alak at sabong (cockfighting). Pagkaraan ng 15 taon, nuong 1781, itinatag ni Jose Basco, governador ng Pilipinas nuon, ang pagsarili ng pamahalaan sa kalakal (monopoly) ng tobacco sa Pilipinas. Nuong 1807, nang si Mariano Folgueras ang pansamantalang governador, ang kalakal ng basi naman ang sinarili ng pamahalaan. Sa kabila ng lahat ng ito, kinailangan pa rin ang taon-taong tustos mula sa Mexico, sa pamamagitan ng galleon trade. Ang sabong at iba pang sugal ay hindi sinaklaw ng mga Español.

18. Antonio de Orbigo y Gallego, 1789 - 1790. Frayleng Franciscan. Isinilang siya sa Leon, España nuong 1729. Nag-frayle siya sa Priego at nagtungo sa Pilipinas nuong 1759. Nagbalik siya sa España at naging pinuno (procurator) ng mga Franciscan duon. Nahalal siyang obispo ng Nueva Caceres sa Camarines, Bicol nuong 1779 at nagbalik siya sa Pilipinas nuong 1780. Napili siyang arsobispo ng Manila nuong 1789 at nanungkulan simula nuong Octobre 16, 1789. Nilakbay at dinalaw niya isa-isa ang mga paroco sa Manila at minsan, muntik nang mabihag ng mga Muslim (moro) sa tabi ng Manila. Namatay siya nuong Mayo 15, 1790 sa Santa Ana at inilibing sa simbahan ng Franciscan sa Intramuros kinabukasan. Mahinahon, marunong at pangkaraniwan sa kanyang mga hilig, wala siyang naging kaaway.

Vacante, walang arsobispo, 1790-1794. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang namahala nuon.

19. Ignacio Salamanca, hindi nakapagtungkulin. Taga-Manila at pinuno (dean) ng cathedral sa Intramuros, nahirang siyang obispo ng Cebu nuong Septiembre 28, 1789 at nanatili sa Cebu simula nuong 1794. Nahirang siya arsobispo ng Manila ngunit namatay siya sa Cebu nuong Febrero 1802 bago pa makarating ang balita sa kanya.

Vacante, walang arsobispo, 1794 - 1804. Ang pamahalaang simbahan (ecclesiastical cabildo) ang nanatiling tagapamahala mula nang mamatay si Arsobispo Arbigo hanggang pagdating ni Zulaibar dahil hindi kailan man nagkapagtungkulin si Salamanca.

Nakaraang kabanata        Ulitin mula sa itaas        Tahanan Ng Mga Kasaysayan        Lista Ng Mga Kabanata        Susunod na kabanata